Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Nobyembre 2026
Ang aming Patron sa Bukawe, Bulacan.
Mula pa sa aming pagkabata doon sa bayan ng Bukawe sa Bulacan palaging nilalarawan kabutihan ng aming Patron mahal San Martin ng Tours sa France kung paano niyang hinati kanyang kapa upang damitan ang giniginaw na dukhang matanda nakasalubong niya sa daan.
Kinagabihan kanyang napanaginipan Panginoong Jesus sa kanyang paanan tangan-tangan kapang ibinigay sa matandang tinulungan, katunayan ng kanyang turo ano mang kabutihan ang inyong gawin sa maliliit ay siya rin ninyong ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga ng kapa ng ating Patrong mahal na dating kawal, sanay sa mga digmaan: nang siya ay mabinyagan, hinasa niya kanyang isipan sa mga aral ng pananampalataya dinalisay sa pananalangin upang lubos mapaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim sa kanyang pananalangin, nagtutungo si San Martin sa kagubatan at hinuhubad suot niyang kapa tanda ng kababaang-loob sa Panginoon, sinasampay, sinasabit sa mga halaman upang sakali man siya ay hanapin madali siyang tuntunin sa kapa niyang nakabitin.
"Chapele" sa wikang Pranses ang salitang salin ng "kapa" na siyang pinagmulan ng "kapilya" na isang munting pook-dalanginan tulad ng tinutunguhan ni San Martin noon upang Diyos ay makapisan; pagnilayan at tularan kaugalian nitong si San Martin ng Tours hinubad kanyang "kapa" sagisag ng kapangyarihan at katanyagan upang maramtan ng kabanalan ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!