Ang Himig Natin…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Setyembre 2026
Larawan kuha ng may-akda, Morong, Bataan, 21 Hulyo 2026.
Sa gitna ng kadiliman
bunsod ng brownout
ng gabing kasagsagan
ng pag-ulan noong isang buwan
ay aking binalikan, pinakinggan
at sinabayan "Himig Natin"
ng Juan Dela Cruz Band
wala lang, trip trip lamang
pero ngayon aking muling
ninamnam titik at musika
hindi lang ito rak en roll
kungdi akma sa ating
panahon ngayon.
Larawan kuha ng may-akda brownout sa kasagsagan ng habagat noong 29 ng Agosto 2026.
Ako’y nag-iisa
At walang kasama
Di ko makita
Ang ating pag-asa
Hindi ba ito ating
nadarama ngayon,
nag-iisa,
walang kasama
at di makita ating pag-asa?

Mga taga-San Jose
sumigaw ng tubig! tubig!
sa gitna ng larong basketball
doon sa Minuyan ngunit
sila'y sinumbatan,
pinagsabihan ng kanilang Mayora
sa tinagurian niyang pambabastos
at kawalang-hiyaan
gayong mga gripo ilang buwan
nang tigang,
walang tubig;
kanino sila dudulog
sino gagawa ng solusyon
sa gayong kalaking problema
ng taong-bayan?

Bukod sa lubak-lubak
na mga daanan
mga taga-Bulacan
di na nawalan ng baha
na ayaw nang bumaba
taun-taon lumalala
habang ang punong lalawigan
iginigiit maski saan
na wala siyang alam
sa bilyun-bilyong piso
na halaga ng flood control
sa lalawigan nakalaan
sukat naglaho sa scam
ng mga damuhong kababayan
sa DPWH na nakipagsabwatan
sa mga makapangyarihan:
sino nga ba dapat
nakakaalam ng higit
para sa kapakanan ng
taong-bayan kung mga
inaasahan iginigiit
wala silang alam
marahil dahil
wala ding pakialam!

Kung ganyan lamang
katuwiran at tugon ng mga
nanunungkulan sa tuwing
mapupuna kanilang kapabayaan
at kakulangan di lamang sa
kaaalaman kungdi
pati malasakit at pakialam,
sawimpalad talaga itong
ating bayan bakit
nga ba sila pa ang
napili at inihalal?
Ang himig natin
Ang inyong awitin
Upang tayo’y magsama-sama
Sa langit ng pag-asa
Ito ang himig natin
dapat nating awitin
tutulan
labanan
kalabisan
at kawalanghiyaan
ng mga nasa kapangyarihan;
panagutin mga mandarambong
huwag nang ibalik sa puwesto
mga mangmang at
walang alam
na ring napatunayan
sa pamamahala at
kaunlaran ng kabuhayan.

Higit sa lahat,
huwag na silang
pagtiwalaan ng
katungkulan,
huwag na huwag nang
iboboto maging mga kaanak
ibigay ang pagkakataon
sa mayroong
paninindigan
at malasakit
lalo sa maliliit
at nahihirapan.
Iyan ang himig natin
dapat nating awitin
mula sa ating puso at
kalooban
pagbabago ng kaisipan
at kamalayan
may pananagutan
sa kapwa mamamayan
ngayon at sa kinabukasan.
Larawan kuha ni Bb. Bernadette Reyes ng GMA News, Sto. Domingo, QC, 29 Agosto 2026.
Ako’y may kaibigan
At s’ya’y nahihirapan
Handa na ba kayong lahat
Upang s’ya’y tulungan
Sino nga ba ating
mga kaibigan
maaring pagkatiwalaan
kapag tayo ay nahihirapan?
Wala kungdi tayong
maliliit kanilang ginigipit!
Napakasakit isipin
na sa halip pag-usapan
sa larangan ng agham at
buhay ng mga naninirahan
sa lugar ng ginagawang paliparan
bilyunaryong negosyante
nagbigay ng pabuya
isang milyong piso
sa makapagsusumbong sa kanya
ng mga sumasalungat sa
proyektong sinira na
maraming kalikasan
at buhay doon.

Sino ang ating kaibigan
maaring sulingan
sa panahon ng kagipitan
kung kanilang kaagapay
mga makapangyarihan
ng lipunan
taglay di lamang salapi
kungdi pangalang nagkukubli
sa higit na maraming
kasamaan kesa nagawang
kabutihan sa nakaraan?
Mayroon pa bang
natitirang taong marangal
pagpapahalaga sa buhay
at katauhan
kesa salapi at huwad
na kaunlaran?
Pakinggan
sabayan
at namnamin
ang awiting nagsimula
ng Pinoy rock
noong dekada sitenta;
katulad ng mabuting uri
ng alak,
lalong sumasarap
habang tumatagal,
sa tuwina ay
napapanahon
itong himig natin.
Mula sa YouTube.com.

Leave a comment