Kapatid. Mula sa salitang ugat na "patid" ibig sabihi'y putol at hiwalay, nag-iisa at walang buhay ni saysay; sa unlaping -ka, nababago kahulugan, nagkakaroon ng kasama nabubuo ugnayan di lamang sa pamilya at tahanan kungdi saanmang samahan.
Kapatid. Ito ang tawagan natin sa isa't-isa na pinagbubuklod di lamang ng dugo kungdi higit sa lahat ng puso at isipan na kung mawawala ang ka-patid, nawawala katuturan at saysay nitong buhay kaya lahat handang ialay habang may buhay.
Kapatid. Turingan at diwa di kayang mapatid kahit ng kamatayan dahil ugnayan magpapatuloy magpakailanman di kayang putulin o tabunan ng libingan dahil batid natin sa pagpanaw buhay di nagwawakas samahan at ugnayan nananatiling wagas.
Kapatid. Kaputol. Ng sarili. Ng buhay. Ng mithiin at adhika. Kadugtong ng tuwa pati ng luha tunay na pagpapala ng Diyos na may likha sa ating mga kapatid at kaibigan upang tayo ay samahan, alalayan, at abangan sakali man maunang pumanaw upang maging ating pisi at lubid sa langit na hindi mapapatid.
Rest in peace, Dindo (larawan kuha ng kanyang ika-60 kaarawan, Marso 09, 2018).
Paalam, aking kinakapatid Fernando "Dindo" R. Alberto Jr.; ikumusta mo ako sa langit sa mga pumanaw nating idolo sa musika, kami na lamang ni Toby magdiriwang ng birthday tuwing Marso dito habang kayo at ang Ninong magkasama na sa buhay na walang hanggan.