Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Oktubre 2019
Mula sa Google.
Todos los Santos na naman at kay laking kabaligtaran naka-ugalian ng karamihan ipagdiwang mga aswang at katatakutan sa halip na mga banal at kanilang kabutihan.
Dati-rati nama'y hindi laganap sa ating kapuluan banyagang kaugalian pagdiriwang ng Halloween na nasira tunay na kahulugan sa kaisipan ng mga makamundong taga-kanluran.
Halloween ang taguring na nagmula sa pinagsamang "hallowed evening" na kahuluga'y "gabi ng mga banal" ngunit pilit binabalikan ng mga hangal maling paniniwala noon pa napasinungalingan.
Akala ng mga paganong Druids ng Scotland at Wales sa Bretanya noong unang-una lumilitaw sa lupa tuwing katapuasan ng Oktubre mga impakto at masasamang espiritu upang makabihag ng mga tao.
Nagdaramit sila at nag-aayos na nakakatakot parang multo, kamukha ng mga lamang lupa sa paniniwalang malilito mga impakto na sila'y kasamahan kampon ng kadiliman at kasamaan kaya sila iniiwan at hindi sinasaktan.
Maraming Kristiyano hindi ito nalalaman ni nauunawaan nakalimutan pangunahing katotohanan ating pinananaligan nang pumarito si Hesu Kristo, kanya nang tinalo kapangyarihan ng demonyo nang pumaroon siya sa dako ng mga yumao.
Nang mabuhay mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo napanibago niya buong sangnilikha higit sa lahat, muli nating nakamukha Diyos Ama sa ati'y lumikha, tiniyak ating tahahanan sa piling niya sa kalangitan.
Bakit nga ba ikaw, Kristiyano ang siya pa ngayong lito at sadyong lilo mas ibig pag makamukha mga impakto at demonyo nakukuha pa ninyong matuwa at ikagalak mga anak ninyong mukhang tiyanak?!
Akala ba ninyo demonyo ang mga nalilito sa inyong pagbibihis at pag-aanyong multo? Hindi ba ninyo batid kayo ang nalilinlang sa pagdaramit at pag-aayos ng hunghang at magtataka pa kayo asal ng inyong anak parang animal?
Madalas kay hirap unawain mga gawi natin na katakutan kabutihan at katuwaan ang kasamaan; sadya nga bang atin nakalimutan dakilang karangalang tayo'y nilalang katulad at kawangis ng mabuting Maykapal?
Diyos ang kamukha natin kanyang liwanag sana'y mabanaagan din sa atin upang maghatid ng kagalakang bumubukal sa malinis at magandang kalooban lipos ng kabanguhan ng kabutihan at kadalisayan.