Karunungan vs. katalinuhan, kabutihan vs. kabaitan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2025
Mula sa Pinterest.

Kay ganda ng serye ng ating mga unang pagbasa sa Banal na Misa ngayong huling linggo bago magsimula ang Kuwaresma sa Miyerkules ng Abo ika-lima ng Marso 2025.

Napapanahon ang mga pagbasang ito mula sa Aklat ng Ecclesiastico ngayong binubura sa kamalayan natin ang mahalagang yugto ng ating kasaysayan, ang EDSA Revolution ng 1986.

Tamang-tama din ang mga naturang pagbasa sa gitna ng mga balita ng mga pagmamalabis ng maraming nasa kapangyarihan di lamang sa pamahalaan at lipunan kungdi pati na rin ng mga pari at obispo natin sa simbahan. Kung sa bagay, matagal nang usapin mga iyan sa simbahan na palaging hinahayaan nating mga Pilipino dahil na rin sa kawalan natin ng kamalayan sa pagkakaiba-iba ng marunong sa matalino at ng mabuti sa mabait na siyang paksang ibig kong talakayin ngayong bisperas ng EDSA People Power Revolution.

Tingnan muna natin ang karunungan at katalinuhan.

Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.

Ang karunungan (wisdom) ay tanda ng kabanalan dahil ito ay pagtulad sa Diyos na siyang Karunungan mismo. Ang maging marunong (to be wise) ay hindi lamang malaman ang maraming bagay-bagay sa mundo at buhay kungdi makita at mabatid pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Pag-ibig at pagmamahal ang hantungan palagi ng karunungan at kabutihan.

Ang maging marunong ay magkaroon ng mahusay at matalas na isipan na pinanday ng puso at kaloobang nakahilig sa Banal na Kalooban ng Diyos. Dinadalisay ng buhay pananalangin, nakikita ng karunungan ang kabuuan ng lahat ng mga bagay-bagay sa liwanag ni Kristo. Buo at ganap ang karunungan dahil mula ito sa Diyos, nagtitiwala sa Diyos at nakabatay sa Diyos ang lahat ng pagsusuri, pagtitimbang at pagpapasya sa lahat ng bagay.

Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan at iyon ay taglay niya magpakailanman. Sino ang makabibilang ng butil ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw sa panahong walang pasimula at katapusan? Sino ang makasusukat sa taas ng langit o lawak ng lupa? Sino ang makaaarok sa kalaliman ng dagat at sino ang makasasaliksik sa Karunungan? (Sirac 1:1-3).

Sa kabilang dako naman, ang matalino ay pagkakaroon ng matalas na isipan. Magandang katangian ito ngunit hindi ito pinaka-mahalaga dahil sa ating sariling karananasan at kasaysayan, kay daming matatalinong Pilipino pero bakit ganito pa rin ang bayan natin?

Sa pamahalaan maging sa Simbahan, palaging ipinangangalandakan katalinuhan ng mga upisyal at nanunungkulan. Kaya nga sa sikat na sitcom na Bubble Gang, mayroong karakter doon na kung tawagi’y Tata Lino na puro katatawanan ang mapapakinggan.

At sa sawimpalad nating mga Pilipino, mas pinapaboran natin, mas hinahangaan palagi mga matatalino kesa marurunong. Bilib na bilib tayo sa mga tao na maraming tinapos na degree sa mga pamantasan dito sa bansa at ibayong dagat. Isa iyan sa malaking problema sa Simbahan: maraming pari at obispo ang matatalino ngunit walang puso ni Kristo, puso ng Mabuting Pastol. Sa dami ng matatalinong Pilipino, bakit ganito pa rin ang ating bayan maging Simbahan?

Bulok. Kung hindi man ay nabubulok.

Dangan kasi, mga matatalino matalas lang ang isipan ngunit walang puso o pitak man lamang doon para sa kapwa at sa Diyos kaya madalas, ginagamit kanilang katalinuhan sa kabuktutan at sariling mga interes at pangangailangan.

Kay ganda ng talinghagang gamit natin diyan – lumaki ang ulo. Yumabang at naging palalo sa sobrang katalinuhan, walang ibang pinakikinggan kungdi sarili lamang. Naku, lalo na iyan sa mga pari at obispo ng Simbahan!

Ang katawa-tawa sa malalaking ulo iyan ng maraming namumuno saan man, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, maraming matatalino puno ng kabag sa tiyan at hindi kataka-taka, walang ibang nagagawa sila kungdi umutot ng umutot. Kaya mabaho at mabantot sa maraming anomalya at kalabisan itong ating bayan maging Simbahan! Hindi ba?

Larawan ni Roger Buendia/Presidential Museum and Library via esquiremag.ph.

Noon pa man, sinasabi ko nang palagi magkaiba ang kabaitan at kabutihan. Madalas ang taong mabait nating tinuturing ay pleaser sa Inggles. Utu-uto, lahat puwede, lahat pinapayagan para walang kaguluhan pero ang katotohanan, lalo lamang gumugulo mga sitwasyon kapag kabaitan ang pinairal.

Alam na alam ito ng maraming mag-aaral na gusto nila mabait na guro na lahat ay puwede. Ganun din mga tao sa pari at obispong mabait. Lahat puwede para walang gulo. Akala nila…

Pero, mayroon bang natututunan sa mga maestra o maestro na mabait? Wala. Aminin natin mas marami tayong natutunan sa mga guro pati magulang at boss at pari na istrikto o mahigpit.

Ganoon ang mabuting tao (good person) – maliwanag sa kanya ang tama at mali. Hindi puwedeng payagan o pagbigyan ang mali. Mayroong diwa ng pananagutan palagi ang mga mabubuting tao na kadalasan ay istrikto rin naman. Sa mabuting tao, basta tama at kabutihan, hindi pagtatalunan o pag-aawayan samantalang mga mababait, lahat pinapayagan.

Ang mabuting tao, hindi niya iniisip ang sarili niyang kapakanan at kaluguran bagkus kabutihan ng karamahan at ng iba pang tao kesa kanyang sarili. Yung mababait, sarili lang nila iniisip. Kaya pinapayagan ang lahat ay upang magkaroon ng mga kaibigan at mga mangungutangan ng loob sa kanila. Popularity-oriented kadalasan mga matatalino at mababait.

Kaya naman, mapapansin natin na magkasama palagi ang karunungan at kabutihan at ang katalinuhan at kabaitan. Ang marunong ay tiyak na mabuti sapagkat higit sa kaalaman ang kanyang nilalayon ay kabutihan at kapakanan ng karamihan. Iyong mabait madalas ay matalino kasi sa Inggles makikita natin ito ay tumutukoy sa sanity o pagiging matinong pag-iisip o sane. Kapag sinabing “nasiraan ng bait”, ibig sabihin, nasira na ang ulo o nabaliw katulad ng maraming mga henyo na sa sobrang talino na walang iniisip kungdi sarili lamang.

Larawan mula sa en.wikipedia.org.

Noon sa EDSA, nadama ko at naranasan karunungan at kabutihan nina Cardinal Sin, Pangulong Aquino, Hen. Ramos at ng maraming mga tao na dumagsa doon hindi upang makipag-away at makipagtalo kungdi makipagkasundo at umunawa. Napaka saklap kay bilis nabaligtad ang lahat. Napalitan ng mga baliw mga marurunong at ng mga sakim ang mga mabubuti.

Sana sa mga panahong ito na ating ginugunita ang makasaysayang EDSA People Power ng 1986, muling pag-isipan at pagnilayan nating mabuti ang ating pinahahalagahan at pinaninindigan. Para sa Diyos, para sa Inang Bayan.

*Tunghayan mga dati nating nalathala sa paksang pagkakaiba ng kabutihan at kabaitan.

Leave a comment