Kristong Hari ng sanlibutan, tunay nga ba nasasalamin natin?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2023

Habang naghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ng Sanlibutan noong Linggo (26 Nobyembre 2023), pabalik-balik sa aking gunita at alaala ang unang taon ng COVID-19 pandemic kasi noong mga panahong iyon, tunay na tunay nga si Jesus ang Hari nating lahat.

Marahil dahil sa takot at kawalan ng katiyakan noong mga panahon iyon na kay daming namamatay sa COVID at wala pang gamot na lunas maging mga bakuna, sadyang sa Diyos lamang kumakapit ang karamihan.

Hindi ko malimutan mga larawang ito noon sa dati kong parokya na mga tao ay lumuluhod sa kalsada sa pagdaraan ng paglilibot namin ng Santisimo Sakramento noong Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari noog Nobyembre ng 2020.

Marubdob ang mga eksena noon at damang dama talaga pagpipitagan ng mga tao sa Santisimo Sakramento.

Sinimulan namin ito noong unang Linggo ng lockdown, ika-22 ng Marso 2020 na ikalimang linggo ng Kuwaresma. Tandang tanda ko iyon kasi birthday ko rin ang araw ng Linggong iyon.

At dahil walang nakapagsimba sa pagsasara ng mga simbahan noon, minabuti kong ilibot ang Santisimo Sakramento ng hapong iyon upang masilayan man lamang ng mga tao si Jesus, madama nilang buhay ang Panginoon at kaisa sila sa pagtitiis sa gitna ng pandemic.

Hiniram ko ang F-150 truck ng aming kapit-bahay. Hindi ko pinalagyan ng gayak ang truck maliban sa puting mantel sa bubong nito kung saan aking pinatong ang malaki naming monstrance. Nagsuot ako ng kapa at numeral veil habang mga kasama ko naman ay dala ang munting mga bell para magpaalala sa pagdaraan ng Santisimo.

Pinayagan kami ng aming Barangay chairman si Kuya Rejie Ramos sa paglilibot ng Santisimo at pinasama ang kanilang patrol kung saan sumakay ang aming mga social communications volunteer na Bb. Ria De Vera at Bb. Anne Ramos na silang may kuha ng lahat ng larawan noon hanggang sa aking pag-alis at paglipat ng assignment noong Pebrero 2021.

Nakakaiyak makita noon mga tao, bata at matanda, lumuluhod sa kalsada. Ang iba ay may sindi pang kandila at talagang inabangan paglilibot namin na aming inanunsiyo sa Facebook page ng parokya noong umaga sa aming online Mass.

Pati mga nakasakay sa mga sasakyan nagpupugay noon sa Santisimo Sakramento.

Nang maglaon, marami sa mga tahanan ang naglagay na ng mga munting altar sa harap ng bahay tuwing araw ng Linggo sa paglilibot namin ng Santisimo Sakramento.

Napakasarap balikan mga araw na iyon na bagama’t parang wakas na ng panahon o Parousia dahil sa takot sa salot ng COVID-19, buhay ang pananampalataya ng mga tao dahil nadama ng lahat kapanatilihan ng Diyos kay Jesu-Kristong Panginoon natin.

Katunayan, noong unang Linggo ng aming paglilibot ng Santisimo Sakramento, umulan ng kaunti nang kami ay papunta na sa huling sitio ng aming munting parokya. Nagtanong aking mga kasamahan, sina Pipoy na driver at Oliver na aking alalay kung itutuloy pa namin ang paglilibot. Sabi ko ay “oo”.

Pagkasagot ko noon ay isang bahag-hari ang tumambad sa amin kaya’t kami’y kinilabutan at naiyak sa eksena. Noon ko naramdaman ang Panginoon tinitiyak sa akin bilang kura noon na hindi niya kami pababayaan.

At tunay nga, hindi niya kami – tayong lahat- pinabayaan.

Kaya noong Biyernes, ika-24 ng Nobyembre 2023, napagnilayan ko sa mga pagbasa kung paanong itinalaga muli ni Judas Macabeo ang templo ng Jerusalem matapos nilang matalo at mapalayas ang mananakop na si Hariong Antiochos Epiphanes habang ang ebanghelyo noon ay ang tungkol sa paglilinis ni Jesus ng templo.

Bakit wala tayong pagdiriwang sa pagwawakas o panghihina ng epekto ng COVID-19? (https://lordmychef.com/2023/11/24/if-covid-is-over/)

Nakalulungkot isipin na matapos dinggin ng Diyos ating mga panalangin noong kasagsagan ng pandemya, tila nakalimutan na natin Siya. Kakaunti pa rin nagsisimba sa mga parokya at nahirati ang marami sa online Mass.

Walang pagdiriwang ni kapistahan ang Simbahan sa pagbabalik sa “normal” na buhay buhat nang mawala o manghina ang virus ng COVID.

At ang pinamakamasaklap sa lahat, hindi na yata si Jesus ang naghahari sa ating buhay ngayon.

Balik sa dating gawi ang maraming mga tao.

At nakakahiyang sabihin, hindi na nalampasan ng mga tao at pati ilang mga pari katamaran noong pandemic.

Nakakahiyang aminin na pagkaraan ng araw-araw na panawagan sa Facebook noong isang linggo na lumuhod at magbigay-galang kay Kristong Hari na nasa Banal na Sakramento mga tao, maraming mga pari noong Linggo ang kinatamaran magsuot na nararapat na damit tulad ng kapa at numeral veil. At pagkatapos, sasabihin, isisigaw, Mabuhay ang Kristong Hari?

Hindi pa lubusang tapos ang COVID, pero, ibang-iba na katayuan natin ngayon. Malayang muli nakakagalaw, walang face mask maliban sa ilang piling lugar tulad ng pagamutan. Ang tanong ngayong huling linggo ng ating kalendaryo sa Simbahan ay, si Jesus pa rin ba ang haring ating kinikilala, sinusunod at pinararangalan sa ating buhay, maging sa salita at mga gawa?

Nasasalamin ba natin si Kristong Hari sa ating mga sarili, lalo na kaming mga pari Niya?

Si Ned at si San Martin ng Tours

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Nobyembre 2023

Ang kauna-unahang may sakit na aking pinahiran ng Banal na Langis ay ang tiyahin ng aking ina na kung tawagin namin ay Ned. Ayon sa nanay ng aming ina na Ate ng Ned, utal daw kasi ang dalawang nauna niyang anak at hindi masabi ang Nana Cedeng (o Chedeng), ang palayaw ng kanyang tunay na pangalang Mercedes.

Kaya, naging Ned na ang nagisnang tawag ng mga mommy ko at pati na kaming magpipinsan na kanyang mga apo. Walang anak ang Ned dahil maaga siyang nabiyuda nang magka-cancer ang kanyang kabiyak na siyang tunay na taga-Bocaue, Bulacan. Mula sa Aliaga, Nueva Ecija ang mga lola ko sa panig ng aking ina na mula sa angkan ng mga Bocobo.

Nang ako ay magdiriwang ng aking Primera Misa Solemne bilang bagong orden na pari noong ika-26 ng Abril 1998, hindi na nakapaglalakad ang Ned kaya bago kami magprusisyon, siya ay aking dinalaw at pinahiran ng Langis ng Maysakit. Pagkaraan ng ilang Linggo, sinugod siya sa ospital dahil sa stroke at nag-comatose kaya kinailangang ipasok sa ICU. Hindi naman siya kaagad namatay tulad ng iba kong pinahiran ng Langis ng Maysakit….

Pagkaraan ng isang linggo, inilipat na siya ng regular na silid at aking dinalaw. Hindi naapektuhan ng stroke ang kanyang pananalita. Tumingin siya ng matagal sa akin at pagkaraan ay hiniling na lumapit sa kanya.

“Mayroon akong ikukuwento sa iyo, Father, pero hindi ko alam kung ikaw ay maniniwala” sabi niya sa akin. Hinagod ko kanyang noo gaya ng ginawa niya sa akin noong ako ay natigdas nang bata pa. “Ano po inyong sasabihin?”, tanong ko sa kanya.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

“Father… ako e namatay na. Ang natatandaan ko lang ay naglalakad ako mag-isa sa madilim na kalsada. Maya-maya may nakita akong liwanag at bigla mayroong sumalubong sa aking mama na naka-kabayong puti. Sinabi sa akin nung mama, ‘Cedeng, magbalik ka na ika… hindi mo pa oras.'”

Sabi ng Ned, kaagad naman siyang tumalikod at naglakad pabalik ngunit muli niyang nilingon yung mama na naka-kabayo. Tinanong daw niya, “Hindi ba kayo si San Martin ng Tours?” At sumagot naman daw yung mama na siya nga si San Martin ng Tours. “E paano po ninyo ako nakilalang si Cedeng?” tanong daw niya. Sumagot daw si San Martin, “Paanong hindi kita makikilala, Cedeng, e kada piyesta ng Mahal na Krus at kapistahan ko ay nagsisimba ka palagi sa Bocaue?” Nangiti raw si San Martin sa kanya at di na niya nalaman ang mga sumunod maliban sa makita sarili niya naroon na sa ospital.

Wala daw siyang pinagsabihan ng karanasang iyon maliban sa akin dahil ako ay pari. At muli niya akong tinanong, “naniniwala ka ba Father na pinabalik ako dito ni San Martin ng Tours?” Hinagod ko muli ang noo ng Ned at sinabi ko sa kanyang “Opo, naniniwala po ako sa inyo.”

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, si San Martin aming Patron kasama ang Mahal na Krus sa Wawa na amin ding ipinagpipista tuwing buwan ng Hulyo sakay ng pagoda sa Ilog ng Bocaue.

Tumagal pa ang Ned ng limang taon bago siya pumanaw noong ika-5 ng Hulyo, 2003. Mismong sa harap ko siya namatay nang siya ay aking dalawin matapos ako magmisa sa kapit-bahay niyang namatay.

Naku, kay laking isyu noon sa aming lugar ang pagkamatay ng Ned. Ako sinisisi ng matatanda kasi daw inuna kong puntahan ang patay bago ang buhay! Ewan ko sa kanila ngunit pagpapala ang aking naranasan at nakita sa pangyayari: nang malagutan ng hininga ang Ned sa harap ko, kaagad kong tinawag ang kanyang tagapag-alaga, pinahiran ko pa rin siya ng Banal na Langis, at nang matiyak na patay na siya, kaagad akong nagmisa mag-isa doon sa kanyang silid kasama malamig niyang bangkay. (Ewan ko ba. Dalawang pari na rin, parehong Monsignor, ang namatay sa harapan ko at sa pangangalaga ko.) .

Palagi ko ikinukuwento ang “near-death experience” na iyon ng aking Lola hindi lamang sa dahil kakaiba kungdi mayroong malalim na katotohanang inihahayag – ang pagmamahal sa ating parokya, ang pananalangin ng mga Banal sa atin at higit sa lahat, ang kahalagahan ng Banal na Misa na siyang “daluyan ng lahat ng biyaya at rurok ng buhay Kristiyano” ayon sa Vatican II. Wika ni San Juan Pablo II, sa Banal na Misa aniya ay mayroong cosmic reality

Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, isa iyon sa mga una kong kinuwento sa mga tao upang ituro pagmamahal sa kanilang parokya. Ipinaliwanag ko sa kanilang ang mga Banal na mga Patron ng parokya ang unang nangangalaga sa mga mananampalataya, ang ating mga tagapagdasal doon sa langit, mga taga-pamagitan.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, prusisyon noong Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

Naniniwala ako na si San Martin ng Tours ang sumalubong kay Ned kasi nga hindi pa naman niya oras, kaya wala pang paghuhukom na naganap sa kanya na tanging si Jesu-Kristo lang ang makagagawa.

Ang pinaka-gusto kong bahagi ng kanyang kuwento ay ang kanilang usapan kung paano nakilala ni San Martin ang aking Lola sa tunay niyang palayaw na Cedeng. At hindi Ned.

Ipinakikita nito sa atin ang kahalagahan ng pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin sa simbahan lalo ngayon panahon na akala ng marami ay sapat na ang online Mass. Ang Banal na Misa ay “dress rehearsal” natin ng pagpasok sa Langit. Kay sarap isipin na bukod sa Panginoon at Mahal na Birheng Maria na sasalubong sa atin doon ay kasama din ang Patron ng ating Parokya na kinabibilangan natin. Nakalulungkot maraming tao ngayon ni hindi rin alam kung ano at saan kanilang parokya! Alalahanin mga nakita ni San Juan Ebanghelista sa langit habang siya ay nabubuhay pa upang isulat sa Aklat ng Pahayag:

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”

Pahayag 14:13

Anu-ano nga ba ating mga pinagkakaabalahanan sa buhay ngayon? Anu-ano ating pinag-gagawa na susundan tayo sa kabilang buhay upang ating ipagpatuloy? Kabutihan ba o kasamaan? Huwag nating sayangin pagkakataong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ngayon. Siya nawa.

San Martin ng Tours, ipanalangin mo kami.

Larawan mula sa flickr.com ng isang icon ni San Martin ng Tours hinahati kanyang kapa para sa isang pulubi.

Linangin, palalimin ang Pananampalataya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Oktubre 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria de Vera, Agosto 2020.
Pangunahing biyaya
ng Diyos sa ating lumikha
pananampalataya o pananalig
sa Kanya tayo magtiwala;
ngunit hindi natin alintana
itong pananampalataya 
katulad ng ano mang biyaya
dapat linangin upang payabungin
pamungahin, at patatagin 
hindi lamang magbigay galak sa atin
kungdi makaya nating harapin
ano mang unos sa buhay ang dumating.
Kumbinsido ba tayo
sa pinanghahawakang pananampalataya
kaya nating panindigan di lamang ipaglaban
 kungdi ipaliwanag katuwiran at katuturan?
Kung minsan akala natin
itong pananampalataya gamit para kamtin
ano mang hilingin sa Diyos Ama natin
nakakalimutan higit sa lahat ito ay ugnayan
relasyon na dapat pinalalalim
pinaiigting upang maging matalik
pagkakaibigan natin.
Ano mang samahan at ugnayan
palaging nakasandig sa pananalig
sa isa't-isa, palaging makatotohanan
walang kasinungalingan;
tiyak na palaging maasahan
dahil ang tunay na pananampalataya
consistent, hindi pabago-bago
kungdi pare-pareho
  saan man at kailan man,
sino man ating pakiharapan
nananatili katapatan
tulad ni Hesus
hanggang kamatayan.
Larawan kuha ng may-akda, 09 Oktubre 2020.