Para sa henerasyon ngayon wala sa kanilang isipang puntahan ni pasyalan mga perya at karnabal ng kabukiran; katawa-tawa at walang kuwenta sa kanila ang sumakay sa tsubibo at ruweda, panoorin mga salamangkero at payaso at mas gusto maglaro ng mga video.
Mga dambuhalang kahon ng sapatos na ginawang pamilihan, tinaguriang mall naging pasyalan kung saan natatagpuan pinagtatawanang perya at karnabal ng kabukiran naging sosyal na pasyalan ng mga kabataan.
Ngunit hindi alintana, lingid sa mga mata higit katawa-tawa mga pormahan at pasiklaban masahol pa sa mga peryaan at karnabal ating kalagayan nang mismo ating buhay naging isang malaking palabas na lamang mistulang mga salamangkero at payaso na rin tayo inaasam-asam ay palakpakan at hangaan.
Saan man pumunta ay kapuna-puna tila ang lahat nang-aagaw pansin ibig sa kanya lamang nakatingin kaya anu-ano gagawin, iba-iba sasabihin pananamit at asta di mawari ngunit kung susuriin, agad mabubuking parang ampaw, wala kungdi hangin.
Hindi na ba natin napapansin nangyayari sa atin saan man tumingin tila lahat nagiging palabas na lamang walang laman ni kahulugan mga pinagtutuunan; nahan ang kadluan ng karunungan at kabutihan na pinabayaang matuyuan maubusan ng katangiang kapitag-pitagan?
Walang nasasagwaan ni kinikilabutan pangangalandakan ng kapalaluan at kawalang kabuluhan loob kinalimutan, panlabas pinahalagahan perya at karnabal di na nga pinupuntahan dahil tayo na mismo ang katatawanan! Hindi ba natin alam iyan ang malagim na katotohanan dapat tayong kabahan kung di sumasagi sa ating kalooban?