Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Setyembre 2025
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Hindi ko malaman kung ako ay matutuwa o maluluha sa mga larawang nalathala noong panahon ng pagbaha sa aming lalawigan ng Bulacan; kamangha-mangha aming pananampalataya nagpapatuloy mga pagdiriwang ng sakramento lalo na ang kasal kahit lumusong sa baha nagsisimba at paring nagmimisa parang eksena sa pelikula pagmamahalan ng mga magsing-ibig pananalig kailanma'y hindi padadaig sa buhos ng ulan bumaha man.
Nang sumabog na parang dam mga balita ng scam ng flood control program sa lalawigan ng Bulacan, galit at pagkainis aming naramdaman itong mga pagbaha pala ay kagagawan ng kasakiman ng mga halimaw sa kagawaran kakutsaba sa kasamaan mga pulitiko at contractor habang mga mamamayan walang mapuntahan sa araw-araw na lamang malapit nang maging aquaman kalulusong sa baha alipunga hindi na nawala.
Larawan kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, Barasoain Church, Malolos City, 22 Hulyo 2025.
Isang bagay
ang aking pinagtatakhan
noon pa man
siya ko nang katanungan:
ano ang pahayag
nitong ating simbahan
sa malaswa at malawak
na sistema ng nakawan
na nasentro sa Bulacan
lalo't higit
unang naapektuhan
maraming mga simbahan?
Nasaan ating tinig
at pagtindig
laban sa katiwaliang ito
na matay mang isipin
kay hirap ilarawan
maski paniwalaan!
Mayroon bang kinalaman nakabibinging katahimikan pag-Hermano at pag-Hermana ng mga nasa pulitika dahil sila ang mapera handang gumasta sa mga kapistahan dahil kanilang pakiramdam banal na kalooban ng Diyos kanilang sinusundan kaya naman sila ay pinagpapala at pinayayaman sa patuloy na donasyon sa simbahan habang kapwa ay ginugulangan pinagsasamantalahan?
Masakit man sabihin at mahirap aminin itong mga ghost projects at korapsiyong ating kinasasadlakan ay atin din namang kasalanan at kagagawan sa patuloy na pagboto sa mga bulok na kandidato na sumasalaula sa ating lipunan; tumitindi ang kasamaang ito sa tuwing mga politiko at mga kawaning ganid ang parating nilalapitan upang hingan ng lahat ng pangangailangan sa simbahan maski libreng tanghalian na walang kinalaman para sa ating kaligtasan!
Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.
Habang lumalangoy sa baha ang mga mamamayan, lumalangoy naman sa karangyaan ang mga buwaya.
LikeLiked by 1 person
Labis pong nakakalungkot, Doc… yung kasamaan at kasakiman e ika nga “Matay ko mang isipin.”
LikeLike