Isang tula para sa ating Kapamilya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Hulyo 2020
Kaya pala himpapawirin nagdilim
bandang alas-tres pa man din
oras ng kanilang patayin
doon sa Krus nakabitin
si Hesus na Panginoon natin
nang kanyang sabihin
katotohanang hindi maatim
ng mga tao na ang puso ay ubod ng itim.
Bandang hapon ko na rin napagtagni-tagni
pangyayari bago magtanghali
nasunog matandang simbahan
ng Sto. Niño sa Pandacan
kabila ng Malacañang:
hindi ba nabuwang Haring Herodes
nang marinig niya balitang sumilang
Banal na Sanggol kaya mga bata pinagpapaslang?
Hindi ko nga malaman
sino nga ba aking tatangisan ---
apatnaput-dalawang binawian ng buhay
nitong COVID-19 na tunay na kalaban
o mga Kapamilya na tinanggihan kanilang 
prangkisa ng mga hunghang 
na tuta at alepores ng bagong Herodes
na walang malay gawin kungdi lahat ay patayin.
Bayan kong ginigiliw
bakit nga ba kung minsan
ang hirap mong mahalin?
Hindi mo pansin panloloko
ng mga matsing?
Aking dalangin
sana ikaw ay magising
o mahimasmasan iyong pagkalasing!
Matatala sa ating kasaysayan
pangalawang Biyernes Santo sa taong ito
ang ika-sampu ng Hulyo, dalawang libo dalawampu;
pinagluluksa natin hindi lamang
pagpatay sa prangkisa ng ating Kapamilya
kungdi pati na rin pagyurak sa ating dangal bilang tao
maging sa mga sandigan ng ating sambayanan.
Umasa at mananalig tayo kay Kristo
sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay;
bagaman ito'y natatagalan, hindi kailanman 
natalo ng kadiliman ang liwanag,
o ng kasinungalingan ang katotohanan,
kung tayo ay lilingon sa slogan noon:
"Ako ang simula" ng pagbabago 
dahil kung tinalo nila tayo kahapon sa boto, 
bukas talo sila sa ating boto!