Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may-akda, Ikatlong Linggo ng Kuwaresma 2019.
Ang kuwento noong Linggo ng babaeng Samaritana at ni Hesus sa balon ni Jacob ay larawan ng buhay natin na hitik sa mga palatandaan napakayaman sa kahulugan.
Tayo ang Samaritana umiigib sa tuwina banga ay dala-dala upang sumalok ng tubig na papawi sa maraming nilulunggati nauuwi sa pagiging sawi; palaging ubos, hindi sumapat upang maampat pagbuhos at pagtapon ng inigib na tubig upang matighaw maraming pagka-uhaw; palibhasa laman nitong ating banga ay mga kasalanan kaya sa katanghaliang-tapat tayo ma'y sumasalok gaya ng Samaritana upang ikubli sa mga mata ng iba ating pagkakasala.
O kay ganda marahil
katulad ng Samaritana
matagpuan sa katanghaliang
tapat itong si Hesus
pagod at naghihintay
sa ating pagdating
upang tayo ang kanyang
painumin ng mga salitang
nagbibigay buhay
at tunay na tumitighaw
sa lahat ng ating pagka-uhaw;
panalok ng Panginoon
ay sariling buhay
sa atin ay ibinigay
doon sa Krus nang
kanyang ipahayag
siya man ay nauuhaw,
isang magnanakaw
kasama niyang nakabayubay
doon din sa krus
sa kanya ay nakiinom
sa Paraiso humantong!
Itong balon ni Jacob
paalala ng matandang tipan
binigyang kaganapan ni Hesus
nang ipako siya sa krus
noon ding katanghaliang tapat
ng Biyernes Santo;
sa kanyang pagkabayubay
at pagkamatay sa krus
siya ang naging balon
at panalok ng tubig
na nagbibigay-buhay
dito na sa ating puso at
kalooban bumabalong;
kung sa bawat pagkakataon
tayo ay tutugon
sa kanya doon sa balon,
atin ding mararanasan
at malalaman na sadyang higit
at di malirip ang tubig niyang bigay
sinalok ng sariling buhay
upang tayo ay makapamuhay
ng walang hanggan! Amen.