Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Setyembre 2019
Maraming salamat, Rdo. LA Bautista sa kanyang pagninilay para sa Misa kahapon.
Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt. Mula sa Google.
Hindi ko pa rin mapigilan pagnilayan at namnamin kahulugan ng talinhaga ng alibughang anak at ama niyang mahabagin.
Ugnayan at relasyon, hindi emosyon batayan ng Mabathalang awa at habag ang siyang tinuturo ng Panginoon dapat sana tayo ay magkaroon.
Kapag namamalas natin tanawing hindi nakagigiliw tulad ng mukhang nahahapis at tumatangis, kapansanang nakahihindik o kapalarang mapait ating damdami'y naaantig, kaya tayo ay naaawa.
Ngunit, wala naman tayong magawa kungdi lumuha at kung mayroon man maibibigay, kaunting barya ay tama na; kaya naman kung hapis sa kalooban ang tinitiis hindi natin ito pansin kaya kahirapan ng iba ating pang diniriin.
Ito ang masaklap nating nakakalimutan Katulad ng magkapatid sa talinhaga na kapwa alibugha: Dahil sa kanilang pagkagumon sa mga kayamanan Ugnayan nila sa ama at isa't-isa, nawalang tuluyan.
Masdan at namnamin, sinasabi ng Ama sa atin, "Anak, lagi kitang kapiling; lahat ng akin ay sa iyo rin. Dapat tayo magsaya at magalak kapag inyong kapatid Ay nagsisisi at nagbabalik" (Lk.15:31).
Ang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang Ama sapagkat buhay nating lahat sa kanya buhat na tulad ng sino mang ama, sinisikap itaguyod at pangalagaan protektahan at ipaglaban kung sakaling pagbantaan.
Relasyon at hindi emosyon ang batayan at pinagmumulan ng awa at habag sa atin ng Diyos nating Ama kaya naman kahit ito ay mawala at mamatay kanyang hihintayin, hahanapin, at bubuhayin pa rin!