Ang demonyong cellphone

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Pebrero 2024
Larawan mula sa forbes.com, 2019.
Ang demonyong cellphone
tukso at ugat ng pagkakasala
sa maraming pagkakataon;
mga chismis, maling impormasyon
kinakalat agad namang kinakagat
ng marami sa pag-iisip
at pang-unawa ay salat.
Ang demonyong cellphone
hindi mabitiwan
hindi maiwanan
palaging iniingatan
mga tinatagong lihim
larawan at kahalayan
ng huwad nating katauhan.
Ang demonyong cellphone
istorbo at pang-gulo
panginoong hindi mapahindian
napakalaking kawalan
kung hindi matandaan
saan naiwanan,
katinuan nawala nang tuluyan.
Ang demonyong cellphone
winawasak ating katahimikan
nawala na rin ating kapanatagan
sa halip maghatid ng kaisahan
pagkakahiwa-hiwalay bunga
sa maraming karanasan
pinalitan pamilya at kaibigan.
Ang demonyong cellphone
lahat na lang ibinunyag
wala nang pitagan ni
paggalang sa kasagraduhan
ng bawat nilalang
ultimo kasamaan
nakabuyangyang, pinagpipistahan.
Ang demonyong cellphone
palagi nang namamagitan
sa ating mga ugnayan
atin nang nakalimutan
damhin kapanatilihan
pinalitan nitong malamig
na kasangkapan pintig ng kalooban.
Sa panahong ito ng Kuwaresma
iwanan at bitiwan ang cellphone
dumedemonyo, nagpapagulo
sa buhay nating mga tao;
manahimik katulad ni Kristo
sa ilang nitong ating buhay
upang Siya ay makaniig
at marinig Kanyang tinig
ika'y iniibig!


Ang painting na “Temptation in the Wilderness” ni Briton Riviere (1840-1920) mula sa commons.wikimedia.org.

2 thoughts on “Ang demonyong cellphone

  1. Nawa ay maiwaksi ko ang demonyong cellphone
    Mga oras na dapat nakalaan sa pamilya at trabaho
    Pilit na ninanakaw ng mapang-enganyong gamit na ito

    Demonyong cellphone ang dahilan ng pagkasira ng relasyon
    Di lang sa mag-asawa, sa mga anak ay ramdam na
    Nawa ay mapalitan ng wagas na pagtitinginan itong nakahumalingan

    Ngayong Kwaresma at sa mga araw pang darating
    Pilit na isasantabi ang palagiang pag gamit
    Sisiguraduhin na Hallow app at ang relasyon sa Diyos ang uunahin

    Liked by 1 person

Leave a comment