Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Marso 2024

Sa lahat ng panahon sa ating liturhiya ng Simbahan, bukod tangi ang Kuwaresma dahil ito lamang ang nagsisimula ng ordinaryong araw, ang Miyerkules ng Abo o Ash Wedensday at hindi araw ng Linggo.
Kapuna-puna ang nakaraang Ash Wednesday na pumatak ng Pebrero 14, Valentine’s Day na nangyari din noong 2018. Pinag-usapan ng marami sa social media kung alin ang pipiliing ipagdiwang, Valentine’s Day o Ash Wednesday?

Nakatutuwang isipin na marami pa rin ang sumagot sa survey na pipiliin nila ang mangilin sa araw ng pagpapahid ng abo kesa ang makipag-date sa Pebrero 14; iba ang ipinakita ng mga balita at ng social media kung saan panalo ang mga nagdiwang ng Araw ng mga Puso! At tila gayon nga ang nangyari o marahil, pinagsabay nating mga Pinoy ang dalawang pagdiriwang, di alintana mga panawagan ng Kuwaresma at Miyerkules ng Abo na manalangin, magtika ng mga sala, maglimos, at mag-ayuno.
Kaya nga taun-taon, ito ang laging tanong natin, ano nga ba ang kahalagahan ng Kuwaresma sa makabagong panahong ito na kung saan mga tao ay tila hindi na nag-aayuno, wala nang sakripisyo? Higit sa lahat, paunti nang paunti na mga nagsisimba.
Ang problema natin sa Pilipinas ay hindi pa naman katulad sa kanlurang Europa at hilagang Amerika na marami nang tao ang ayaw maniwala sa Diyos. Halos lahat pa rin ng mga tao sa ating bansa ay naniniwala sa Diyos ngunit naguguluhan marahil at hindi makita Kanyang kahalagahan at kaugnayan (relevance) sa buhay sa gitna ng makabagong panahon na wala nang hindi naiimbento at naso-solusyunan. Bagama’t sasabihan ng marami naniniwala sila sa Diyos, mas tiwala kadalasan ang mga tao sa panahong ito sa agham at teknolohiya.
Narito tatlong bagay na binibigyang-diin sa panahon ng Kuwaresma na makatutulong sa ating matagpuan muli at maranasan katotohanan, kahalagahan at kaugnayan ng Diyos sa ating buhay sa gitna nitong makabagong panahon.

Hindi lahat ay nakikita. Sa panahon ng Kuwaresma, pinag-aayuno din kung baga ang ating mga mata upang ituon ating pananaw at pansin sa ating kalooban at sa mga bagay na hindi nakikita, unang una na ang Diyos.
Kaya walang dekorasyon ang mga altar sa panahong ito, walang mga bulaklak at hangga’t maari wala ring mga halaman. “Bare” wika nga sa Inggles ang altar. Pagdating ng Biyernes Dolores bago mag-Linggo ng Palaspas, tinatakpan o binabalutan ng telang lila ang mga imahen at larawan sa simbahan sa gayon ding kadahilanan – upang tingnan natin mga mas malalim na katotohan ng ating buhay.
Sa panahong ito ng social media, lahat na lang ay ibig ipakita at ipangalandakan maski kasamaan, kabastusan, at kasalanan. Bakit nga ba nang magkasala sina Eba at Adan, sila ay nagtago dahil sa kahihiyan samantalang ngayon ipinagmamalaki pa ng ilan kanilang ginawang kasamaan?

Hindi lahat ng bagay sa buhay na ito ay nakikita at lalo din namang hindi lahat dapat ay ipakita. Wika nga ng Munting Prinsipe o Little Prince ni Antoine de St. Exupery, “What is essential is invisible to the eye; it is only with the heart that one can truly see.”
Lahat na lamang sa mundo ngayon ay palabas, showbiz na showbiz ang dating upang ipagyabang mga kayang kainin at bilhin, puntahan at gawin. Ngunit, sadya bang nagbibigay ng kaganapan at katuwaan mga iyon? Hindi ba mas masarap pa ring namnamin mga sandali nating kapiling ang mahal sa buhay? Kung tutuusin nga, kadalasan o palagi, yaong mga bagay na natatago at hindi nakikita ang siyang pinakamakahulugan, pinakamainam sa buhay.
Katulad ng Diyos: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig” (1 Jn. 4:12).
Sa buhay, mas mainam pa rin yung simple at nakukubli, mayroong pa ring misteryo o hiwaga na natatago kaya ang lahat ay nagtataka. At minsan-minsan ay namamangha.

Hindi lahat ay minamadali. Kaya tinatawag na Kuwaresma ang panahong ito ng paghahanda sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay dahil sa bilang na kuwarenta o apatnapung araw mula Miyerkules ng Abo haggang Sabado bisperas ng Palaspas (bagama’t di naman eksakto palagi) na kung tutuusin ay limang Linggo bago ang mga Mahal na Araw. Samakatwid, mayroong paghihintay dahil kailangang makabuo muna ng apatnapung araw o limang linggo.
Ito ang isang bagay na nawawala na sa mundo ngayon, ang paghihintay. Lahat mainipin kaya siguro maiinit ang ulo ng lahat na ultimo mga bata ay stressed out. Minamadali ang lahat na hindi malaman ano at sino nga ba ang hinahabol natin. Lahat ay instant – hindi lang kape at noodles pati pagkakaibigan, pag-aasawa at pagkakaroon ng baby!
Dahil sa teknolohiya, pilit na minamanipula ng tao ngayon ang panahon na madalas ay minamadali kaya marami ang hindi na maranasan ang Diyos pati sariling pagkatao at mga kapwa-tao sa pagmamadali. Hindi kataka-taka, nawawala na rin mga mabubuting ugali ng paghihintay, pagtitiyaga, pagtitimpi at pagpipigil.
Ang lahat na pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos. Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim… Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pakaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
Ang Mangangaral (Qoheleth) 3:1-2, 9-11
Minsan-minsa’y matutunan nating maghintay, magrelax o mag-chill wika nga ng mga kabataan. Masyado na tayong abala sa mga bagay-bagay kaya hindi natin napapansin, namamalayan ang Diyos na nagmamahal sa atin ay kapiling natin. Ang Diyos kabaligtaran natin: maski buong buhay natin hinihintay niya tayong lumapit sa kanyang muli sakaling magpasya tayong iwanan ating mga kasalanan at maling pamumuhay upang sa kanya maranasan ang kapanatagan at kapaypaan. Tinuturuan tayo ng panahon ng Kuwaresma na tumigil at manatili sandali sa buhay, maghintay sa Diyos at kanyang biyayang nakalaan para sa atin.

Katahimikan. Sa lahat ng mahahalagang aspekto ng Kuwaresma, ito ang pinakamahalaga sapagkat hindi tayo makapagdarasal, makapagninilay, o magsisi sa ating mga kasalanan ng walang katahimikan. Bahagi ng paghihintay ang pananahimik.
Naalala ko noong bata kami tuwing bakasyon sa halamanan ng aming Lola. Maraming tutubi noon at lahat kaming magpipinsan ang unahan sa paghuli habang nag-aasaran sa kantang “tutubi tutubi huwag magpahuli sa batang mapanghi!”
Wala ka talagang mahuhuling tutubi kapag ika’y malikot at maingay ngunit sa sandaling ikaw ay pumirmi at manahimik, kusa pang lalapit ang mailap na tutubi.
Iyon ang buhay, iyon ang Kuwaresma. Manahimik tayo upang higit nating mapakinggan ating sariling kalooban na madalas hindi natin pinakikinggan dahil bantad na bantad tayo sa iba’t ibang tinig at ingay sa atin nagdidikta ng nararapat. Kaya madalas tayong lito kasi sarili natin di natin pinapansin. Gayon din naman, sa sobrang pakikinig sa mga sabi-sabi, nag-aaway away tayo kasi hindi nating pinakikinggan kapwa natin. Ang pananahimik ay hindi pagiging bingi kungdi pakikinig na mabuti; ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan na kahit pinakamahinang tinig ay sinisikap nating pakinggan.

Tanging mga tao na kayang manahimik ang tunay na nagtitiwala sapagkat ang katahimikan ang tahanan at lunan ng pagtitiwala. Kaya ito rin ang tinig at wika ng Diyos. Sa ating pananahimik, tayo ay nagtitiwala, naghihintay maski wala tayong nakikita dahil batid natin kumikilos ang Diyos ng tahimik.
Kapag magulung-magulo ang ating buhay, tumigil tayo at manahimik. Pakinggan at higit sa lahat damhin ang sarili at buong kapaligiran upang maranasan kaganapan at katotohanan ng buhay mula sa Diyos na kadalasan ay tahimik na nangungusap sa atin. Madalas sa buhay natin, ang Diyos iyong pinakamahinang tinig na pilit bumubulong-bulong mula sa ating puso. Sikaping tumigil at manahimik, iyon ang pakinggan at sundin at tiyak, ikaw ay pagpapalain.
Sana ay huwag palampasin pagkakataon ng Kuwaresma upang Diyos ay maranasang muli at masimulan natin ugnayang kanyang matagal nang ibig para sa atin. Salamat po.