Skip to content
Unknown's avatar

  • Home
  • Contact
  • Archives

Tag: Undas

Sa buhay at kamatayan, bulaklak nagpapahayag ng buhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Oktubre 2024
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

“Say it with flowers” ang marahil isa na sa mga pinakamabisa at totoong pagpapahayag ng saloobin sa lahat ng pagkakataon. Wala ka na talagang sasabihin pa kapag ikaw ay nagbigay ng bulaklak kanino man. Ano man ang okasyon. Buhay man. O patay na.

Mababango at makukulay na bulaklak. Mas maganda at mas mahal, pinakamabuti lalo’t higit kung ibibigay sa sinisinta upang mabatid nilalaman ng dibdib ng isang mangingibig.

Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.

Sa buong daigdig, nag-iisang wika at salita ang mga bulaklak na ginagamit upang ihatid ang tuwa at kagalakan sa sino man nagdiriwang ng buhay at tagumpay, maging ng kagalingan at lakas sa may tinitiis na sakit at hilahil. Sari-saring kulay, hugis at anyo, iisa ang pinangungusap ng bulaklak sa lahat ng pagkakataon, buhay at kagalakan at kaisahan ng magkakaibigan at magkasintahan, mag-asawa at mag-anak, magkaano-ano man.

Marahil kasunod nating mga tao, ang mga bulaklak na ang pinakamagagandang nilikha ng Diyos upang ipadama at ilarawan sa atin Kanya at maging atin ding katapatan at kadalisayan ng loobin at hangarin. Alalahanin paalala ni Jesus sa atin, “Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya” (Mt. 6:28, 29).

Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.

Kapag ako ay nagkakasal, palagi kong ipinaaalala sa magsing-ibig ang kahulugan ng maraming gayak na bulaklak sa dambana ng simbahan na nagpapahiwatig ng larawan ng Paraiso.

Alalaong baga, bawat Sakramento ng Kasal ay “marriage made in heaven” – malayang ginawa at pinagtibay ng magsing-ibig sa harap ng Diyos at ng Kanyang Bayan sa loob ng simbahan. Kaya wika ko sa kanila, ipagpatuloy ang pagbibigay ng bulaklak sa maybahay kahit hindi anibersaryo, lalo na kapag mayroon silang “lover’s quarrel” bilang tanda ng “ceasefire”.

Kaya naman maski sa kamatayan, mayroon pa ring mga bulaklak na ibinibigay tanda hindi lamang ng pagmamahal kungdi ng pag-asa na harinawa, makapiling na ng yumao ang Diyos at Kanyang mga Banal sa langit. Gayon din naman, dapat katakutan ng sino mang buhay pa ang padalhan ng korona ng patay o bulaklak sa patay dahil babala ito ng masamang balak laban sa kanyang buhay.

Lamay ni Mommy noong Mayo 7, 2024; paborito niya ang kulay pink at bulaklak na carnation.

Dagdag kaalaman ukol sa mga bulaklak sa patay: isang dahilan kaya pinupuno ng maraming mababangong bulaklak ang pinaglalamayan ng patay ay upang matakpan masamang amoy ng yumao dahil noong unang panahon, wala pa namang maayos na sistema ng pag-eembalsamo maging ng mga gamot para ma-preserve ang labi ng yumao. Kapansin-pansin ngayon lalo sa social media kapag mayroong namamatay, ipinapahayag ng mga naulila na huwag nang magbigay o mag-alay ng mga bulaklak bagkus ay ibigay na lamang sa favorite charity ng yumao. Kundangan kasi ay malaking halaga ng pera ang magagarang bulaklak sa patay; kesa ipambili yamang malalanta rin naman, minamabuti ng mga naulila ng yumao na mag-donate na lamang sa favorite charity ng pumanaw nilang mahal sa buhay.

Marahil ay hindi ito matatanggap hindi lamang ng mga Pilipino kungdi ng karamihan ng tao sa buong mundo; higit pa ring napapahayag ang pakikiramay at pagmamahal sa namatay at mga naulila sa pamamagitan ng bulaklak dahil malalim na katotohanang taglay ng mga ito.

Larawan kuha ng may-akda, 2018.

Tuwing Sabado Santo noong nasa parokya pa ako, gustung-gusto ko palagi sa aming umagang panalangin (lauds) na ipinahahayag iyong tagpo ng paglilibing kay Hesus.

Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus (Juan 19:41-42).

Inilibing si Jesus sa may halamanan, garden sa Inggles. Nagpapahiwatig muli ng Paraiso, hindi ba.

Kay sarap namnamin ng tagpo ng Pasko ng Pagkabuhay ni Jesus doon sa “halamanan” na muli ay paalala sa atin ng “return to Paradise”, “return to Eden” ika nga. Kaya nang lapitan ni Jesus si Magdalena nang umiiyak dahil wala ang Panginoon sa libingan, napagkamalan niya si Jesus bilang hardinero.

Larawan kuha ng may-akda, halamanan sa St. Agnes Catholic Church, Jerusalem, Mayo 2017.

Noong Martes, sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang paghahari ng Diyos ay “Katulad ng isang butil ng mustasa na itinamin ng isang tao sa kanyang halaman” (Lk.13:19).

Bawat isa sa atin ay halamanan ng Diyos, a garden of God. A paradise in ourselves.

Maraming pagkakataon pinababayaan natin ating mga sarili tulad ng halamanang hindi dinidilig ni nililinang. Kung minsan naman, hindi nating maintindihan sa kabila ng ating pangangalaga, tila walang nangyayari sa ating sarili, tulad ng halamanang walang tumubo o lumago, mamunga o mamulaklak sa kabila ng pagaasikaso?

Nguni’t maraming pagkakataon din naman na namumulaklak, nagbubunga tayo tulad ng halamanan dahil ang tunay na lumilinang sa atin ay ang Panginoong Diyos na mapagmahal!

Ilang araw pagkaraan ng Pasko nang kami’y magtanghalian ng barkada, 2023.

Noong Disyembre 2022, umuwi isa naming dating teacher at kaming magkakaibigan ay nagsama-sama para sa isa pang dati naming kasama sa ICSM-Malolos, si Teacher Ceh.

Umuwi siya mula Bahrain noong 2020 dahil sa cancer at sumailalim siya ng chemotherapy.

Dahil Pasko, niregaluhan ko siya ng orchid.

Enero 2023 namasyal kami sa Tagaytay at napakasaya namin noon. Gustung-gusto niyang pinupuntahan ang Caleruega tuwing umuuwi siya mula Bahrain kung saan siya nagturo matapos mag-resign sa aming diocesan school.

Ang akala namin ay papagaling na si Teacher Ceh at dadalas na aming pagkikitang magkakaibigan mula noong simula ng 2023. Pagkatapos ng huli niyang chemotherapy noong Setyembre, nabatid na mababagsik kanyang cancer cells at hindi nagtagal, pumanaw si Teacher Ceh noong ika-16 ng Oktubre 2023.

Larawan kuha ng may-akda, 16 Oktubre 2024.

Isang araw bago sumapit kanyang babang-luksa, ibinalita sa amin ng kanyang Ate na umuwi mula Amerika na buhay at namumulaklak ang bigay kong orchid kay Teacher Ceh. Dinala niya ito nang magmisa ako sa kanyang puntod kinabukasan para sa kanyang ibis luksa.

Laking tuwa namin sa gitna ng nakakikilabot na pagkamangha nang makita naming magkakaibigan ang regalo kong orchids kay Teacher Ceh.

Isa’t kalahating taon pagkaraan naming huling magsama-samang magkakaibigan, isang taon makalipas ng kanyang pagpanaw, buhay at namulaklak pa rin ang orchid kong bigay sa kanya na tila nangungusap na masayang-masaya, buhay na buhay si Teacher Ceh doon sa langit!


Sa aking silid; bigay lamang po iyang halaman na iyan at di ko alam pangalan.

Ako man ay nagtataka. Kung kailan wala na aking Mommy, saka ako nakakabuhay ng mga halaman. Green thumb kasi si Mommy.

Kahit maliit lamang aming lupain, sagana siya sa pananim mula sa mga rosas at orchids, cactus at mga mayana, mga sari-saring halaman sa paso maging papaya, atis, langka, pati kamote at sili sa gilid ng bahay namin ay mayroon siya.

Ito yung flower vase ng mga napatay kong waterplant sa dati kong assignment; ayaw ko sanang dalhin sa paglipat dito sa Valenzuela pero awa ng Diyos, buhay pa halaman mula 2021.

Nakakatawa, ako hindi makabuhay ng halaman. Muntik pa akong bumagsak ng first year high school sa gardening kasi hindi ako makabuhay ng ano mang panananim maliban sa kamote. Sabi ni Mommy sa akin noon, kapag iyong kamote hindi ko pa nabuhay, ako ang talagang kamote!

Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, nakakadalaw pa siya at simba sa amin noon tuwing Linggo. Ipinagyabang ko sa kanya mga alaga kong water plants sa kuwarto ngunit pagkaraan ng ilang buwan, namatay mga iyon. Sabi niya ulit sa akin, “ano ka ba naman anak, water plant na lang napapatay mo pa? Masyadong mainit iyong mga kamay,” aniya.

Hoya daw ito na nakuha ko noong aking personal retreat sa Sacred Heart Novaliches noong 2022; buhay pa rin hanggang ngayon sa aking banyo.

Isang bagay nakalimutan kong sabihin kay Mommy bago siya mamatay ay nakakabuhay na ako ng water plant sa kuwarto ko sa bago kong assignment sa Fatima Valenzuela.

Ako ay nagugulat sa sarili ko ngunit ngayon ko lamang napagnilayan nang makita ko ang orchids na regalo ko kay Teacher Ceh: apat na taon nang buhay aking mga water plant sa kwarto mula nang malipat ako dito noong 2021.

Hindi ko rin alam pangalan ng halamang ito na bigay sa akin pero nakapagpatubo na ako ng isa pa niyang sanga nasa aking office sa University; yung orchids bigay sa akin noong Abril, wala nang bulaklak pero buhayn pa rin. Himala!

Parang sinasabi sa akin ng mga alagang kong water plant na marahil, buhay na buhay at tuwang tuwa na rin si Mommy at nakabuhay ako ng halaman.

Kasi sabi niya kasi sa aking noong maliit pa ako, dapat daw marunong akong mag-alaga ng halaman at hayop dahil tanda raw iyon na makakabuhay na rin ako ng tao.

Siguro nga. Kaya ko nang mabuhay maski wala na siya, paalala marahil nitong aking mga halaman. Flowers for you, kaibigan.

lordmychef abundance in God, death, Filipino, First Person Account, flowers, Funeral, halloween, life, love, Nature/Environment, plants, reflection, relationships, tagalog, Undas 1 Comment October 31, 2024October 31, 2024 6 Minutes

Lihim ng mga pamahiin sa lamayan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Oktubre 2024
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.

Heto na naman ang panahon ng maraming pagtatanong at pagpapaliwanag sa ating mga pamahiin ukol sa paglalamay sa mga patay. Matagal ko nang binalak isulat mga ito nang mamatay aking ama noong taong 2000.

Biglaan ang kanyang pagpanaw noon. Katunayan, madaling araw ng kaarawan ni Mommy, ika-17 ng Hunyo 2000. Dalawang taon pa lamang akong pari. Nasunod ang aming mga kamag-anak na sa aming tahanan paglamayan si Daddy. At noon pinuna ng ilang matatanda ang aking kawalan ng kaalaman sa maraming pamahiin at kaugalian tuwing mayroong paglalamay sa patay.

Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Retreat House, Tagaytay City, Agosto 2024.

Napuna noon ng nanay ng isang kaibigan na naghahatid ako ng mga panauhin matapos makiramay sa amin. Wika niya sa akin, “alam ko” aniya, “marami kayong alam at napag-aralan, Father; hiling ko lang po sana sa inyo na igalang pamahiin naming matatanda ukol sa lamay ng patay… masama ang naghahatid ng mga nakikiramay.”

Humingi ako ng paumanhin at iyon ang una kong aral sa mga pamahiin lalo sa probinsiya – pag-galang at respeto. Huwag nating pagtawanan kanilang pamahiin at kaugalian bagkus pagnilayan, pag-aralan at tuntunin pinagmulan ng mga iyon. Higit kong naunawaan ang mga ito sa aking pagtanda lalo nang pumanaw si Mommy nitong nakaraang Mayo. Ito po ay aking sariling pagsusuri, opinyon na maaring tama o mali. Kayo na ang tumimbang kung tatanggapin at paniniwalaan.

Bago po ang lahat, ibig kong bigyang pansin ang salitang ginagamit na “bawal” at “masama” tulad ng “bawal ang ganito, masama ang ganire”. Iisa lang kahulugan nito sa ating mga Pinoy. Dito ating makikita ang positibong katangian natin na magkasing-kahulugan ang bawal at masama kasi “ano mang bawal, tiyak masama”! Kaya, heto na po ang ilang mga pamahiin at aking paliwanag na marahil na dahilan o pinagmulan:

Bawal o masama magpasalamat sa mga nakikiramay ang namatayan. Ito palagi sinasabi sa akin ng mga nakiramay sa amin noong mamatay aming mga magulang. Hindi ko talaga maintindihan.

Tanging sumasagi sa aking isipan ang kasabihan na ang “paglalamay lamang ang hindi pinangungumbida.” Alalaong-baga, sa amin sa probinsiya, masusukat ang husay at kabutihan ng sino man sa kanyang pagpanaw: kung maraming makipaglamay at makiramay, siya ay mabuti; kung kakaunti, marahil hindi siya ganoong kabuti. Kaya walang dapat ipagpasalamat sa mga nakiramay dahil binabalik lamang nila kabutihan ng namatay.

Ngunit nang pumanaw si Mommy noong Mayo, noon ko higit naintindihan ito di lamang mas matanda na ako kungdi dahil marami na akong pinakiramayan bilang pari. Ayaw ng mga panauhin sila ay pasalamatan dahil ang kanilang pakikiramay ay pagbabalik ng kabutihang ginawa di lamang ng pumanaw kungdi pati ng mga naulila tulad ko na pari.

Larawan kuha ng ni G. Noli Yamsuan, Manila Cathedral, 2010.

Palaging sinasabi ng mga nakikiramay maging ng mga paring dumalaw sa amin kung paano ako noong sila’y nagdadalamhati ay akin ding sinamahan sa pagdiriwang ng Banal na Misa o maski pagbabasbas lamang. Kinuwento ng marami sa kanila kung paanong di nila malimutan mga iyon, pati na rin nang dalawin ko at dasalan kanilang mahal sa buhay habang may karamdaman.

Kay tamis maalala na di nila kinalimutan pakikiramay ko noon. At wala nang higit pang tatamis itong aking naranasan pagkamatay ni Mommy, sumunod kanyang nakatatandang kapatid. Nalaman ng ilan kong dating parokyano at kusa din silang nagtungo sa lamay ng aking Tita. Nagulat mga pinsan ko nang sila ay magpakilala at ang sabi daw sa kanila, “naku, si Father pinuntahan lahat ng aming mga patay kaya kami narito ngayon.”

Hindi naman sa sinusuklian ating kabutihan kungdi patunay ito na hindi nalilimutan ng mga tao ating pakikiramay sa pagpanaw ng mahal nila sa buhay; dala-dala nila ito palagi at kinukuwento sa mga bata kung paanong dumamay mga tao sa kanilang pighati. Sakaling mayroong kaaway o kaalitan ang pumanaw, doon din nakikilala kabutihan ng sino man. Marami akong napansin mga kamag-anakan lumalambot ang kalooban kapag nagpunta at nakiramay nakaalitan ng kanilang pumanaw subalit, kung magmatigas yaong kaaway at ni hindi man lang sumilip sa lamay lalo na kung kababaryo, itaga mo sa bato, sasabihin ng mga kaanak sadyang masama iyan.

Kaya, bukod sa hindi sinasabi ang “salamat” sa lamayan, laging pakatandaan sa ating mga Filipino, ang pakikiramay ang isa sa mga pinakamagandang paraan ng pakikipag-kapwa tao dahil hanggang kamatayan, laan tayo makipag-ugnayan.

Larawan kuha ng may-akda, Agosto 2024.

Bawal o masama maghatid ng mga nakiramay. Nakakatawa po ito nguni’t tunay na tunay lalo sa aking karanasan. Hindi na dapat maghatid sa mga nakiramay ang namatayan dahil maraming maraming iba pang dumarating na panauhin at baka ikaw lang ang nakakakilala sa kanila.

Alam naman ninyo tayong mga Pinoy: sasakay na lang o nakasakay na nga sa kotse, hindi pa matapos ang mga kuwentuhan natin! Kaya kung maraming nakikiramay at isa isang ihahatid mga nagpapaalam, wala nang makapag-eestima sa mga dumarating na iba pa. Praktikal ang pamahiing ito.

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.

Bawal o masama magbaon ng pagkain at inumin mula sa lamay. Nakakatawa din ito. Ngunit gaya ng bawal na paghahatid sa mga nakikiramay, praktikal ang pamahiing bawal mag-uwi ng pagkain at inumin mula sa lamay.

Nang mamatay si Mommy noong Mayo, dalawamput-anim na taon na akong pari, matagal na ring nagsipagtrabaho mga kapatid ko at marami na ring kaklase at kaibigan mga anak nila. Sa dami ng aming mga nakilala, lahat dumarating para makiramay. Bagamat marami ang mayroong bigay ding pagkain at inumin sa kabila ng saganang handa naming pagkain na pina-caterer pa, may isang gabing halos kinapos aming handa kaya nagpabili pa ng lechon manok kapatid ko!

Kung bawat bisita ay mag-uuwi nga naman ng mamon o magsha-Sharon Cuneta ng lumpiang shanghai at iba pang ulam, mauubos ang pagkain at baka walang maihain sa mga darating iba pa lalo na kung hating gabi na. At iyan ang tunay na masama sa paguuwi ng pagkain at inumin mula sa patay: nauubusan mga maglalamay!

Dagdag kuwento: ayaw na ayaw iyan ng aking kasambahay noon na si “Manang” sa aming kumbento. Hindi niya kinakain mga “take home” sa akin at madalas, pinamimigay pa niya sa iba. Masama daw baka ako magkasakit. Pero, kapag kakaiba at masarap mga pagkaing uwi ko mula sa lamayan lalo ng mga rich at showbiz friends ko, okey lang sa kanyang kainin mga iyon! Ano nga ba masama? Wala maliban sa ating nabanggit na dahilan.

Larawan kuha ng may-akda, Nagsasa Cove, San Antonio, Zambales, 19 Oktubre 2024.

Bawal o masama maligo kapag mayroong patay. Siyempre! Puyat kasi tayo sa paglalamay kaya dapat magpahinga muna saka maligo. Iyon lang iyon.

Noong Hunyo, isang dating kasamahan kong DJ sa GMA7 namatay ang ina. Matapos akong magmisa at nang magpapaalam na, tinanong niya ako ng seryoso: talaga daw bang hindi pa siya puwedeng maligo?

Nakupo! Kaya pala kako tumutubo na yang balbas mo at nanglalagkit ka na! At ito ang dahilan sinabi ko sa kanya ukol sa pamahiing iyon. Maligo ka na wika ko at ang baho mo na!

Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove, Morong , Bataan, Abril 2024.

Bawal o masama ang umuwi kaagad ng bahay galing sa patay. Ito ang popular na kaugaliang “pagpag” bago umuwi kasi kailangan daw iligaw iyong patay na baka sumunod. Ang totoo ay kailan lang naman ito naging laganap at napa-uso. Kawawang mga convenience store, naging tambayan ng mga nagpapagpag. At kaluluwa!

Hindi po ito totoo. Una, walang gumagalang kaluluwa. Kapag namatay ang isang tao, kaagad-agad hinahatulan kanyang kaluluwa kung ito ay pupunta ng langit o purgatoryo o impierno (ibang paksa ito na mainam pag-usapan sa ibang pagkakataon).

Heto naunawaan ko lamang nitong kamakailan habang dumarami ang namamatay kong mga kamag-anak at mga kaibigan. Dahil sa lamay na lang kami nagkikita-kita, itinutuloy namin ang kuwentuhan sa labas kasi naman, nakakahiyang ubusin pagkain at inumin sa lamayan.

At saka para mas masarap din ang kuwentuhan. Iyon sa aking pananaw ang tunay na dahilan kaya nauso ang pagpag. Sabi ng iba, iyon ay galing sa mga kapatid nating Chino na naniniwalang kailangang ipagpag mga negative vibes mula sa mga lamayan ng patay.

At kung tutuusin, ano nga ba ang mga negative vibes na ito? Balikan ang aral ng COVID-19 pandemic: mga mikrobyo at virus na maaring pagmulan ng pagkakasakit. Sa halip na magpagpag kayo ng kakain pa muli sa labas, mag-disinfect palagi pagdating ng bahay pagkagaling sa lamayan nang mapuksa mga kumakapit na mikrobyo.

Larawan kuha ni Ka Ruben, stained glass sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima, Valenzuela City, 10 Oktubre 2024.

Bawal o masamang maglibing tuwing araw ng Lunes. Ipagpaumanhin po ninyo mga naunang pari noong araw. Sila po nagpalaganap nitong “pamahiing” ito. Hindi naman talaga masama o bawa kasi kadalasan, Lunes ang araw ng libing ng mga yumaong pari pati kamag-anak namin.

Tanging dahilan ng pamahiing iyan ay pagod ang mga pari ng araw ng Linggo sa pagmimisa kaya, Lunes ang kanilang day-off. At pinakamabisang paraan upang matandaan ito ng mga tao, sabihing “masama” ang paglilibing ng Lunes na siyang unang araw ng trabaho.

Larawan kuha ni G. Jay Javier, Hulyo 2024.

Kaya po ako mula noon pa, ang day off ko ay Huwebes kasi Lunes ang pagpupulong naming mga pari!

Kayo ano pa alam ninyong pamahiin sa mga patay at lamay?

Hanapin ang praktikal na dahilan at higit sa lahat, igalang pa rin natin paniniwala ng ating mga kababayan kesa pagtawanan.

Tandaan, sa kamatayan palagi nagkakasukatan ng ating pagkakaibigan at pagsasamahan.

Ang pakikiramay ay tanda ng pakikibahagi sa pagluluksa at pighati ng namatayan.

At iyan ang pinakamainam na dahilan sa likod nitong mga pamahiin natin tuwing mayroong lamay at patay.

lordmychef Culture, Filipino, First Person Account, Funeral, halloween, lamay sa patay, pamahiin, reflection, superstitions, tagalog, Undas 5 Comments October 30, 2024October 30, 2024 6 Minutes
Blog at WordPress.com.
  • Subscribe Subscribed
    • lordmychef.com
    • Join 569 other subscribers
    • Already have a WordPress.com account? Log in now.
    • lordmychef.com
    • Subscribe Subscribed
    • Sign up
    • Log in
    • Report this content
    • View site in Reader
    • Manage subscriptions
    • Collapse this bar
 

Loading Comments...