Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Martes, Kapistahan ng Mater Dolorosa, 15 Setyembre 2020
1 Corinto 12:12-14, 27-31 || + || Juan 19:25-27
Larawan kuha ng may-akda, Abril 2020.
O Birheng Maria, aming Ina!
Ngayong aming ipinagdiriwang
iyong kapistahan bilang Mater Dolorosa
kinabukasan pagkaraan ng kapistahan
ng Pagtatampok ng Banal na Krus ni Hesus,
nabubuo ang napakagandang larawan
ng malalim at matalik ninyong ugnayan,
kaisahan bilang mag-ina sa liwanag ng Banal na Krus;
tunay nga ikaw Birheng Maria ang una at dakilang alagad Niya
sinamahan Siya hanggang pagdurusa at kamatayan
kaya naman ikaw ay naging Ina nitong Santa Iglesya
nang kami ay naging katawan Niya.
Aming dalangin sa gitna nitong COVID-19
paratingin aming mga daing at hinaing
masintahing Ina sa Panginoon natin:
patatagin aming pananampalataya
paalabin aming pagmamahal at paglilingkod
iwaksi kami sa sakit at iba pang kapahamakan
upang balang araw sa pagbubukang liwayway
mapawi rin aming mga dalamhati
katulad mo'y magningning ang ngiti sa aming mga labi
mula kay Kristong muling nabuhay
sa pandemya kami'y pinagtagumpay.
Amen.
Larawan ng “Mater Dolorosa” ng pintor na si Carlo Dolci mula sa Wikimedia Commons.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Huwebes Santo, Ika-09 ng Abril 2020
Ulan katanghalian ng Huwebes Santo, ika-09 ng Abril 2020. Kuha ng may-akda.
Mula pa pagkabata
ipinamulat na ng aking ama at ina
na tuwing Semana Santa
bawal ang magsaya
dahil Panginoong Hesus ay
nagpakasakit para tayo ay sumapit
sa langit na dating ipinagkait.
Kaya nga sa aking pagdarasal
iisang tanong sa akin ang bumabalong:
sino nga ba mas malungkot
ngayong Huwebes Santo
habang sarado mga simbahan
tigil mga tao sa tahanan
dahil sa lockdown?
Katanghalian habang nagninilay
bumuhos malakas na ulan
bagama't sasandali lamang
sa aking pakiramdam sinagot
aking katanungan:
higit na malungkot
sa ating katayuan si Hesus ating kaibigan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Quiapo, Maynila, ika-09 ng Enero 2020.
Batid natin mga pangyayari
pagkaraan nilang maghapunan
hinugasan ni Hesus paa ng mga kaibigan
ngunit anong saklap ng kapalaran
isa sa kanila Hudas ang pangalan
pinagkatiwalaan upang maging ingat yaman
pagmamahal at kapatiran, sinuklian ng kataksilan.
Hanggang ngayon sa ating panahon
nauulit ang masaklap na kapalaran
na sa kabila ng kanyang kabutihan
nagagawa pa rin natin siyang talikuran;
alalahanin at balikan, salitang binitiwan
ni Hesus sa Huling Hapunan
nang tanggihan ni Simon paa niya ay hugasan.
Ang sabi ng Panginoon kay Simon
paalala sa ating mga makasalanan
huwag kalilimutan binyag na ating tinanggap
na siyang tinutukoy niya:
"maliban sa mga paa,
hindi na kailangan hugasan ang naligo na
dahil malinis na kayo ngunit hindi ang lahat" aniya.
Tuwing nagkakasala tayo
naghuhudas din tayo:
nakapaligo at nahugasan na sa kasalanan
ngunit ulit-ulit narurumihan
si Kristo ay iniiwan, tinatalikuran
sa tuwing tumatanggi tayo
sa pagmamahalan at pagkakapatiran.
Larawan kuha ng may-akda bago magsimula Misa ng Huwebes Santo 2020.
Hindi nga natin malilimutan
kalungkutan sa pagdiriwang
nitong Semana Santa sa panahon ng corona:
walang tao sa Misa
walang paghuhugas ng mga paa
walang bihilya
walang Visita Iglesia.
Ngunit itong ating mga kalungkutan
wala sa kalingkingan ng kalungkutan ni Hesus:
mas malungkot si Hesus para sa mga frontliners
nahaharap sa maraming panganib;
mas malungkot si Hesus para sa mga maysakit
at sa mga namamatay sa panahong ito;
mas nalulungkot si Hesus sa mga kinakapos, naghihikahos.
Mas malungkot si Hesus
ngayong Semana Santa
sa mga mag-asawa nagkakasawaan na
o marahil ay naghiwalay na;
mas malungkot si Hesus
sa mga magkakapatid na kanya-kanya
magkakaibigan na nagkalimutan na.
Mas malungkot si Hesus
sa mga gumagawa ng kasamaan
may tinatagong relasyon
mga addiction at bisyo na hindi matalikuran;
mas malungkot si Hesus sa mga naliligaw
nawawala at lalo sa mga bigo at sugatan
pati na rin mga kinalimutan ng lipunan.
Pinakamalungkot si Hesus ngayon
dahil tuwing tayo ay nasasaktan
higit ang kanyang sakit nadarama
kaya kung tunay na siya ay ating kaisa
sa mga pagdurusa at kalungkutan niya
atin sanang makita at madama
sakit at hinagpis ng iba
na sana'y ating masamahan, aliwin, at patatagin
upang sa gayon sama-sama tayong bumangon
sa Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon.
Kuha ng stained glass sa likod ng aming simbahan ng pagkabuhay ni Hesus kasama mga alagad.