Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Nasaan na mga liham ng ating samahan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Nobyembre 2019

Photo by Noelle Otto on Pexels.com
Nasaan na mga liham
ng ating mga samahan
at pagkakaibigan
na ngayo'y napalitan
ng maramihang balanang
kaisipan at mga larawan
pati katatawanan?
Walang umiiral na ugnayan
bagkus mga palitan
at pasahan na lamang
ng sari-saring nararanasan
at nararamdaman;
mabuti kung iyong masasakyan
maski mga kababawan.
Iba pa rin 
ang karanasang
mararamdaman
na higit mapagyayaman
ng sino mang sumusulat
at tumatanggap ng liham
mula kay Mister Postman.
Maraming kabutihan
at mga kagandahan
ginagawa nating usapan
sa pamamagitan ng internet
kagaya ng e-mail,
messenger at viber
na sadya namang super ang bilis.
Photo by Roman Koval on Pexels.com
Ngunit kailanman
hindi kayang palitan
ng mga makabagong
pagsusulatan
ating kinagawiang
mga liham
na laging kinasasabikan, inaabangan.
Hindi agad binubuksan
mga kamay pinupunasan
at baka marumihan
mamantsahan
tinanggap na liham
mula sa kanino man
na turing ay isang kaibigan.
Itong pagsusulat
maging pagtanggap ng liham
maituturing nating
ritwal ng ating pagkakaibigan:
walang minamadali
bawat sandali kinakandili
pilit pinanatili sana'y kapiling kang lagi.
Nakakahinayang itong kaugalian
ng pagliham napalitan,
pati ating pagkakaibigan,
mga ugnayan tila nakalimutan;
balikan mga lumang liham nasaan
hindi ba't nakatago, iniingatan
upang basahin, sariwain, palalimin ating samahan?
Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com