Ano aming ginagawa?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2024
Mga pasaherong nakasabit sa PUJ, kha ni Veejay Villafranca ng Bloomberg via Getty Images, Abril 2017.
(Isang tula aking nakatha 
sa inspirasyon ni Fr. Boyong
sa pagninilay ng Araw ni San Jose, Manggagawa.)
Ngayong araw ng mga manggagawa
ano nga ba aming ginagawa
bilang halimbawa ng kabanalan
at kabutihan sa paghahanap ng saysay
at katuturan nitong buhay?
Kay saklap isipin
walang kapagurang kayod
ng karamihan habang kanilang
sinusuyod alin mang landas
maitaguyod lamang pamilyang
walang ibang inaasahan,
naghihintay masayaran mga bibig
ng pagkaing kailangan
di makapuno sa sikmurang
kumakalam
habang mga pari na nasa altar
namumuwalan mga bibig sa lahat ng
kainan at inuman,
tila mga puso ay naging manhid
sa kahirapan ng karamihan!
"Samahan mo kami, Father"
sabi ng Sinodo na simula pa lamang
ay ipinagkanulo nang paglaruan
mga paksa sa usapan
tinig at daing ng bayan ng Diyos
hindi pinakinggan
bagkus mga sariling interes
at kapakanan, lalo na kaluguran
siyang binantayan
at tiniyak na mapangalagaan
kaya si Father nanatili sa altar
pinuntahan mayayaman
silang pinakisamahan
hinayaan mga kawan hanapin
katuturan ng kanilang buhay.
Aba, napupuno kayo ng grasya
mga pari ayaw na ng barya
ibig ay puro pera at karangyaan
mga pangako ay nakalimutan
kahit mga kabalastugan papayagan
puwedeng pag-usapan
kung kaharap ay mayayaman
pagbibigyan malinaw na kamalian
alang-alang sa kapalit na ari-arian
habang mga abang manggagawa
wala nang mapagpilian kungdi
pumalakpak at hangaan kaartehan
at walang kabuluhang pananalita
ni Father sa altar, kanyang bokasyon
naging hanap-buhay.
San Jose, manggagawa 
ipanalangin mo aming mga pari
maging tulad mo,
simple at payak upang
samahan aming mga manggagawa
sa paghahanap
ng kahulugan ng buhay
kapiling nila.
Amen.

Leave a comment