Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Hulyo 2020
Kaya pala himpapawirin nagdilim bandang alas-tres pa man din oras ng kanilang patayin doon sa Krus nakabitin si Hesus na Panginoon natin nang kanyang sabihin katotohanang hindi maatim ng mga tao na ang puso ay ubod ng itim. Bandang hapon ko na rin napagtagni-tagni pangyayari bago magtanghali nasunog matandang simbahan ng Sto. Niño sa Pandacan kabila ng Malacañang: hindi ba nabuwang Haring Herodes nang marinig niya balitang sumilang Banal na Sanggol kaya mga bata pinagpapaslang?
Hindi ko nga malaman sino nga ba aking tatangisan --- apatnaput-dalawang binawian ng buhay nitong COVID-19 na tunay na kalaban o mga Kapamilya na tinanggihan kanilang prangkisa ng mga hunghang na tuta at alepores ng bagong Herodes na walang malay gawin kungdi lahat ay patayin. Bayan kong ginigiliw bakit nga ba kung minsan ang hirap mong mahalin? Hindi mo pansin panloloko ng mga matsing? Aking dalangin sana ikaw ay magising o mahimasmasan iyong pagkalasing!
Matatala sa ating kasaysayan pangalawang Biyernes Santo sa taong ito ang ika-sampu ng Hulyo, dalawang libo dalawampu; pinagluluksa natin hindi lamang pagpatay sa prangkisa ng ating Kapamilya kungdi pati na rin pagyurak sa ating dangal bilang tao maging sa mga sandigan ng ating sambayanan. Umasa at mananalig tayo kay Kristo sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay; bagaman ito'y natatagalan, hindi kailanman natalo ng kadiliman ang liwanag, o ng kasinungalingan ang katotohanan, kung tayo ay lilingon sa slogan noon: "Ako ang simula" ng pagbabago dahil kung tinalo nila tayo kahapon sa boto, bukas talo sila sa ating boto!




