Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Disyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, oras ng pagninilay sa kapilya ng mga teologo, ICMAS, Oktubre 2020.
O Diyos na mahabagin Ako sana’y Iyong dinggin Sabi mo ikaw ay darating Bakit parang ako’y Iyong iniwan, nakabinbin?
Katulad ng mang-aawit
araw gabi ako tumatangis
ninanamnam mga salita mong matamis
sa paglipas pumapait dahil
sa mga butil ng luhang walang tigil.
Kay dilim ng aking paningin
sana mga ito ay pangitain
sa isang panaginip
na ibig ko nang magising
sana ikaw Panginoon aking kapiling.
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa Silang, Cavite noong 20 Setyembre 2020.
Ano pa nga ba dapat kong gawin
upang huwag maging mainipin
sinasarili mga daing at hinaing
sa Iyo lamang sinasabi
waring ako'y napakagaling.
Pumarito ka na, Panginoon
iyong madaliin; punitin yaring tabing
ako’y iyong dukwangin
at sagipin mula sa mga ngipin
at pangil pinalalala nitong Covid-19!
Kung minsan mas mainam pa rin
pananahimik at pakikinig
sa panaghoy at alalahanin
ng sino mang mayroong tiisin
dahil maging ang Panginoon, nananahimik din.
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa likod ng parokya, Hulyo 2020.
Sana aming mapagtantong totoo
sa gitna ng lahat ng ito
narito ka Panginoong Jesu-Kristo
naunang dumating, upang lahat
ay tiisin at batahin para sa amin.
Kung tutuusin lila ang kulay
nitong Adbiento upang ilahad
pag-aagawan ng liwanag at kadiliman
tanda ng Iyong pagdating,
nagkukubli ng tahimik doon sa sulok na madilim.
Itulot po Ninyo, Panginoon
na huwag kaming mainipin
manatiling gising at matiyagang manalangin
mamunga ng mabubuting gawain
upang sa pagtingin, ikaw masilayan namin!
Larawan kuha ng may-akda, tabernakulo ng parokya, Panahon ng Adbiento 2020.