Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 25 Marso 2024
Ikalimang Huling Wika ni Jesus

Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “NAUUHAW AKO!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig.
Juan 19:28-29
Ito ang ikalawang pagkakataon na si Jesus ay nauhaw na bukod tanging makikita lamang natin sa ikaapat na ebanghelyo. Unang nauhaw si Jesus nang Siya ay makiinom sa babaeng Samaritana sa balon ni Jacob sa bayan ng Sychar sa Samaria (Jn.4:7). Sa tagpong iyon naganap ang napaka-gandang usapan sa pagitan ng nauuhaw nating Panginoon at ng babaeng Samaritana nauuhaw sa Diyos, sa pag-ibig at habag.
Mahirap ang mauhaw. Hindi tulad ng gutom na maaring idaan sa tulog. Tiyan lang ang kumakalam kapag tayo ay gutom ngunit kapag tayo nauhaw, dama ng buong katawan ang panghihina. Ramdam na ramdam at nanunuot sa laman at buto ating pagkauhaw. Kaya naman, malalim ang kahulugan ng pagiging uhaw na maaring hindi lamang sa tubig kungdi sa iba pang mahahalagang bagay kailangan ng ating kalooban.
Pagmasdan at damang-dama pagkatao tulad natin ni Jesus nang sabihin Niyang “Ako’y nauuhaw” higit pa sa tubig kungdi ang Kanyang pagkauhaw sa ating pagmamahal at pansin.
Alalahaning sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, ang tubig ang isa sa mga pangunahing tanda ni Jesus bilang Kristo. Doon sa kasalan sa Cana nang gawin alak ni Jesus ang mga sinalok na tubig sa banga una Siyang nakilala bilang Kristo. Pagkatapos nito ang sumunod na eksena ang pagbisita sa gabi ng Pariseong si Nicodemo kay Jesus na noon unang binanggit ang tungkol sa pagbinyag o pagsilang muli sa tubig at espiritu (Jn.3:5). Sumunod na eksena doon ang paghingi ni Jesus ng tubig sa babaeng Samaritan kung saan Siya ay nagpakilala bilang “buhay na tubig” (Jn.4:10).
Sa pagsasabi ni Jesus doon sa Krus na Siya ay nauuhaw, Kanyang ipinahahayag di lamang ang pagkauhaw sa tubig kungdi higit pa! Kay laking kahangalan nang bigyan Siya ng ordinaryong alak ng isang sundalong Romano upang mainom. At madalas ay ganoon din tayo kay Jesus na nangakong “ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito ay magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (Jn.4:14).
Maliwanag higit pa sa tubig kungdi pag-ibig at malasakit ang kinauuhaw ni Jesus doon sa Krus. Noon at hanggang ngayon.
Si Jesus ang nauuhaw na misis at ina sa pagmamahal at kalinga ng kanyang taksil na kabiyak at mga lapastangang anak na walang iniisip kungdi kanilang mga sarili.
Si Jesus ang nauuhaw na mister at ama na OFW nasa ibang bahagi ng mundo na walang inaasam-asam kungdi ang mga simpleng tawag at texts ng pamilya na papawi ng kanyang pagod at lungkot.
Si Jesus ang nauuhaw na lolo at lola na pakiramdam ay nag-iisa at nawawala dahil sa Alzheimer’s o sa stroke na walang pumpansin sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Si Jesus ang nauuhaw na kabataan naghahanap ng panahon at malasakit ng magulang at mga kapatid upang magkaroon ng direksiyon ang buhay, higit pa sa mga binibigay sa kanilang mga gadgets, damit at mga salapi.
Si Jesus ang nauuhaw na maaring katabi mo ngayon naghahanap ng papansin sa kanya, na ngingiti sa kanya at magpaparamdam na siya ay welcomed at, masarap mabuhay!

Huwag nating tularan ang mga sundalong Romano o ang babaeng Samaritana na naghagilap ng mineral water para kay Jesus na naroroon sa bawat taong nakakasalamuha natin.
Ang pinakamainam at masarap na tubig nating maiaalok sa sino mang nauuhaw ay nanggagaling sa kaibuturan ng ating puso at kaluluwa kung saan nanahan si Jesus sa atin na puno ng habag at pag-ibig. Mauhaw tayo kay Jesus dahil tanging Siya lamang makapapawi at makatitighaw sa ating pagka-uhaw.
Manaling tayo.
Minamahal kong Panginoong Jesus,
patawarin po Ninyo ako
kapag pinapawi ko aking pagka-uhaw
sa kung ano-anong alok ng mundo
na kadalasan lalo lamang ako
nauuhaw,
tuyot,
at hungkag;
punuin mo ako ng IYONG SARILI
upang higit KITA na maibahagi
sa kapwa ko nauuhaw
dahil IKAW lamang
ang makakapawi
sa aming pagkauhaw
sa kahulugan
at kaganapan
ng buhay.
Amen.