Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Agosto 2023

Kamakailan ay naglathala ako dito sa aking blog na wala nang birthday pang ipinagdiriwang sa langit. Ito rin ang dahilan kaya tama ang mga tambay at tomador sa kanto sa kanilang awitin na “sa langit ay walang beer” kasi nga walang birthday sa langit!
Tunghayan aking paliwag, https://lordmychef.com/2023/07/26/may-birthday-pa-ba-sa-langit/.
Ito ang dahilan kaya ang kapistahan ng ating mga banal ay ipinagdiriwang sa kanilang araw ng kamatayan o kaya sa petsa kung kailan inilipat kanilang mga labi o bangkay. Ito rin ang dahilan kaya sa araw na ito, ika-15 ng Agosto ay ating ipinagdiriwang ang pag-aakyat sa langit sa Mahal na Birheng Maria bagamat hindi siya namatay na katulad ng ibang mga santo at santa o ng mga tao.
Ipinapahayag sa ating pananampalataya batay sa mga tradisyon at pagninilay, hindi dumanas ng “kamatayan” tulad ng ating nalalaman ang Birheng Maria. Sa ating kamalayan at kaalaman, nakakatakot ang kamatayan dahil ito ay mahirap, masakit at malagim. Iyan ay dahil sa ating kasalanan. Sabi ni San Agustin noon, kahit hindi nagkasala ang tao, daranas pa rin siya ng kamatayan ngunit hindi ito mahirap o masakit at malagim. Kumbaga, sa isang kisap-mata maaring mangyari ang kamatayan na walang kahirap-hirap.
Iyon ang dinanas ni Maria, nakatulog kaya sa Inggles ang tawag ay dormition of Mary.

Gayon din naman, sa kanyang pagtulog, iniakyat ng Diyos si Maria sa langit katawan at kaluluwa upang maging kauna-unahan sa mga nilalang na magtamo ng kaganapan ng pangako ni Jesus na muling mabubuhay ang mga namatay sa wakas ng panahon. Dahil hindi naman “namatay” si Maria kaya hindi rin naagnas o nawasak kanyang katawan kaya siya naman ay kaagad na ring iniakyat ng Diyos sa langit. Ito rin ang ating sasapitin na siyang ating inaasam-asam balang araw sa wakas ng panahon kapag tayo ay papasok din ng langit, katawan at kaluluwa.

Kaya naman sa araw na ito ay ipinaalala sa ating ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa langit kay Maria na ang landas patungong langit ay nagsisimula dito sa lupang ibabaw.
Pagmasdan kung paano sa ating Ebanghelyo ating napakinggan ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang Elizabeth na tuwang-tuwang at nagpupuri sa kanyang pagpapalang tinanggap sa Diyos. Sa halip na papurihan din niya si Elizabeth, ang pinuri ni Maria ay ang Diyos sa pag-awit ng Magnificat.
At sinabi ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingaop niya ang kanyang abang alipin! At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.”
Lukas 1:46-48
Dito pa lamang atin nang makikita kung paanong sa buhay ng Mahal na Birheng Maria ay magkatali at hindi mapaghihiwalay kanyang tuwa at galak sa pagliligtas ng Diyos at ang kanyang hapis sa paanan ng Krus ni Jesus.
Si Maria ang una at pangunahing alagad ni Kristo sapagkat siya ang unang tumanggang at tumalima sa Salita na naging tao, si Jesus. Sa buong buhay niya, si Jesus ang kanyang dinala at binahagi sa lahat maging sa pagsisimula ng Inang Simbahan nang kasama si Maria ang mga apostol na nananalangin sa silid nang bumaba ang Espiritu Santo noong Pentekostes.
Kaya naman tinagurian din si Maria bilang Kaban ng Tipan o Ark of the Covenant dahil siya ang nagdala ng Diyos Anak sa kayang sinapupunan.
Matatandaan na noong nasa ilang ang mga Israelita, nagpagawa ang Diyos kay Moises ng kaban upang doon ilagak ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kanyang Sampung Utos. Itinatago noon sa tolda o kubol ang Kaban ng Tipan bilang tanda ng kapanatilihan ng Diyos. Tuwing papasok si Moises sa tolda kung saan naroon ang Kaban ng Tipan, bumababa ang ulap ng Diyos tanda na naroon siya sa tolda kausap si Moises. Tanging mga pari mula sa lahit ni Levi (kaya Levita ang tawa sa kanilang pari) lamang ang maaring magpasan ng Kaban ng Tipan ng Diyos.
Nang mayari ang templo ng Jerusalem, doon inilagak ang Kaban ng Tipan kaya naman hindi lamang kapitolyo ng mga Hudyo ang lungsod na ito kungdi ito rin ang gitna ng sandaigdigan at maging ng kalawakan sapagkat naroon ang Diyos sa templo sa Jerusalem. Nang mawasak ang templo ng Jerusalem, nawala na rin ang Kaban ng Tipan. Iyong “wailing wall of Jerusalem” na dinarasalan ng mga Hudyo at mga peregrinong Kristiyano ang natitirang labi ng bahagi ng templo na pinakamalapit sa pinaglagyan ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Banal na lunan iyon sapagkat iyon ang pinakamalapit sa pinaglagyan ng Kaban.

Ngayong Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa langit ay maganda ring balikan ang litanya ng Birheng Maria na nagsasabi sa kanya bilang “Kaban ng Tipan” na siya ring nakita ni Juan sa kanyang pangitain ukol sa mga magaganap sa wakas ng panahon.
Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ko ang Kaban ng Tipan.
Pahayag 11:19
Nakakatawang isipin na mula sa Hollywood sa pelikulang Raiders of the Lost Ark kung saan bida si Harrison Ford bilang Prof. Indiana Jones, kalaban niya ang mga Aleman noong ikalawang digmaang pandaigdig sa paghahanap sa Kaban ng Tipan dahil sa paniniwalang ito ang pinaka-mabisang sandata sa lahat dahil sa angking kapangyarihan.
Hindi na natin kailangan pang hanapin iyon o ano mang anting-anting upang maging makapangyarihan. Tularan lamang natin si Maria sa pagiging kaban o lagakan ni Jesus sa ating pagkatao ay sapat na. Wala tayong hindi mapagtatagumpayanan kung ang Diyos ang nananahan sa ating katawan at katauhan.

Sa Banal na Misa ang Diyos ay ating napakikinggan sa kanyang mga salita ngunit ito ba ay ating naisasabuhay tulad ni Maria?
Sa Banal na Misa ating tinatanggap si Jesus, Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon ngunit siya ba ang nababanaagan sa ating sarili at pamumuhay, salita at gawa?
Sa panahong ito na lumalayo na at binabale-wala ng maraming tao ang Diyos, maging paalala sa atin nawa na maging katulad ni Maria sa pagiging Kaban din ng Tipan ng Diyos, tagapagdala at tagapaghatid ni Jesus sa mga tao hindi lamang sa salita kungdi sa gawa.
Nawa sa ating pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit kay Maria, masalamin din sa atin ang inaasam-asam nating buhay na walang hanggan sa langit sa pamumuhay natin sa mapagmahal na paglilingkod lalo sa mga may-sakit at nahihirapan. Sila nawa ay mabuhayan ng loob na magwawakas din kanilang pagdurusa at balang araw makakamit buhay na walang hanggan sa tulong at panalangin ng ating Mahal na Ina si Maria. Amen.