Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Nobyembre 2026

Salamuch po sa mga bumisita at nagbasa ng ating blog ukol sa wastong pangangalaga ng mga sinaabong labi o cremated remains. Mayroong ilan ang tumuligsa sa ating isinulat na batay sa pinakahuling Instruction ng Vatican, ang Ad resurgendum cum Christo na nagbabawal sa pag-iingat sa bahay ng urn ng na-cremate na labi ng mahal sa buhay maging ang pagpaparte-parte kahit katiting ng mga sinaabong labi na kadalasan nilalagay sa mga kuwintas at alahas bilang remembrance.
Ipagpaumanhin po ninyo kung sakaling nasaktan inyong mga damdamin sa aking nalathala na pitak ngunit wala pong kinalaman sa usaping pananalapi ang mga alituntunin ng Simbahan na noon pa mang 1963 umiiral; kailan lamang nagkaroon ng mga kolumbaryo sa mga parokya. Karamihan sa mga kolumbaryo ay pinangangasiwaan ng mga pribadong kumpanya gaya ng mga funeral homes at memorial parks.
Sabi naman ng iba walang sinasabi sa Bibliya na bawal ilagak sa tahanan ang urn naglalaman ng sinaabong labi ng yumao. Ang ating pong tugon: e wala din naman po sinasabi ang Bibliya ukol sa cremation ng mga namatay bagaman mayroong isang pagkakataon mga labi ng namatay ay sinunog. Ito ay matapos na lapastanginin ng mga Filisteo mga labi ni Haring Saul at mga anak kaya binawi ng mga Israelita kanilang mga bangkay at sinunog upang ilibing mga abo bilang tanda ng kanilang pag-galang (1 Samuel 31:7-13).
Makikita natin sa buong bibliya na mula kina Abraham hanggang kay Jesu-Kristo, pawang silang lahat ay mga inilibing kaya naman ito pa rin ang higit na paraan pinipili ng Simbahan mula sinauna sa pangangalaga ng mga labi ng namatay bilang paghahanda sa Second Coming na kung saan ang mga labi ng mga namatay ay hahanguin muli upang isama sa kaluluwa at makamit ang glorified body tulad ni Jesus nang muling nabuhay. Ito pa rin ang dahilan kaya nang payagan ng Simbahan ang cremation pagkaraan ng Vatican II, tiniyak pa rin na mapangalagaan at nasa ligtas at naaayong lunan mga labi ng mga yumao.

Ngunit higit na dahilan sa pagtitiyak na nasa maayos, marangal at nararapat na libingan ang labi ng ating mga yumao ay bahagi ng katuruan ng Simbahan na batay pa rin sa Banal na Kasulatan – ang pagpapahalaga sa dangal ng bawat tao kahit namatay na bilang larawan at wangis ng Diyos.
Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos (1 Corinto 6:19).
Maliwanag ang Banal na Kasulatan, mga ginigiliw ko: sa buhay na ito hanggang kamatayan, wala tayong masasabing atin sapagkat ang lahat ay sa Diyos. Mainam basahin din natin nauunang talata ng ating sitas kung saan ipinanangaral ni San Pablo kabanalan ng ating katawan kaya dapat panatilihin itong malinis mula sa kasamaan at kasalanan. At ito ay kahit namatay na.
At dito ating makikita ang malungkot na umiiral sa makabagong panahon na marami sa atin sa ngayon pakiwari sa sarili ay buo niyang pag-aari, na tila walang pakialam sino man sa ibig niyang gawin sa kanyang sariling katawan.

Katawan ko pag-aari ko ang tila slogan ng karamihan ngayon kaya kung ayaw magbuntis, ipapalaglag sanggol sa sinapupunan. Ito rin dahilan sa sobrang pagbatak – stretching – ng ating mga karapatan kung kayat pati na rin sa pag-iiba ng ari at kasarian (sex change), ang nauusong test tube baby o in-vitro fertilization na pawang hindi pinahihintulutan ng Simbahan sapagkat labag mga ito sa dangal ng buhay. Ang malungkot kasi sa panahon ngayon, puro tayo karapatan na tila pag-aari natin ang lahat – hindi lamang ating sariling buhay kungdi maging buhay ng iba gaya ng sanggol sa sinapupunan ng isang ina o mga pumanaw na. Sa bawat karapatan ay mayroon ding katapat na tungkulin at pananagutan sa iba.
Sinasabi ng mga dalubhasa na mayroong dalawang palatandaan ng mataas na antas ng kalinangan ano mang lipi ng mga tao na kanilang napag-aralan: una anila ay kapag ang mga buto ng mga yumao ay mayroong tanda ng panggagamot at ikalawa ay kapag inililibing ang mga yumao.
Ayon sa kanila, nagpapahayag ang dalawang palatandaang ito ng pangangalaga sa kapwa tulad ng panggagamot sa nagkakasakit o naaksidente at higit sa lahat, kahit namatay na, iniingatan pa rin kanilang mga labi. Palatandaan anila ang mga ito ng tunay na pagmamalasakit sa kapwa na nagpapatunay ang tao ay social being, hindi nag-iisa at palaging mayroong kapwa. No man is an island wika nga dahil tayong lahat ay magkakarugtong sa buhay maging sa kamatayan na ang kaganapan ating inaasam ay magaganap sa buhay na walang hanggan kapiling ang Diyos.
Kaya kung paano natin pinahahalagahan ating mga yumao ay nagsasalamin ng ating patuloy na pagpapahalaga sa kanila, sa pagkilala sa kanilang sariling katauhan na maging mapayapa at malaya sa buhay na walang hanggan. Sadyang masakit ang mamatayan ng mahal sa buhay ngunit alalahanin nating ang usapin ay hindin lamang may kinalaman sa ating nagdadalamhati at nasaktan kungdi higit sa lahat doon mismo sa namatay. Ibigay natin nauukol sa paggalang sa kanilang naiwang labi na sinaad ng mga titik na “R.I.P.” mula sa mga katagang Latin na Requiescat In Pace o Rest in Peace sa Inggles habang sa Filipino ay mas malalim ang salin na isang panalangin din, Sumalangit nawa (SLN) kanilang kaluluwa. Amen. Isang mapayapang Araw ng mga Yumao.
*Salamuch kay Ginoong Paterno Esmaquel II ng The Religion Reporter na nag-interview sa atin noong Sabado upang maipaliwanag ilang mga bagay-bagay sa cremation. Narito po ating panayam mula sa YouTube.com.