Awit sa Katahimikan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin
itong aking awit
tungkol sa pananahimik
na higit sa pagwawalang-imik
o kunwari'y pagiging bingi
bagkus pakikinig na mabuti
sa bawat tinig
dahil ang katahimikan
ay hindi kawalan kungdi
kapunuan;
sa katahimikan tayo ay bumabalik
sa ating pinagmulan
namumuhay tulad nang sa sinapupunan
nakikiramdam, lahat pinakikinggan
dahil nagtitiwala
kaya naman sa pananahimik
tayo ay nakakapakinig,
nagkaka-niig,
higit sa lahat ay umiibig
dahil ang tunay na pag-ibig
tiyak na tahimik
hindi ipinaririnig sa bibig
kungdi kinakabig ng dibdib
maski nakapikit
dama palagi
ang init!
Ganyan ang katahimikan,
hindi lamang napapakinggan
kungdi nararamdaman
nakabibinging
katotohanan
kaya laging kinatatakutan
ayaw pakinggan
iniiwasan
di alintana
sa kahuli-hulihan
katahimikan ang tiyak nating
hahantungan
magpakailanman
kaya
ngayon pa lang
ating nang kaibiganin
ang katahimikan,
matutunang harapin
at tanggapin tulad ng
sa salamin
tunay na pagkatao natin
upang pabutihin, dalisayin
sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.

Leave a comment