Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil sa mga kinikilig pag-inog nitong daigdig sa araw na ito ng mga pusong umiibig; tiyak bibigay din ano mang hinhin at yumi ng sinomang dilag kapag nakatanggap ng bulaklak kanino man magbuhat.
Ngunit ang masaklap tuwing katorse ng Pebrero ang maraming pag-ibig katulad na lamang ng petsang dumaraan, wala nang katapatan at kadalisayan mga magkasintahan pag-ibig dinurumihan isa't isa'y sinasaktan at dinudungisan.
Pagmasdan ating kapanahunan pilit binibigyang katuwiran kasalanan at kasamaan matutunghayan saanman mga larawan ng kataksilan wala nang kahihiyan ipinangangalandakan mga kapalaluan sa gitna ng kapangahasang magmaang-maangan na wala silang kalaswaan.
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.