Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Nobyembre 2023

Noong ako ay bagong pari, maraming pagkakataon na para ako nahihiya o nababagabag kapag iyong aking dinalaw na may sakit ay pumanaw pagkaraan ko siya pahiran ng Banal na Langis. Binibiro kasi ako palagi ng mga tao na huwag ko silang dadalawin kapag sila ay nagkasakit dahil sa halip na mabuhay pa, baka sila ay mamatay kaagad.
Napawi na lamang aking pagkabagabag nang ipaliwanag sa akin ng dati kong kura, ang yumaong Padre Nanding Ersando na ikagalak ko raw kung pumanaw ang pinahiran ko ng Banal na Langis dahil nakapaghatid ako ng kaluluwa sa langit.
Kaya mula noon ay iyon na aking pinanghawakan lalo na ngayong naglilingkod ako bilang chaplain sa Fatima University Medical Center sa Valenzuela kung saan kada araw ng Linggo ay dinadalaw ko lahat ng pasyente pagkaraan ng Banal na Misa. Madalas sinasabi sa akin ng mga duktor at nars kapag mayroong pumapanaw na “hinintay lang po kayo, Father” kasi matapos ko silang pahiran ng langis o bigyan ng komunyon, bigla silang pumapanaw kahit wala sa ICU.
At nakapagtataka rin naman na sa tuwing mayroong hihiling ng dasal, kumpisal at pagpapahid ng langis, palagi naman ako ay naririto. Bihirang-bihira na mayroong magrequest ng sick call na ako ay wala. Kung sakali mang wala ako sa ospital o pamantasan, tiyak aabutan ko pa ang pasyente pagdating ko at saka papanaw.
Para sa akin, ang mga ito ay malinaw na pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa atin na palagi niyang tinitiyak sa langit tayo uuwi sa kahuli-hulihan. Kaya sigurado din ako, mas maraming namamatay ang sa langit napupunta o kaya sa purgatoryo muna kesa sa impiyerno maliban na lamang talaga na ayaw ng sino man sa Diyos. Mismo si Jesus ang nagsabi noon:
“Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw.”
Juan 6:37-39

Hindi tatawag ang Diyos ng sino mang hindi handa. Maski ito sa mga namatay ng biglaaan at sa aksidente. Kaya nga sa mga lamayan, madalas makuwento ng mga kaibigan at kaanak kung paanong tila nagpapaalam o naghahabilin ang namatay ilang araw o linggo bago siya pumanaw.
Tayo mismo makakaramdam kung tayo ay papanaw na dahil iyon ay biyaya na kaloob ng Diyos. Totoong totoo ito sa mga nakaratay sa banig ng karamdaman, iyong mga mayroong malubhang sakit (https://lordmychef.com/2023/11/08/giving-permission-to-die/).
Gayon pa man, isa pa ring malaking hiwaga ang kamatayan na kung saan sadyang ang Diyos lamang ang nakababatid kailan darating kanino man. Kaya naman, ang kahalagahan ng pamumuhay ng tunay at ganap palagi sa pag-amin at pagtanggap ng ating pagkatao, kasama na ating mga pagkakasala sa isa’t isa.
Isang bagay napagtanto ko sa buhay na kung kelan natin tanggap na tanggap ang mabuhay, doon din natin natatanggap ang mamatay. Kadalasan takot tayong mamatay kasi marami tayong dapat gawin na hindi pa natin ginagawa o palaging ipinagpapaliban. O, hindi matanggap.
Mahirap kapag marami tayong mga bagahe na dala-dala sa buhay. Mabigat at maganit ang buhay. Walang tuwa at kaganapan. Pero kung mga ito ay ating haharapin at bibitiwan, doon tayo namumuhay ng tunay at ganap kaya sa mabuhay at mamatay, hindi na mahalaga sa atin gaya ng pahayag ni San Pablo (Fil. 1:21-23). Kung saan mayroong kaganapan, naroon ang Diyos, naroon din ang katiwasayan at kapayapaan. Kapag walang kaganapan, tiyak naroon ang mga takot at panghihinayang. Mahirap at mabigat.

Ang langit, maging impiyerno, ay hindi lamang lunan kungdi katayuan sa buhay, kundisyon o sitwasyon. Kung habang tao nabubuhay at dama nating langit ang buhay sa kabila ng mga pasakit, langit nga ang tungo natin kapag namatay. Ngunit kung habang tayo ay nabubuhay at pakiramdam ay impiyerno ang buhay, kahit maraming pera at karangyaan, mga kaibigan at kung sinu-sino kasama natin, impiyerno nga ating tutunguhan.
Ang mabuting balita ay ito: nasa kamay natin ang pagpapasya. Lahat ay ibig pumunta sa langit ngunit, nakahanda ba tayo sa mga bagay-bagay, maging mga tao at kung sinu-sino na kaya nating talikuran at iwanan upang magkaroon ng kapayapaan at katiwasayan sa kalooban?
Madaling sabihin ngunit sa aking napagtanto, ang buhay ay araw-araw na munting pagkamatay sa ating sarili hanggang sa tayo ay masaid at mapuno ng Diyos. Iyon ang kabanalan – mapuno, mapuspos ng Diyos. Hindi ng mga bagay-bagay at kung sinu-sino. Kaya sa kahuli-hulihan, kapag nalagot na ating mga hininga at tayo ay pumanaw, doon na rin ang kaganapan ng pagpasok natin sa langit. Mapagpalang araw sa iyo, Bai!
*Narito isang awit na paborito ko noong dekada 90 mula sa AfterImage.
One thought on “(Bai) Sa langit ang ating tagpuan”