Pagninilay sa Undas: Halaman at bulaklak, tanda ng buhay maging sa kamatayan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Oktubre 2026
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove, Hulyo 2026.

Isang kaibigan nakita kong dumaing sa kanyang post sa Facebook sa sobrang mahal daw ng mga bulaklak isang linggo pa man bago mag-Undas. Sa mga panahong ito, pangalawa sa mga sementeryo, mga tindahan ng bulaklak gaya ng sa Dangwa ang puntahan ng maraming tao.

Buhay man o patay, bulaklak palagi ang ating handog sa ating mga mahal sa buhay. Wika nga sa Inggles, “say it with flowers” sapagkat ito na ang pinakamabisang pagpapahayag ng tunay na saloobin sa lahat ng pagkakataon. Wala ka na talagang sasabihin pa kapag ikaw ay nagbigay ng bulaklak kanino man. Ano man ang okasyon. Hatid ng mga ito ang tuwa at kagalakan sa sino man nagdiriwang ng buhay at tagumpay, maging ng kagalingan at lakas sa may tinitiis na sakit at hilahil. Sari-saring kulay, hugis at anyo, iisa ang pinangungusap ng bulaklak sa lahat ng pagkakataon, buhay at kagalakan at kaisahan ng magkakaibigan at magkasintahan, mag-asawa at mag-anak, magkaano-ano man.

Maliban sa tao, ang mga bulaklak at halaman na ang pinakamagagandang nilikha ng Diyos upang ipadama at ilarawan sa atin ang Kanyang kagandahan at kabutihan, katamisan at pagmamahal. Gayon din tanda ang mga ito ng Paraiso kaya bawat kasalan at lamayan, pinupuno ng mga bulaklak at halaman paalala ng langit na ating pinagmulan at hantungan.

Isang tagpo tuwing Biyernes Santo at Sabado Santo ang hindi nabibigyang halaga ng marami, ang paglilibing kay Jesus.

Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus (Juan 19:41-42).

Hindi nagkataon lamang na inilibing si Jesus sa may halamanan dahil pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay, kay sarap namnamin ang Kanyang Pagkabuhay doon sa halamanan ay isang uri ng “return to Paradise”, “return to Eden” wika nga.

Kaya nga nang lapitan ni Jesus si Magdalena habang umiiyak dahil wala ang Panginoon sa libingan, napagkamalan niya si Jesus bilang hardinero. Paalala ito na ang Paraiso ay di lamang ating patutunguhan kungdi doon din nagsimula ang lahat sa Paraiso bago nagkasala mga unang tao.

Pagtatagpo nina Magdalena at Jesus noong Pasko ng Pagkabuhay sa kanyang libingan mula sa commons.wikimedia.org

Noong Martes, sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang paghahari ng Diyos ay “Katulad ng isang butil ng mustasa na itinamin ng isang tao sa kanyang halaman” (Lk.13:19).

Bawat isa sa atin ay halamanan ng Diyos, a garden of God. A paradise in ourselves.

Katulad ng ano mang halaman, kailangan natin ng mainam na lugar, taniman.

Noong ako ay naka-assign pa sa paaralan sa Malolos, palagi kong tinitiyak sa mga magulang kapag kami ay nagki-kick out ng estudyante na hangad pa rin namin kabutihan ng kanilang anak na ay isang halaman, minsan mainam na ilipat ng paso o taniman upang tumubo at lumago. May ilan naman sa mga na-kick out ko noon ang nagpapasalamat naman sa akin ngayon dahil daw nakabuti rin yung karanasan at sila ay nakapagtapos ng ibat ibang kurso.

Iyon din ang sinabi kamakailan sa Wimbledon ng ating tennis sensation na si Alex Eala, “kapag lumago, hindi na hihinto” at naging tanda niya ang bulaklak ng halamang Sampaguita.

Maraming pagkakataon pinababayaan natin ating mga sarili tulad ng halaman na hindi dinidilig ni nililinang. Kung minsan naman, hindi nating maintindihan sa kabila ng ating pangangalaga, tila walang nangyayari sa ating sarili, tulad ng halamanang walang tumubo o lumago, mamunga o mamulaklak sa kabila ng pagaasikaso.

Nguni’t maraming pagkakataon din naman na namumulaklak, nagbubunga tayo tulad ng halamanan dahil ang tunay na lumilinang sa atin ay ang Panginoong Diyos na mapagmahal. Ayon kay Sta. Teresa ng Avila, ang pananalangin ay ang tubig na ating dinidilig sa ating sarili na katulad ng halaman upang lumago at mamulaklak.

Kamakailan ay nagpalit ako ng tubig ng mga alaga kong water plants sa aking silid at ako’y natigilan nang maalala ko bigla aking yumaong Ina na napakahusay sa paghahalaman. Mayroon siyang “green thumb” na hindi ko namana sa kanya.

Kahit maliit lamang aming lupain noon sa lumang bahay namin haggang sa kanyang munting tindahan, sagana siya sa pananim tulad ng mga rosas at orchids, cactus, mayana, violets at mayana, sari-saring halaman sa paso at lupa gaya ng papaya, atis, langka, pati kamote at sili sa gilid ng bahay namin ay mayroon siya.

Ako naman, hindi makabuhay ng ano mang halaman. Katunayan noong first year high school kamuntik ako bumagsak sa gardening dahil wala akong nabuhay na pananim. Umani na ng pechay at talong mga kaklase ko, walang tumubo sa aking plot kaya sabi ng mommy ko, kamote ang aking itanim. Kapag daw yun hindi ko pa nabuhay, ako na raw ang kamote! (Nabuhay naman po at ako ay nakapasa.)

Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, kapag dumadalaw sila sa akin isa sa mga inaalam ni Mommy ay ang aking mga alagang halaman na galing sa kanya. Madalas hindi ako makasagot kasi, palaging mayroong namamatay sa mga iyon tuwing darating siya. Pati water plants! Sabi niya sa akin noon, “ano ka ba naman anak, water plant na lang napapatay mo pa? Masyadong mainit iyong mga kamay,” aniya.

Isa sa aking mga waterplants na buhay pa mula 2021.

Isang bagay nakalimutan kong sabihin kay Mommy bago siya mamatay noong 2024 ay nakakabuhay na ako ng water plant sa kuwarto ko sa bago kong assignment sa Fatima Valenzuela.

Kaya noong Martes na ang ebanghelyo ay tugkol sa halaman ng mustasa, habang ako ay nagpapalit ng tubig ng aking mga water plants, naisip ko marahil masaya na sa kabilang buhay si Mommy kasi nakabuhay na ako ng halaman.

Sinabi din niya sa akin noong bata pa ako, dapat daw marunong akong mag-alaga ng halaman at hayop dahil tanda raw iyon na makakabuhay na rin ako ng tao.

Siguro nga. Kaya ko nang mabuhay maski wala na siya, paalala marahil nitong aking mga halaman.

Leave a Reply