Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-07 ng Abril 2020


Minsan sa aking pananalangin sa takip-silim hindi kaagad namalayan sa gitna ng dilim nakamasid pala sa akin si Kristong nakabitin nang sa krus namatay para sa atin. Nang siya ay aking tingalain ako'y namangha sa tanawin sa kanyang mga anino sa akin ay nagpapaalala huwag mangamba, kasama siya tuwina. Noong mga bata pa tayo itong ating mga anino ang siyang lagi nating kalaro dahil lagi tayong sinasabayan kailanman hindi tayo iniwan. Kaya naman nang aking pagmasdan larawan nina San Juan at Birheng Mahal sa magkabilang pagitan ng krus na pinagpakuan ni Hesus na ating katubusan kakaiba ang aking naramdaman: Katiyakang hindi iiwanan kapag ako'y laging nasa kanyang paanan nananalangin, nananampalataya handa na siya ay tularan at sundan lahat ay iwanan alang-alang sa pagkakaibigan.