Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Enero 2024
Homilya sa Kasal ng Inaanak ko sa binyag, Lorenz, kay Charmaine
Simbahan ni San Agustin, Intramuros, Maynila

Sigurado ako na alam na ninyong lahat, lalo na ng mga Gen Z dito, iyong trending sa social media na post ng isang dilag nang malaman niyang 299-pesos ang halaga ng engagement ring na binigay sa kanya ng boyfriend niya ng walong taon na nabili sa Shopee.
Kasing ingay ng mga paputok ng Bagong Taon ang talakayan noon sa social media hanggang sa naging isang katatawanan o meme ang naturang post gaya ng halos lahat ng nagiging viral. Sari-sari ang mga kuro-kuro at pananaw ng mga netizens, mahuhusay ang kanilang paglalahad, seryoso man o pabiro. Mayroong mga kumampi sa babae habang ang ilan naman ay naghusga sa kanya at sa boyfriend niya.
Hindi ko naman nasundan ang post na iyan. Katunayan, inalam ko lamang iyon kamakailan upang pagnilayan para sa homilya ko sa inyong kasal ngayong hapong ito, Lorenz at Charmaine.
At ito lang masasabi ko sa inyo: ang pag-aasawa ay tungkol sa kuwento ng pag-ibig, hindi ng kuwenta sa mga naibigay, materyal man o espiritwal.

Maliwanag sa ating ebanghelyo na ang pag-aasawa ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Maniwala kayo Lorenz at Charmaine, Diyos ang nagtakda ng araw na ito ng inyong kasal. Hindi kahapon o bukas, at hindi rin noong isang taon gaya ng una ninyong plano. Iyan ang sinabi sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa:
“Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”
Roma 8:31, 39
Higit sa lahat, batid ninyong pareho sa inyong kuwento ng buhay kung paanong ang Diyos ang kumilos upang sa kabila ng magkaiba ninyong mga karanasan, pinagtagpo pa rin kayo ng Diyos, pinapanatili at higit sa lahat, ngayon ay pinagbubuklod sa Sakramento ng Kasal ngayong hapon.
Sa tuwing pinag-uusapan ninyo ang inyong kuwento ng buhay, palaging naroon din ang inyong kuwento ng pag-ibig maging sa iba’t ibang karanasan – matatamis at mapapait minsa’y mapakla at maisim marahil pero sa kabuuan, masarap ang inyong kuwento, hindi ba? Ilang beses ba kayong nag-away… at nagbati pa rin?
Humanga nga ako sa inyo pareho, lalo na sa iyo Lorenz. Ipinagmamalaki ko na inaanak kita kasi ikaw pala ay dakilang mangingibig. Hindi mo alintana ang nakaraan ni Charmaine. Katulad mo ay si San Jose nang lalo mo pang minahal si Charmaine at ang mga mahal niya! Wala sa iyo ang nakaraang kuwento ng buhay ni Charmaine dahil ang pinahalagahan mo ay ang kuwentong hinahabi ninyong pareho ngayon. Bihira na iyan at maliwanag na ito ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa inyo.
Paghanga at pagkabighani naman aking naramdaman sa iyo, Charmaine. Higit sa iyong kagandahan Charmaine ay ang busilak ng iyong puso at budhi. Wala kang inilihim kay Lorenz. Naging totoo ka sa kanya mula simula. Higit sa lahat, naging bukas ang isip at puso mo sa kabila ng iyong unang karanasan upang pagbigyan ang umibig muli. At hindi ka nabigo.
Kaya nga Lorenz at Charmaine, ipagpatuloy ninyo ang kuwento ng inyong pag-ibig sa isa’t isa na mula sa Diyos.

Kapag mahal mo ang isang tao, lagi mong kinakausap. Marami kang kuwento. At handa kang makinig kahit paulit-ulit ang kuwento kasi mahal mo siya. At kung mahal ninyo ang Diyos, palagi din kayong makikipag-kuwentuhan sa kanya sa pagdarasal at pagsisimba.
Palagi ninyong isama sa buhay ninyo tulad sa araw na ito ang Diyos na pumili sa inyo. Wika ng Panginoong Jesus sa ating ebanghelyo, “Manatili kayo sa aking pag-ibig upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan” (Jn.15:9, 11).
Hindi pagkukuwenta ang pag-aasawa. Hindi lamang pera at mga gastos ang kinukuwenta. Huwag na huwag ninyong gagawing mag-asawa ang magkuwentahan ng inyong naibigay o tinanggap na ano pa man sapagkat ang pag-aasawa ay hindi paligsahan o kompetisyon ng mga naibigay at naidulot. Hindi ito labanan ng sino ang higit na nagmamahal. Kaya, huwag kayong magkukwentahan, magbibilangan ng pagkukulang o ng pagpupuno sa isa’t-isa.
Basta magmahal lang kayo ng magmahal nang hindi humahanap ng kapalit dahil ang pag-aasawa ay ang pagbibigay ng buong sarili sa kabiyak upang mapanatili inyong kabuuan.
Paano ba nalalaman ng mga bata kung magkaaway ang tatay at nanay?

Kapag hindi sila nag-uusap. Kapag ang mag-asawa o mag-irog o maging magkakaibigan ay hindi nag-uusap ni hindi nagkikibuan, ibig sabihin mayroong tampuhan o alitan. Walang pag-ibig, walang ugnayan, walang usapan.
Kaya nga kapag nag-away ang mag-asawa, sino ang dapat maunang bumati o kumibo? Sabi ng iba yung daw lalake kasi lalake ang una palagi. Akala ko ba ay ladies first? Sabi ng ilan, kung sino daw may kasalanan. E, may aamin ba sa mag-asawa kung sino may kasalanan?
Ang tumpak na kasagutan ay kung sino mayroong higit na pagmamahal, siyang maunang kumibo at bumati dahil ang pag-aasawa ay paninindigang piliin na mahalin at mahalin pa rin araw-araw ang kanyang kabiyak sa kabila ng lahat. Kaya palaging maganda ang kuwento ng pag-ibig, hindi nagwawakas, nagpapatuloy hanggang kamatayan.
Aabangan namin at ipapanalangin inyong kuwento ng pag-ibig, Lorenz at Charmaine. Mabuhay kayo!

One thought on “Pagkukuwento – di pagkukuwenta- ang pag-aasawa”