Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-27 ng Nobyembre 2018
Isang bagay na palagi kong natatandaan
Pangaral ng aking mga magulang
“Huwag kayong magbibilangan,
Iwasan ang pananaghilian, walang lamangan.”
Kaya’t ako ay nasanay bilang panganay
Na gawin na lamang ang lahat ng bagay
Nang hindi naghihintay kung may daramay
Kayanin ang lahat kung di ko naman ikamamatay.
Minsan sa aking pagninilay
Sumaging bigla sa aking malay
Bakit nga ba ang hilig nating magbilangan ng maraming bagay
Pati Pasko ay laging inaabangan ng hindi nalalaman ang kahulugan?
Napakadaling bilangin mga bagay tulad ng
Oras ng maghapon o buwan ng isang taon
Isama mo na rin mga palatandaan ng panahon
Na tila baga lahat ay pwedeng maikahaon.
Ngunit mayroon ba tayong pagkakataon
Matuon sa mga taong nakapaligid sa atin
Upang sila’y bilangin at kilalanin
Mga kabutihan nila sa atin?
Sila ang lagi nating kapiling at nagmamahal sa atin
Nagmamalasakit ngunit di natin pinapansin
Dahil mas natutuwa tayong bilangin mga ipon at pera natin
Pati na sasakyan, damit at pagkaing nakapaligid sa atin.
Palagi tayong nagbibilang ano mayroon o kulang at wala sa atin
Nang di napapansin ano na ba naibahagi natin lalo na sa mga nangangailangan din.
Itong pagbibilang ay gawaing mayroong kabanalan
Kung ang titingnan ay mga kapwa na dapat mahalin, di mga bagay na ibig maangkin.
Kung ating tutuusin, maski ang Diyos na lumikha sa atin
Tiniyak kahalagahan natin nang tayo’y likhain
Bakas Niya’y iniwan sa mukha natin
At pati nga mga buhok natin sabi Niya’y bilang na rin!

Larawan ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7News sa Subic, ika-17 ng Nobyembre 2018. Ginamit ng may kapahintulutan niya.