Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Agosto 2025

Araw-araw nauulit sa ating Kristiyanong bansa ang karumal-dumal na krimen ng pagbitay kay San Juan Bautista lalo na sa larangan ng parumi ng parumi at talamak na sistema ng korapsiyon sa ating pamahalaan.
Kaya minabuti ko na isitas buong tagpo ng Ebanghelyo ng kanyang Pagpapakasakit na ginugunita natin sa Simbahan sa araw na ito.
Basahin at namnamin, managhoy at tumangis ngunit pagkaraan ay bumangon upang labanan malungkot na kinasasadlakan nating lahat ngayon;katotohanan ni Kristo ating panindigan tulad ni San Juan Bautista laban sa mga makabagong Herodes, Herodias at Salome ng ating panahon.
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing (Marcos 6:17-29).

Hindi ba dapat nating tangisan
itong nangyayari sa ating kapaligiran
na akusasyon noon laban kay San Juan
ay pagsasabi ng katotohanan?
Hanggang ngayon
kung sino nagsasabi ng totoo
siya pang napapasama at nakukulong
habang mga gumagawa ng
kasamaan at kabuktutan
hinahangaan,
niluluklok pa sa kapangyarihan
kaya mga Herodes
lalo pang dumarami
tumatapang, ayaw nang patinag
kapit tuko sa puwesto
pamilya ginawang dinastiya.
Kay laking kabaligtaran
noong sina Eba at Adan
Diyos ay talikuran sa kasalanan,
nagtago sa kahihiyan
katawan tinakpan
ng dahong maselan;
pero ngayon,
buwaya man mapapahiya
kapal ng mga senador at congressman
kung magmaang-maangan
pinagsamang Herodes at Pilato
takot na takot sa katotohanan
akala pagkakasala ay mapaparam
kung mga kamay ay hugasan
gayong kadalasa'y magkatiklop
sa pananalangin
at kung Ama Namin ang awitin
silang mga Herodes nakahawak
kamay sa mga panauhin
bilang hermano, hermana
ng pista, magkukuratsa
kunwa'y mapasaya ang parokya
lalo na ang kura
pati obispo nila!

Nakaka-iyak
nakaka-inis
nakaka-galit
sa gitna ng maraming hirap
at sakit,
may mga Herodias
pumapayag maging kabit
sariling pagkatao winawaglit
sinasaalang-alang sa kinang
ng pera nahahalina
pakiwari'y gumaganda
ngunit di maikaila sa mga mata
kimkim nila ay galit
sa nagsasabi ng totoo
pilit nagpapa-interview
akala lahat ay maloloko!
O Diyos ko,
kalusin mo na ang salop
bago pa dumami
at manganak
ng mga Salome bawat
Herodes at Herodias;
labis ang kalapastanganan
pinamamayagpag kayamanang
nakaw at panlilinlang pinagmulan;
walang pakundangan sa
gastos at pagmamayabang
hari-harian sa social media
pabebe lang ang nalalaman
nitong mga Salome
kung tawagi'y "nepo babies"
ngunit ano mang wika
kanilang gamitin
lilitaw pa rin pinagtatakpan
nilang kababawan kailanman
di kayang bigyang katuwiran
ng mga luho at karangyaan
na pawang ka-cheapan
kahit bihisan ng ginto,
pusali pa rin ang katauhan!
Hindi mauubus
mga Herodes at Herodias
at mga Salome
hangga't mayroon sa kanila
ay tatangkilik na mga hunghang
na walang alam
at tanging pinahahalagahan
kanilang mga tiyan
at sariling kaluguran;
kaya hayaan nating muling
umalingawngaw sa ilang
panawagan at sigaw ni
Juan Bautista: tayo ay gumising
sa ating pagkakahimbing
panindigan ang katotohanan
kay Kristo lamang makakamtan!
