Aral ng kapa ni San Martin ng Tours

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Nobyembre 2026
Ang aming Patron sa Bukawe, Bulacan.
Mula pa sa aming pagkabata
doon sa bayan ng Bukawe sa Bulacan
palaging nilalarawan
kabutihan ng aming Patron mahal
San Martin ng Tours sa France
kung paano niyang hinati
kanyang kapa upang damitan
ang giniginaw na dukhang matanda
nakasalubong niya sa daan.

Kinagabihan kanyang napanaginipan
Panginoong Jesus sa kanyang paanan
tangan-tangan kapang ibinigay sa
matandang tinulungan,
katunayan ng kanyang turo
ano mang kabutihan
ang inyong gawin sa maliliit
ay siya rin ninyong ginagawa
sa Kristo na sa atin nakipanahan.

Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga
ng kapa ng ating Patrong mahal
na dating kawal,
sanay sa mga digmaan:
nang siya ay mabinyagan,
hinasa niya kanyang isipan
sa mga aral ng pananampalataya
dinalisay sa pananalangin
upang lubos mapaangkin sa Panginoon natin.

Upang maging mataimtim
sa kanyang pananalangin,
nagtutungo si San Martin sa kagubatan
at hinuhubad suot niyang kapa
tanda ng kababaang-loob sa Panginoon,
sinasampay, sinasabit sa mga halaman
upang sakali man siya ay hanapin
madali siyang tuntunin
sa kapa niyang nakabitin.

"Chapele" sa wikang Pranses
ang salitang salin ng "kapa"
na siyang pinagmulan ng "kapilya"
na isang munting pook-dalanginan
tulad ng tinutunguhan ni San Martin
noon upang Diyos ay makapisan;
pagnilayan at tularan kaugalian
nitong si San Martin ng Tours
hinubad kanyang "kapa" sagisag ng
kapangyarihan at katanyagan
upang maramtan ng kabanalan
ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang
pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay
bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!

San Martin ng Tours,
ipanalangin mo kami!
Mula sa flickr.com.

Leave a Reply