Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2025

Tinaguriang Spy Wednesday o Gabi ng mga Taksil itong Miyerkules Santo dahil sa gabing ito nakipagkasundo si Judas Iskariote sa mga punong pari na ipagkanulo niya si Jesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak.
At gayon nga ang nangyari noong Huwebes Santo pagkatapos ng Huling Hapunan, pinuntahan ni Judas ang Panginoon sa halamanan ng Gethsemane at doon hinalikan bilang hudyat ng pagkakanulo sa Kanya.
Kaya ang babala sa halik Judas.

Marahil ay minsan o ilang ulit din tayo nakalasap ng “halik Judas” sa mga akala nating kaibigan at kakampi. Ngunit aminin din natin ang ilang pagkakataon na tayo ay nag-Judas sa mga minamahal at nagmamahal sa atin.
Ngayong Miyerkules Santo, huwag lang natin isipin mga nagkanulo sa atin kungdi mga pagkakataong nagtraydor din tayo katulad ni Judas Iscariote.
Ngayong Miyerkules Santo, aminin din natin ang maraming pagkakataon na ang ating pagka-Judas ay sadyang tunay at sagad katulad ni Judas Iscariote na kapos sa katapatan at pagtitiwala sa habag at awa ng Panginoong Jesu-Kristo.
Nang makita ni Judas na si Jesus ay hinatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.” “Ano ang pakialam namin? Bahala ka!” sagot nila. Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo saka siya umalis at nagbigti (Mateo 27:3-5).

Mahirap sagutin kung nasaan na nga ba ngayon si Judas Iscariote. Pinatawad kaya siya ng Diyos gayong siya ay nagsisi naman? Mahirap itong sagutin kasi nga ay nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pagbibigti kaya tila kulang o hindi taos ang kanyang pagsisisi.
At iyan ang isang nakakatakot na katotohanan sa ating lahat ngayon, lalo na sa aming mga pari ng Simbahan.
Hindi po natin hinuhusgahan ang nag-viral na video ng isang pari na nagpapalabas ng tindera ng palaspas noong Linggo.
Nakakalungkot ang pangyayari. At masakit ang kuwento na minura pala ng vendor si Father kaya siya ay uminit ang ulo at hindi nakapagpigil sa pagpapalabas ng mga nagtitinda sa patio.
Inaamin ko po na madaling magsalita ngayong tapos na pangyayari ng kung ano nga ba dapat ang dinawa ni Father. Mas malamang pa nga siguro, ilan sa amin ay ganoon din ang magiging tugon at magviviral. Ngunit hindi po ito paghuhusga o pagbabatikos kungdi pagninilay sa mga nangyari.
Ang problema sa atin – lalo na sa aming mga pari at alagad ng Simbahan – hindi rin taos ang pagsisisi sa mga kasalanan at kamalian katulad ni Judas Iscariote.
Tama ang ginawa ng parokya na naglabas kaagad ng pahayag sa pangyayari na kung saan sila ay humingi ng “paumanhin” sa pangyayaring “nagdulot ng lungkot at pagkabigla.” Tama na sana mga iyon pero ang haba ng kanilang pahayag na mayroong Inggles at Filipino.

Hindi siguro nila naunawaan ang gawi ng social media. Hindi mapipigilan ang mga tao sa pagpapalaganap ng ano mang viral video lalo na kung pari o taong mayroong sinasabi ang sangkot. Kapag lumabas na sa social media, mahirap nang habulin. Higit sa lahat, maigsi lang ang pahayag para kagat agad, wika nga.
Sa halip ng mahabang paliwanag sa pangyayari, mas mainam na nagpahayag na lamang ng pagsisisi, ng pag-amin sa pagkakamali. No ifs, no buts sabi sa Inggles. Wala nang saysay ipaliwanag pa ang buong pangyayari dahil marami pa ring masasabi kung paano sana iyon naiwasan.
Hindi lamang ito ang pagkakataon na nag-viral kaming mga pari sa social media at sa kabila ng pagkakamali at pagkakasala, hindi makita ang taos pusong pagsisisi dahil palaging mayroong paliwanag.
Nasaan ang kadalisayan ng paghingi ng paumanhin kung agad namang susundan ng paliwanag? Ganyan din sa kumpisalan: palaging may paliwanag mga tao sa pagkakasala. E… ano ba talaga? Nagtitika ba tayo sa ating kasalanan kung mayroon tayong paliwanag at palusot sa tuwina?
Ipagpatawad ng mga kapatid kong pari pero aminin natin ito ang malaki nating problema lalo na sa Pilipinas: palagi na lamang mayroong paliwanag at pagtatanggol sa mga paring nagkakamali at nagkakasala. Hindi ba?

Sapat-sapat na ang isang tunay at tapat na pag-amin at paghingi ng paumanhin o tawad sa kamalian at kasalanan.
Hindi ko sinasabing ipako sa krus ang nagkakasalang pari. Ang problema, wala tayong hinarap at tinapos na kaso ng pang-aabuso ng kapangyarihan maski sa atin-atin man lamang.
Bakit ang hirap sa amin na humingi lang ng tawad na sa obispo o kapwa pari, o mga parokyanong nasaktan?
Marahil hirap kaming umamin dahil ang tiwala namin ay nasa aming sarili tulad ni Judas Iscariote at hindi kay Kristo.
Hanggang sa huli tulad na Judas Iscariote, halos kami ay magbigti, hindi matanggap ang katotohanan na kulang kami sa pagtitiwala kay Jesus.
Hindi kami makapagtiwala ng lubos kay Jesus di lamang sa Kanyang hatid na kapatawaran kungdi sa kanyang liwanag at karunungan upang malampasan ano mang kasamaan at pagkakamali na aming nagawa. Duda kami kay Jesus baka hindi umamin aming nakaaway. Duda kami kay Jesus na madiriin kaming lalo e kalabaligtaran ang nangyayari kadalasan.
Tingnan paano sa mga sumunod na mga balita, maraming mga tao nagpahayag pa rin ng pag-unawa at suporta kay Father. Iyan ang biyayang nalilimutan naming mga pari palagi – higit pa rin ang tiwala at pag-galang ng mga tao sa pari.

Ito ang malaking kaibahan ni Simon Pedro kay Judas Iscariote: bagaman walang sinasaad sa mga ebanghelyo ng kanyang pag-amin man lang sa kasalanang itinatwa niya si Jesus, maliwanag ang kanyang pagsisisi at pagtitiwala sa Panginoong muling nabuhay doon sa may lawa nang tatlong ulit siyang tanungin ng “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”.
Pagmasdan na pagkatapos umamin si San Pedro sa kanyang tatlong ulit na pagtatatwa at masabi kay Jesus na “Opo iniibig kita” saka lamang siya sinabihan ng Panginoong “sumunod ka sa akin” (Jn. 21:15-19). Marahil ay nagyakap ang Panginoon at si Simon Pedro pagkatapos noon at nagbigayan ng halik ng kapayapaan gaya ng kaugalian ng mga Judio.
Kung mayroong halik Judas, mayroong halik ng kapayapaan ni Kristo tulad sa Banal na Misa kung saan mayroong pagkakasundo ang dating nagkaalitan o nagkasamaan ng loob.
Yaong katagang pagkakasundo ay napakayaman sa kahulugan. Hindi ba kapag tayo ay susundo sa airport o saan man, kailangan nating iwanan ating kinaroroonan upang tayo ay magtagpo? Ang pagkakasundo o reconciliation sa Ingles ay ganun din: iwanan natin ang nakaraang pangyayari upang tayo ay magtagpo at magkasundo, magkaisa at muling mabalik dating mabuting samahan. Tingnan ang daloy ng pag-amin at paghingi ng tawad siyang naghahatid sa pagkakasundo at saka lamang magkakaroon ng pagsunod kay Kristo. O kanino mang ating natraydor.
Inyong subukan ngayong mga Mahal na Araw upang malubos inyong kagalakan sa Pasko ng Pagkabuhay. Amen.




