Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2024

Pangunahing hiling ng mga tao sa aming mga pari ay panalangin, na sila ay ipagdasal sa kanilang iba’t-ibang mga pangangailangan. Ito ay dahil inaasahan – at dapat lamang – na kaming mga pari ay palaging nananalangin.
Kaugnay nito ay madalas din silang magtanong paanong magdasal at marami pang iba’t-ibang bagay ukol sa pananalangin. Kaya sa diwa ng panahon ng Kuwaresma kung kailan tayo hinihikayat linangin ating pananalangin, narito ilang mga pagmumuni-muni ko tungkol sa pagdarasal na aking napagtanto at natutunan mula nang pumasok ako ng seminaryo noong 1991 hanggang sa maging pari ng 1998 hanggang sa ngayon.
Una, walang maituturing na dalubhasa o eksperto sa pagdarasal. Tunay nga sinabi ni San Pablo, “tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita” (Rom. 8:26).

Kaya naman totoo kasabihang sa oras na ikaw ay nanalangin, sinagot na rin ng Diyos iyong mga dasal kasi ikaw ay nagdarasal. Kapag tayo nagdasal, tumugon tayo sa Diyos tawag niyang makaisa Siya. Noong kami ay high school sa seminaryo, iyon unang tinuro sa amin ni Fr. Danny Delos Reyes, aming Rektor: “Prayer is talking to God who has always been speaking to man.” Kaya sa oras na tayo ay nagdasal, purihin ang Panginoon dahil tumalima tayo sa Kanya!
Higit itong totoo kapag ating binabasa at pinagninilayan ang Kanyang mga salita sa Banal na Kasulatan. Sa Banal na Kasulatan, personal nakikipag-usap sa atin ang Diyos gamit ang salita ng tao. Kaya sino mang ibig na tunay lumalim sa buhay panalanign at buhay espiritwal, kinakailangang magkaroon ng personal na bibliya at daily bible guide upang masundan mga pagbasa. Sabi ni San Geronimo, ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan kay Kristo.”
Ikalawang katotohanang nabatid ko sa pagdarasal ay kaugnay nito: hindi tayo ang susukat at susuri ng ating pananalangin kungdi Diyos. Madalas kasi maranasan natin lalo na sa mga nagsisimula pa lamang manalangin na ikumpara ating mga pagdarasal sa bawat araw kapag ating sinasabi “bakit dati madali at magaan pakiramdam ko”, “bakit ngayon parang hirap ako magdasal” o “parang walang saysay aking pananalangin”.
Hindi madaraan sa damdamin o feelings ang pagdarasal.
Malaking pagkakamali na akalain nating mga oras na tayo ay tuwang-tuwang o masarap ang pakiramdam sa pagdarasal ay tama at wasto ang pananalangin na samakatwid ay kinasihan ng Diyos ating pagdarasal. Hindi po totoo iyan.
Magugulat pa tayo na ang katotohanan ay kabaligtaran niyan dahil kung kailan tayo hirap magdasal, mas malamang naroong tunay ang Diyos! Sabi ng aking Heswitang Spiritual Director noon sa Cebu si Fr. Shea, The most difficult prayer period is actually the most meritorious. Kapag tayo ay dumaranas ng hirap sa pagdarasal na kung tawagin ay “spiritual dryness” na parang hindi tayo pansin ng Diyos o kaya hirap lumapit sa kanya, ito ay palatandaan ng paglalim sa pananalangin. At maaring tanda ng pagkilos ng Diyos na tayo ay inaakay sa mas matalik na ugnayan sa Kanya sa larangan ng pagdarasal.

Ikatlo, ang pananalangin ay pakikipag-isa sa Diyos o communion. Kaya hindi naman mahalaga masabi natin lahat ng ibig natin sa Diyos kungdi higit na mahalaga ay ating mapakinggan sinasabi sa atin ng Diyos.
Kaya tayo nagdarasal hindi upang humingi ng humingi sa Diyos ng kung anu-ano kungdi upang Siya ay makaisa, malaman kanyang kalooban para sa atin. Kung tutuusin, hindi na nating kailangan pang humingi sa Diyos ng kung anu-ano dahil alam na niya pangangailangan natin.
Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo manalangin: “Ama naming nasa langit…”
Mateo 6:8-9
Samakatwid, ang pananalangin ay upang higit nating makamit ang Diyos mismo! Siya ang dapat nating hangarin palagi sa pagdarasal, hindi mga bagay.
Kapag mahal mo sino mang tao, palagi mo siyang kinakausap, sinasamahan upang makapiling. Siya ang ibig mo, hindi gamit o pera o kayamanan niya. Ganoon din sa pananalangin – kung mahal nating tunay ang Diyos, mananalangin tayo palagi sa kanya upang sa tuwina Siya ay makapiling.

Ikaapat, ang mga bumabagabag sa ating pagdarasal ay hindi tukso mula sa demonyo kungdi mas malamang, mga tulong at gabay ng Espiritu Santo tungo sa higit na mabungang pagdarasal.
Napansin ko iyan noong dati na kapag ako ay bagabag o aligaga sa pagdarasal, kung anu-anong pumapasok sa aking isipan, kadalasan ang mga iyon ay isyu sa aking sarili na pilit ko iniiwasan o binabale-wala; sa pagdarasal, lumalantad mga iyon na tila baga sinasabi ng Diyos sa atin, harapin mga isyu natin sa sarili bago Siya matatagpuan.
Hindi istorbo ang pagsagi ng sino mang kaaway sa iyong pagdarasal kungdi paanyaya na ayusin inyong di pagkakaunawaan. Kung palaging laman ng iyong isipan ay kahalayan o karangayaan o ano pa man, ang mga iyan ay isyu na dapat mong pagdasalan upang maharap at malunasan.
Hindi nating mararanasan ang Diyos nang lubusan sa pagdarasal habang tayo ay puno ng maraming bara sa espiritu at kaluluwa tulad ng mga tao na mayroon tayong problema, mga nararamdamang poot at galit, kahalayan at iba pang mga pagnanasa. Alisin muna mga bara sa ating espritu at kaluluwa, maginhawang dadaloy biyaya ng Espiritu Santo sa ating sarili at buhay.

At ikalima, ang pananalangin ay disiplina. Dahil ang pagdarasal ay pagpapahayag ng ating ugnayan at relasyon sa Diyos, kailangan nating maging tapat sa pakikipagtagpo sa Kanya.
Tulad ng mga magsing-ibig, magkaroon ng regularidad na pakikipagtagpo sa Diyos sa panalangin. Huwag humanap ng panahon bagkus gumawa ng panahon gaya ng ating gawi sa mahal natin sa buhay. Iyon ang nawika ng lobo sa Little Prince na kung regular silang magtatagpo tuwing alas-4:00 ng hapon, alas-3:30 pa lamang ng hapon aniya ay mananabik na siya!
Nasa ating sarili kung anong oras tayo makapagdarasal. Ang mahalaga ay kaya nating pangatawanan ano mang oras ating itakda para sa Panginoon.
Pati ang lunan din ay mainam na regular. Napansin ko ito nang maging pari ako, ilang ulit ako bumalik sa Jesuit Retreat House sa Cebu kung saan kami nag-30 day retreat noong 1995 bago magthird year sa theology. Pinilit kong magdasal sa ibang bahagi ng retreat house na hinangad kong pagdasalan noon pero hindi ako napalagay. Ngunit nang manalangin ako sa dating mga lugar na kung saan ako nagdasal noong 1995, sadya namang “mabunga” ika nga sa ilang ulit na balik ko doon noong 2002, 2003 at 2004. Ganoon din karanasan ko nang lumipat ako sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches para sa taunang personal retreat ko mula 2015.

Alalaong-baga, mayroon tayong isang “Bethel” tulad ni Jacob kung saan nagpakilala sa kanya ang Diyos nang tumatakas siya noon sa kanyang kapatid na si Esau (Gen. 28:10-22) at naiman na manatali doon hanggat hindi tayo inaaya ng Panginoon sa ibang lugar.
Hangga’t maari tungkol sa lunan ng pananalangin, piliin yaong tahimik at angkop sa pagdarasal tulad ng simbahan o adoration chapel kung saan maaring magdasal sa harapan ng Santisimo Sakramento.
Bilang pangwakas, alalahaning palagi na personal nakikipag-ugnayan sa atin ang Diyos kaya personal din tayo tumugon sa Kanyang paanyayang makipag-ugnayan tulad ng ginagawa natin sa sino mang kapwa natin.
Sa lahat ng ugnayan mayroon tayo, bukod tanging ang sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat dahil kailanman hindi Niya tayo iiwanan at tatalikuran. Diyos lang tanging nagmamahal sa atin ng tunay kaya binigay Niya sa Atin bugtong Niyang Anak na si Jesus na naglapit sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sana nakatulong mga ito sa inyong pagdarasal. Kung hindi naman, ay huwag nang pansinin. Sumulat kayo sa akin dito o sa aking email para sa karagdagang mga katanungan o paliwanag (lordmychef@gmail.com).
Patuloy manalangin at yumabong sa Panginoon natin! Amen.