Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Nobyembre 2019
Mga lumot sa Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Mula pa sa aking pagkabata naroon na aking pagkabighani sa mga lumot na tila baga may naghahabi mumunting alpombra sa mga gilid at tabi-tabi.
Hindi gaanong naabot ng liwanag mga mumunting halaman ang lumot mahiwagang sumusulpot maski sa mga sulok madaling lumalaganap waring sila'y mga nalimot.
Kay lamig sa paningin itong mga lumot kung susuriin tila baga nagpapahiwatig himig ng lilim at dilim, tinig ng mahalumigmig.
Mga lumot sa St. Paul Spirituality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.
Kamakailan ko lamang napagtanto aral na ibig ipaabot marahil ng mga lumot sa atin na laging nalulungkot, nakasimangot lalo na't kung ating buhay ay masalimuot.
Paalala marahil sa atin ng mga lumot hindi man maabot at mabaanaagang lubos ng sikat ng araw, sa lilim ng kadiliman maaaninag pa rin busilak na luntian.
Katotohanan at ganda nitong ating buhay bumubukal saan man ilagay ng Maykapal pahalagahan, pangalagaan dahil walang kapantay paalala ng lumot huwag sanang malimot.
Patak-dugo at lumot, St. Paul Spiritality Center, Alfonso, Cavite. Setyembre 25, 2019.