Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2025
"Sunrise, fried rice
Sunset, pancet!"
ang aking laging sambit
ngunit ang aking favorite
ay sunrise
maski wala nang
fried rice kasi maaga
akong gumising;
sa mga "madrugeño"
na katulad ko (early riser
sa wikang Kastila),
mayroong kakaibang alindog
itong pagbubukang liwayway
kung saan ang liwanag ay unti-unting
sumasagitsit na kahit hindi mo
tanaw ang araw
banaag ang buhay
saan ka man lumingon
mayroong sorpresa;
kakaiba ang dapit-hapon
na palaging inaabangan
sa makukulay na tila isang palabas,
sa pagsikat ng araw
papalaoob ang landas na
tinatahak
kayat hindi lamang
ito tinitingnan kungdi
dinarama sa kalooban.
Kaunti lamang marahil ang nagpapahalaga sa pagbubukang-liwayway bukod sa mahirap gumising ng maaga, walang masyadong nakikita ngunit narito ang ganda at hiwaga ng bawat umaga: kinikilala ito katulad ng isang bagong kakilala, kinakaibigan hanggang sa hindi mo na namamalayan iyo nang nakakapalagayan at maya-maya ay dadantay ang katotohanan kayo ay kailangan nang maghiwalay; kaya rin naman mas marami ang nabibighani at nahahalina sa dapit-hapon: malinaw na sa iyo ang katuturan ng maghapon na lumipas kaya iyo na lang inaabangan paglisan ng mabuting kaibigan bago balutin ng dilim ang kapaligiran sa pagtatakip-silim.
Sunrise, Sunset hangganan ng bawat araw sa ating dumarating bagama't magkaiba sa pandama lalo na sa ating paningin nagtuturo ng katotohanan na hindi lahat nakikita ng mga mata; gayon din, naroon palagi ang dilim sa piling natin upang higit nating mahalin at laging hanapin tunay na liwanag na hindi napaparam, si Jesu-Kristo na dumating sa pinaka-madilim na gabi ng buong taon at muling nabuhay habang madilim-dilim pa nang unang araw ng sanglinggo; sa pagbubukang-liwayway at sa dapit-hapon o takip-silim man, palaging naroon ang Panginoon tinitiyak sa atin sa bawat ngayon at dito tuloy lang ang buhay!
*Mga larawan kuha sa aking iPhone16 sa Cabo da Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales Mayo 14-15, 2025.