Ang masamang simoy ng hangin tuwing Pasko

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Huwag sanang masamain itong aking lathalain tungkol sa isang hindi magandang gawain tuwing panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus nating mahal. Totoong sa panahong ito na malamig ang simoy ng hangin at dama ang tuwa at kagalakan ng lahat saanman ngunit mayroong ilan na hindi maganda ang mga nasa loobin at damdamin.

Tunay nga na ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigay ng dakilang handog ng Diyos sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak kung kaya tayo man ay tinatawagang magbahagi ng biyaya at pagpapala Niya sa ating kapwa; ngunit, hindi nangangahulugang sasamantalahin natin ang panghihingi kaninuman. Hindi naman malaking bahagi ng Kapaskuhan ang panghihingi kumpara sa gampaning magbigay at magbahagi.

Gayun din naman, sakaling tayo ay manghihingi, ito ay dapat sa diwa pa rin ng ginawang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak sa atin. Alalaong baga, lagi nating isaalang-alang ang pagmamahal o charity sa tuwing tayo ay hihingi. At mamamasko. Magbigay man o manghingi, Pasko man o hindi, dapat si Kristo ang batayan ng ating gawain.

Dalawang bagay ang ibig kong ibahagi.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Una ay dapat nating alalahanin na kusa ang pagbibigay at pagbabahagi. Huwag tayong namimilit sa panghihingi. Mayroong mga iba na kung makahingi at mamasko ay parang may pinatago. Higit sa lahat, akala mo obligasyon ng lahat ng hingian ay magbigay!

Minsan nakita ko post ng isang kaibigan naninirahan sa Canada. Tahasan niyang sinabi sa kanyang post sa Facebook na huwag na siyang anyayahan maging “friend” kasi malulungkot lang sila. Paliwanag ng kaibigan ko palagi na lang daw kasunod ng pag-anyaya sa kanya sa Facebook ay, “mare, pahiram naman…”

Juice colored! Akala ko ako lang ang ginaganoon! At lalong nagulat ang kaibigan ko na pati daw ba ako ay hinihingian? E oo ika ko. Gusto pa nga ng iba ay G-cash e wala naman akong ganun.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Hindi lahat ng tao ay nakaluluwag sa buhay. At kung sakali mang sila ay nakaririwasa, hindi ito dahilan para sila ay hingan. At hingan ng hingan.

Aaminin ko sa inyo na talamak ito sa mga taong-simbahan na wala nang ginawa kungdi manghingi nang manghingi.

Tanungin ninyo kung ano kanilang naibigay pati ng kanilang pari, wala. Ni panahon hindi makapagbigay, ni ayaw magmisa, hindi mahagilap at kung makahingi, wagas. At may presyo pa!

Higit sa lahat, yung iba nananakot pa kung hindi magbibigay ay baka daw “malasin”. Sila na rin ang sumalungat sa turo na walag suwerte suwerte sa pananampalataya dahil lahat ay pagpapala.

Pakaisipin din sana natin ngayong panahon ng Kapaskuhan lalo na marahil ay mayroong “favorite charity” o mga sadyang binabahaginan at tinutulungan ang marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nakaluluwag sa kabuhayan. Maging ang Panginoong Jesus ay hindi naman pinagbigyan ang lahat ng lumapit sa kanya noon.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Ikalawa, maging magalang sa panghihingi. Nakalulungkot kasi na maraming tao ngayon ang hindi na yata marunong mahiya sa panghihingi. Wala man lamang pagpipitagan. Gaya nga ng daing ng kaibigan ko, akala mo makikipag-kaibigan pero iba pala ang layon.

Ito yung mga text na bitin tulad ng “Pare…” o kaya ay “mare”. Sinasabi ko yan maski sa mga kakilala ko. Huwag na huwag kayong magtetext ng bitin. Yun bang akala mo mayroong masamang nangyari kaya ikaw naman biglang titingin sabay text ulit ng humihingi ng pabor.

Pasensiya na po. Ang tawag doon ay “kawalan ng modo.” Kabastusan.

Laganap ang sisteng ito sa internet lalo na noong 2020 nang kasagsagan ng COVID pandemic at lockdown. Noong Kapaskuhan noon, mayroong nagtanong sa akin na tama daw ba iyong gawain ng ilang inaanak na namamasko at sinasabing i-Gcash na lang kanilang aguinaldo?

Sabi ko ay hindi. Iyon ika ko ay kawalan ng paggalang. Pang-aabuso. Walang pinagkaiba sa holdap.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Muli, walang obligasyon ang sino man na magbigay at magregalo kanino man kahit kailan. Kusa ang pagreregalo. Higit sa lahat, ang regalo ay tanda ng pagkatao ng nagbigay. Kung ipipilit ang panghihingi ng tulong o abuloy o regalo, samakatwid, kinalimutan ang pagkatao ng hinihingian.

At iyan ang mabahong simoy ng Pasko.

Pumarito si Kristo at nagkatawang-tao katulad natin upang ipakita sa atin ang ating dangal bilang tao. Na ang daan sa pagiging katulad ng Diyos na banal ay sa pagpapakatao. Kung ang tuon ng pansin ngayong Pasko ay ang regalo, abuloy, o tulong na makakamit, ibig sabihin wala ang diwa ni Kristo sa nanghihingi.

Ituring na lang silang mga tulisan o mga mapagsamantala sa pagkakataon. At sana ay maimulat din sa tunay na diwa ng Pasko, ng pagbibigay at panghihingi. Simple lang naman ang paanyaya ng Diyos sa atin na ibahagi si Kristo araw-araw sa ating pagmamahal at paglilingkod ano mang panahon. Higit sa mga pera at bagay na kaloob ay ang sariling pagkatao. Nawa ay maging makabuluhan at kaaya-aya ang inyong Kapaskuhan!

One thought on “Ang masamang simoy ng hangin tuwing Pasko

Leave a comment