A poem after reviewing my life

Quiet Storm by Fr. Nick F. Lalog II, 04 February 2020

Photo by author, St. Paul Spirituality Center, Mt. Pico, La Trinidad, Benguet, 04 February 2020
My life may be rife
with so many strifes
causing me to struggle, 
be pained leading into fruition
making life golden.
When I reviewed my life and see 
the past so vast and also fast,
then I realize my life 
is not all mine but His, Divine.
Here in my life
I can see within
where it is going; 
calming, assuring and so promising
the Divine leading me to final joining 
for my life is really in HIM.
Amen.
Photo by author, St. Paul Spirituality Center, Mt. Pico, La Trinidad, Benguet, 04 February 2020

Aral sa atin ni Kobe Bryant

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Enero, 2020

Larawan mula “nappyafro”, 27 Enero 2020
Gaya ng karamihan
ako ma'y nagulantang
nang mabalitaan
biglang pagpanaw ni Kobe Bryant.
Hindi makapaniwala
tumutulo mga luha
pilit inuunawa
malagim na balita. 
Aking binalikan 
kahusayan at kagalingan
nitong si Kobe Bryant
hindi lamang basketball tatak na kanyang iniwan.
Larawan mula sa theplayerstribune.com
Hindi ko maubos maisip noon 
nang siya'y paratangan 
pang-aabuso ng isang babaeng
kawani ng hotel na kanyang tinuluyan.
Sadyang narumihan kanyang pangalan
kaya't sinikap niyang iyon ay lampasan
pumili ng bagong pangalan - Black Mamba -
taguri sa kanyang katauhan. 
Ngunit mga kaguluhan
hindi siya nilayuan
pagkatalo ng kanyang koponan
pati kanyang kasal nalagay sa alangan.
Larawan mula sa we the pvblic.
Ngunit sadyang mahusay lumaro sa buhay itong si Kobe Bryant
kanyang mga salita pinatunayan, pinangatawanan 
na ano mang negatibo, kaguluhan o kahirapan
daan at pagkakataon ng pagbangon.  
Nang siya ay mamatay
makulimlim daw ang panahon
kadiliman muli siyang sinundan
upang bumangon sa piling na ng Panginoon.
Sa kanyang paglisan wala siyang sinabi ano man
at marahil kaya tayo nasaktan at luhaan
kanyang mga aral ay ginintuang katotohanan
tagos sa ating puso at kalooban.
Larawan mula sa The New Yorker
Pamilya at mga kaibigan
pahalagahan at mahalin ng lubusan
sapagkat itong buhay walang nakaaalam
kung hanggang kailan.
Gayun din naman
sa buong buhay ni Kobe Bryant
malinaw niyang sinabuhay
itong katotohanan:
Sa buhay palaging mayroong kadiliman
ngunit nasa ating mga kamay pagpapasya 
kung mananatili sa kapanglawan o 
tatahakin landas ng kaliwanagan!

Salamat po, Birhen ng Santo Rosario

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 07 Oktubre 2019

Larawan ay kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual sa Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception, Washington, DC, 09 Setyembre 2017 .
Maraming salamat,
mahal naming Ina,
Birheng Maria sa iyong pagsama
sa amin tuwina
ngayong inaala-ala
iyong himala
sa pakikipag-digma ng mga Kastila
sa Look ng Lepanto
dinarasal iyong Santo Rosario.
Kay sarap namnamin
damang-dama namin
sa bawat butil ng Rosario
pakikiisa mo sa amin
upang higit naming sundin
butihin mong anak
at Panginoon namin
na siyang kapanatilihan
ng Diyos sa piling amin.
Dahil kay Kristo Hesus
na isinilang mo sa amin,
Panginoong Diyos naging kapiling namin
palaging dumarating
maging sa gitna
ng mga unos at sigwa
nitong karagatan
ng buhay namin
tumatawag para kami ay sagipin.
Mula sa panganib
ng karagatan at latian
hanggang sa katihan
kailanman ay hindi kami
iniwan ni Kristo Hesus
na iyong isinilang
upang kami ay pangunahan
pabalik sa aming tahanan
doon sa kalangitan ikaw ngayon nakapisan.
Maraming salamat
Mahal naming Ina
Birheng Maria
nawa amin kang matularan
si Hesus ay masundan
sa nakakatakot na karagatan
at kapanatagan ng kapatagan
kanyang mukha sa ami'y mabanaagan
kami rin mismo maging misteryo ng iyong Santo Rosario.

“Kabanalan sa Pagbibilang”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-27 ng Nobyembre 2018

IMG_2434 

Isang bagay na palagi kong natatandaan
Pangaral ng aking mga magulang
“Huwag kayong magbibilangan,
Iwasan ang pananaghilian, walang lamangan.”
Kaya’t ako ay nasanay bilang panganay
Na gawin na lamang ang lahat ng bagay
Nang hindi naghihintay kung may daramay
Kayanin ang lahat kung di ko naman ikamamatay.
Minsan sa aking pagninilay
Sumaging bigla sa aking malay
Bakit nga ba ang hilig nating magbilangan ng maraming bagay
Pati Pasko ay laging inaabangan ng hindi nalalaman ang kahulugan?
Napakadaling bilangin mga bagay tulad ng
Oras ng maghapon o buwan ng isang taon
Isama mo na rin mga palatandaan ng panahon
Na tila baga lahat ay pwedeng maikahaon.
Ngunit mayroon ba tayong pagkakataon
Matuon sa mga taong nakapaligid sa atin
Upang sila’y bilangin at kilalanin
Mga kabutihan nila sa atin?
Sila ang lagi nating kapiling at nagmamahal sa atin
Nagmamalasakit ngunit di natin pinapansin
Dahil mas natutuwa tayong bilangin mga ipon at pera natin
Pati na sasakyan, damit at pagkaing nakapaligid sa atin.
Palagi tayong nagbibilang ano mayroon o kulang at wala sa atin
Nang di napapansin ano na ba naibahagi natin lalo na sa mga nangangailangan din.
Itong pagbibilang ay gawaing mayroong kabanalan
Kung ang titingnan ay mga kapwa na dapat mahalin, di mga bagay na ibig maangkin.
Kung ating tutuusin, maski ang Diyos na lumikha sa atin
Tiniyak kahalagahan natin nang tayo’y likhain
Bakas Niya’y iniwan sa mukha natin
At pati nga mga buhok natin sabi Niya’y bilang na rin!
RaffySubic
Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7News sa Subic, ika-17 ng Nobyembre 2018.  Ginamit ng may kapahintulutan niya.

Isang Tula sa Tabi

Minsan ako’y dumaing sa aking pananalangin
Mga hinaing kinikimkim, ibinulalas sa Panginoon natin.
Sabi ko sa Kanya, ako nama’y walang reklamo kung tutuusin
Nagtataka lang naman bakit ako’y maraming pasanin.
Banayad na umihip hanging malamig,
At ako’y tumingin kung saan ito galing.
Bigla itong tumigil nang aking hanapin,
Kaya’t muli ako’ng yumuko at nanalangin
Upang makinig sa maari Niyang sabihin.
Sa aking pananatili parang Kanyang sinasabi
“Madalas kasi Ako’y iyong sinasantabi, parang walang silbi.
Kung di ka pa magulpi, di ka pa tatabi para Ako’y makapagsabi
Na Ako’y lagi mong katabi, humahabi ng iyong balabal para sa gabi.”
“Oo nga po, Panginoon” aking nasabi.
Madalas ako’y walang pasintabi,
Palaging nangangati sa paggawa ng ayon sa sarili.
Kung di pa nga ako magulpi sa sobrang “busy”,
Hindi pa nga ako tatabi para Ikaw ay makatabi.
P. Nicanor F. Lalog II
Ika-04 ng Hulyo 2018, alas-10 ng umaga
Sacred Heart Novitiate sa Novaliches
SheepSHN