Ang kasalanang hindi natin alam

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Marso 2024
Unang Huling Wika ni Jesus sa Krus
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Ang Unang Wika ni Jesus:

Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Jesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuutan ang mapupunta sa isa’t isa.

Lukas 23:33-34

Kay sarap isipin at namnamin na ang kauna-unahang mga salita na sinabi ni Jesus nang ipako siya ay krus ay ang kapatawaran sa ating mga kasalanan. Hindi lamang doon sa mga mismong nagpako sa kanya sa krus kungdi sa ating lahat ngayon na patuloy pa rin siyang ipinapako sa krus “sapagkat hindi natin nalalaman ating ginagawa.”

Ano nga ba iyong sinasabi ni Jesus na patawarin “sapagkat hindi nila nalalaman kanilang ginagawa”?

Sa kaisipan ng mga Judio, ang “malaman” ay hindi lamang matanto ng kaisipan ano mang data o impormasyon kungdi galaw ng puso at kalooban na pumasok sa pakikipag-ugnayan. Ang malaman ay magkaroon ng ugnayan bilang kapwa-tao sa isa’t isa.

Nang sabihin ni Jesus na “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”, ipinaaalala din niya sa ating lahat ang katotohanang dapat malaman natin na tayo ay magkakapatid sa kanya, iisang pamilya sa Diyos na ating Ama.

Sa tuwing sinisira natin ang ating mga ugnayan bilang magkakapatid, sa kada pagbale-wala natin sa bawat tao na tinuturing bilang kasangkapan at gamit para sa sariling kaluguran at kapakinabangan ng walang pag-galang at pagmamahal, doon tayo nagkakasala dahil pinuputol natin ating mga ugnayan.

Madalas, iyan ang hindi natin alam kapag ating inaabuso ating tungkulin at kapangyarihan na dapat ay pangalagaan kapakanan lalo ng mga maliliit at mahihina.

Nagkakasala tayo at hindi natin alam ating ginagawa kapag ating nilalapastangan ating mga magulang lalo na kapag matanda na at mahina o hindi makarinig; kapag sinasaktan ating mga kapatid sa masasakit na pananalita at ating pilit ibinababa kanilang pagkatao.

Larawan kuha nina Teresa at Luis sa Pexels.com

Hindi rin natin alam ating ginagawa sa tuwing tayo ay sumisira sa pangakong magmahal sa asawa at kasintahan, kapag tayo ay nagtataksil o nagbubunyag ng sikretong ipinagkatiwala sa atin at tayo ay nagiging plastik sa harap ng iba.

Pinakamasaklap sa mga hindi natin nalalaman ating ginagawang masama ay kapag nawalan tayo ng pag-asa at kumpiyansa sa mga mahal natin sa buhay kaya sila ay atin pinababayaan, ni hindi pinapansin o bigyang-halaga dahil sa paniwalang hindi na sila magbabago pa ng ugali o hindi na gagaling pa sa kanilang sakit at karamdaman lalo na kung matanda na at malapit nang mamatay.

Ngayong mga Mahal na Araw, isipin natin mga tao na ating nasaktan sa ating salita man o gawa dahil ating nalimutan o kinalimutan ituring kapatid at kapwa.

Sinu-sino din ang mga tao na nagpapasakit sa ating kalooban dahil hindi nalalaman kanilang ginagawa? Manalangin tayo:

Ipagpatawad po ninyo,
Panginoong Jesus
aking pagpapako sa iyo muli sa krus
sa tuwing hindi ko nalalaman
aking ginagawa,
kapag aking nililimot at tinatalikuran
itong pangunahing katotohanan
na igalang at mahalin bawat kapwa;
ipinapanalangin ko sa Iyong habag at awa
mga tao na aking sinaktan at tinalikuran
lalo na yaong mga binigay mo sa akin
tulad ng aking pamilya at kaibigan
at mga dapat pangalagaan;
ipinapanalangin ko rin sa Iyo,
O Jesus, yaong mga nanakit sa aking
damdamin, tumapak at yumurak
sa aking pagkatao na hanggang ngayon
aking pa ring ibig paghigantihan.
Panginoong Jesus,
huwag ko nawa malimutan
na kami ay magkakapatid,
magkakaugnay
sa iisang Ama
na siyang sinasagisag
ng Iyong Krus na Banal.
Amen.

Leave a comment