Noche buena at Pasko

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Disyembre 2025
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, Nobyembre 2021.
Napansin ko lang
kakaiba itong kapaskuhang
darating: tahimik si Jose Mari Chan
at inagawan ng eksena ng mga
mandarambong sa pamahalaan
at kongreso na hanggang ngayon
nagtuturuan,
nagtatakipan
habang pinagpipilitan
ng isang ginang
kakasya raw ang limang-daang piso
upang makapag-diwang
ng noche buena sa
bisperas ng Pasko
ang pamilyang Pilipino.
Kaya sumagi sa aking alaala 
pamaskong awiting aking kinalakhan:
Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya
Nagluto ang ate ng manok na tinola
Sa bahay ng kuya ay mayroong litsonan pa
Ang bawat tahanan, may handang iba't-iba

Tayo na, giliw, magsalo na tayo
Mayroon na tayong tinapay at keso
'Di ba Noche Buena sa gabing ito?
At bukas ay araw ng Pasko
Mga ginigiliw, 
atin nang mapagtatanto
sa awiting ito diwa ng Pasko:
ating pagsasalu-salo ng mga kaloob
na biyaya at pagpapala
na sinasagisag ng noche buena
ng pagkakatawang-tao ni
Jesu-Kristo noong Pasko;
ngunit, paano nga
kung sa halip na
tulungan lalo mga maliliit
tugon ng pamahalaan
ay bigyan ng presyo
natatanging pagsasalo-salo
ng Pilipino tuwing Pasko?
Narito naman makabagong awiting pamasko
naghahayag na walang tatalo sa Pasko sa Pilipinas:
May tatalo pa ba sa Pasko ng 'Pinas?
Ang kaligayahan nati'y walang kupas
'Di alintana kung walang pera
Basta't tayo'y magkakasama
Ibang-iba talaga ang Pasko sa 'Pinas

May simpleng regalo na si Ninong at si Ninang
Para sa inaanak na nag-aabang
Ang buong pamilya ay magkakasama sa paggawa ng Christmas tree
Ayan na ang barkada, ikaw ay niyayaya para magsimbang gabi
Muli mga ginigiliw
sa saliw ng awiting ito
madarama natin diwa at
tuwa ng Pasko:
wala naman sa handang
noche buena ito kungdi sa
samahan at pagbubuklod
ng pamilya at magkakaibigan
katulad ng pagkakatawang-tao
ni Jesu-Kristo na pumarito
upang tubusin tayo
sa ating mga kasalanan
at mapunan ating kakulangan
ng kanyang kaganapan
sa pagmamahalan.
Subalit kay hirap
maramdaman pagmamahal
ni malasakit nino man
tulad ng mga nasa kapangyarihan
animo mga maligno at impakto
ng mga ghost project
kaya Biyernes Santo hindi Pasko
pakiramdam ngayon
ng maraming Pilipino:
wala ang mga ginigiliw
na ate at kuya may handang iba't-iba
dahil sila ay mga nagsipag-OFW na
habang ang mga buwitre at buwaya
sa Kongreso nagpapasasa
sa kaban ng bayan mula sa dugo at
pawis ng mga mamamayan na
pinagtitiis sa limang-daang pisong
noche buena na kahuluga'y
"mabuting gabi" nang pahalagahan
ng Diyos ang tao
sa pagsusugo niya ng Kristo
na patuloy sumisilang
sa puso ng bawat nilalang
tuwing nagmamahalan
at nagbabahaginan
na pinapaging-ganap
sa hapag ng pakikinabang
ng Banal na Misa
hanggang sa mesa
ng bawat pamilya.
Ngunit papaano na kung
pera hindi kakasya
sa noche buena?
Iyan ang masaklap at nakasusuklam
ng limang-daang pisong noche buena:
hindi ang halaga ng pera
kungdi kawalan ng pagpapahalaga
nitong nasa pamahalaan
sa dangal ng bawat isa
lalo ng mga maliliit at aba
na sa halip tulungan maka-ahon
o maibsan kanilang hirap at gutom
sila pa nga ay ibinaon
sa presyo na pang galunggong
hindi hamon!
Kaya nakakamiss
sa gitna ng nakakainis
na mga balita si Jose Mari Chan
sa kanyang awiting pamasko
na maalala nating palagi
Sanggol na sumilang sa Bethlehem
sa tuwing masilayan mukha
ng bawat kapwa nang walang pasubali
hindi sa halaga ng salapi!
Whenever I see girls and boys
Selling lanterns on the streets
I remember the Child
In the manger, as he sleeps
Wherever there are people
Giving gifts, exchanging cards
I believe that Christmas
Is truly in their hearts

Let's light our Christmas trees
For a bright tomorrow
Where nations are at peace
And all are one in God

Let's sing Merry Christmas
And a happy holiday
This season may we never forget
The love we have for Jesus
Let Him be the one to guide us
As another new year starts
And may the spirit of Christmas
Be always in our hearts
Ngayong Pasko
marami ang wala maski
limang daang piso at marahil
itutulog na lang ang noche buena;
tayo nawa maging dahilan ng
"mabuting gabi" nila upang tunay nilang maranasan
pagsilang ng Kristo sa kumakalam
nilang tiyan at sikmura.
Larawan kuha ng may-akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga, Nobyembre 2022.