Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Noong aking kabataan
aking natutunan sa mga harutan
naming magpipinsan at magkakaibigan
habang nakapila sa poso na iniigiban
ang baldeng walang lamang
ang siyang pinaka-maingay.
Ngayon sa aking katandaan
higit kong naunawaan yaring katotohanan
habang nagninilay sa gitna ng lockdown
na siya ngang tunay mga taong maiingay
karamihan sanga-sanga kanilang mga dila
pinagsasasabi'y walang katotohanan o kabuluhan.
Hindi nila batid sa pag-iisip nilang makitid
katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan
pinakikinggan bawat pintig, dinarama maski ang kalma
tinitimbang ano mang katotohanan at kabuluhan
upang pagkaabalahan, pag-usapan
kung hindi man ay kalimutan at isantabi na lamang.
Larawan kuha ng may-akda, talon sa Taiwan, Enero 2019.
Sa pakikipag-talastasan ng Diyos
masdan lagi itong pinangungnahan ng katahimikan:
sa Matandang Tipan matatagpuan
bago likhain ng Diyos ang sanlibutan,
walang ano man kungdi dilim at katahimikan
saka lamang Siya nagsalita upang lahat ay malikha;
doon sa Bagong Tipan ganito rin ang napagnilayan
ni San Juan bago si Hesus ay isinilang:
aniya, sa pasimula naroon na ang Salita
kasama ng Salita ang Diyos
sa Kanya nalikha ang lahat
at naging tao ang Salita
tinawag na Kristo
humango sa makasalanang tao.
Hindi natin kailanman mauunawaan
mga salita ng Diyos na makapangyarihan
kung hindi tayo handang manahimik
upang sa Kanya ay makinig;
noong si Hesus ay isinilang
tatlumpung taon ang binilang
bago Siya napakinggan
pagkaraang binyagan sa Jordan
maliban nang Siya ay matagpuan
sa templo nakikipagtalastasan
noong Kanyang kamusmusan;
gayun pa man sa Kanyang pangangaral
madalas Siya ay manahimik at magdasal
kaya lahat namamangha sa kanyang salita pati gawa.
Saanman mayroong katahimikan
pagtitiwala tiyak matatagpuan;
at kung saan man walang katahimikan
bukod sa maingay, walang kaayusan.
Magandang pagkakataon ngayong lockdown
pagsikapan, huwag katakautan ang katahimikan
dahil dito nalalantad, nakakatagpo ang katotohanan
na palagi nating tinatakasan, iniiwasan
kung kaya ang kalayaan hindi nating makamtan;
sa katahimikan lahat pinakikinggan -
sariling kalooban, kapwa at Diyos maging kalikasan
tungo sa pagmamahalan, kaisahan, at kaganapan ng buhay.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, bukang liwayway sa aming parokya, Abril 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Hunyo 2020
Nasubukan mo na bang
manahimik
upang makinig
at makipag-niig
sa Diyos
na tanging ibig
ating kaganapan
at kagalakan?
Minsan kung kailan
hindi mo inaasahan
saka Siya mararanasan:
nangungusap, nagpaparamdam
lalo na kapag binabalikan
mga nakaraan ika'y
nasaktan at nasugatan,
o nasiyahan at maraming natutunan.
At habang iyong ninanamnam
Kanyang kabutihan
kailanman hindi ka iniwan
pinabayaan o tinalikuran
saka daratal buong kalaliman
ang hindi maikakaila
mayroon ngang Diyos
sa atin nagmamahal!
At iyan ang higit
nating mapapanaligang
katotohanan
higit nakakikilabot
kesa multo o ano pang kuwento;
dahil ang Diyos ay totoong-totoo
ngunit ang multo
doon lang sa guni-guni mo!
*Mga larawan kuha ng may-akda maliban sa takip-silim at bongavilla sa aming simbahan na parehong kuha ni G. Gelo Nicolas Carpio.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-3 ng Hunyo 2019
Larawan mula sa Google.
Noong si Hesus ay nilitis Ni Pilato na tingin sa kanya'y malinis, Ano aniya ang katotohanan Na hanggang ngayon ating tinatanong Sa Panginoong lagi nating hinahamon.
Sayang noon ay hindi tumugon Itong Panginoon sa naturang tanong Upang sana'y maliwanag na sa ating ngayon Kahulugan ng katotohan na palaging naaayon Sa kanya-kanya at sariling interpretasyon.
Ngunit kung ating paglilimi-limihan Hindi sinagot ng Panginoon si Pilato noon Dahil mali ang kanyang tanong: hindo "ano" Kungdi "nasaan" ang katotohanan upang kapag natunton Ito'y maisasabuhay natin sa lahat ng pagkakataon.
Mismong ang Panginoon nagsabi noon Na siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; Alalaong-baga, itong katotohanan ay isang "person" Kaya naman ang pagsuri sa katotohanan Masasalalay palagi sa pagpapahalaga natin sa buhay.
Umiiral lamang ang kasinungalingan Na siyang kabaligtaran ng katotohanan Kapag katauhan ng kapwa hindi natin pinahahalagahan, Binabale-wala at isinasantabi dangal ng kapwa Kaya lahat ng masasabi ay malayo sa laman ng budhi.
Kung sisikapin lamang natin Mapahalagahan bawat kapwa natin Hindi tayo magsisinungaling o magmamagaling Dahil maliwanag di lamang sa isipan natin Yaring katotohanang nananahan sa puso natin.