Tag-Araw, Tag-Ulan (Ang Solstice)

Lord My Chef Daily Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 6, 23 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Sigurado, sasabihin ninyo ako ay kumakanta na naman sa pagninilay dahil sa ating pamagat na “Tag-Araw, Tag-Ulan” mula sa awitin ng yumaong si Haji Alejandro noong aming kabataan ng 1977.

Bata pa lamang po ako ay mahilig na ako sa radyo at tugtugin kaya hindi ko maiwasang maugnay palagi maski sa pagdarasal ang maraming awiting aking nagisnan.

At heto na nga po ang titik ng awit ni Haji na noon ay tinaguriang “kilabot ng mga kolehiyala” di lamang sa kanyang porma kungdi sa ganda ng boses at mga tema ng pag-ibig sa kanyang musika katulad ng “Tag-Araw, Tag-Ulan”:

Tag-araw, sa may dagat namasyal
At pagdilim, sa may baybay humimlay
At nagyakap, sabay sa pagsabog ng alon
Sabay sa paghuni ng ibon, saksi ay liwanag ng buwan
'Di ba sabi mo pa, na wala pang iba
Na ako ang una sa pagmamahal mo, sinta?

At ang buhay nating dal'wa ay nagbunga
Ng makulay na pag-ibig na dakila
Ngunit, bakit ngayong umuugong ang hangi't ulan
'Sing lamig ng gabi ang mga halik mo?
Ni wala nang apoy, titig mo sa akin
Naglaho ba ang pagmamahal mo, sinta?
Larawan kuha ng may-akda, La Trinidad, Benguet, 12 Hulyo 2023.

Hanapin na lamang po ninyo sa YouTube.com ang awit ni Haji na “Tag-Araw, Tag-Ulan” dahil ngayong ika-anim na araw ng ating Nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus ay bisperas din ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng Kristo.

Bukod tanging siya lamang at si Jesus ang ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng pagsilang bilang Dakilang Kapistahan o Solemnity, ang pinaka-mataas na antas ng selebrasyon sa Simbahan. Palaging pinag-ugnay ng mga ebanghelista lalo ni San Lukas ang buhay at misyon nina San Juan Bautista at Panginoong Jesus na magpinsang makalawa.

Bagama’t ating ipinagdiriwang din ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria tuwing ika-walo ng Setyembre, ito ay Kapistahan lamang o Feast. Kaya kung inyong napapansin, ang kapistahan kadalasan ng mga Santo at Santa ay petsa ng kanilang kamatayan dahild doon sila pumasok sa buhay na walang hanggan.

Marahil sa bahaging ito nagtataka na kayo nasaan ang kaugnayan ng ating introduction na awitin ni Haji na “Tag-Araw, Tag-Ulan” at nina Jua Bautista at Jesu-Kristo at ng Kanyang Kamahal-Mahalang Puso? Heto po mga kaugnayang iyon:

  1. Isinilang si Juan Bautista panahon ng summer solstice, ang pinakamahaba at pinaka-maliwanag na araw sa buong taon tuwing Hunyo habang si Jesus naman ay isinilang ng winter solstice, pinaka-mahaba at pinaka-madilim na araw tuwing Disyembre upang ipakita kanilang ugnayan: dala ni Juan Bautista ang liwanag ni Kristo na siyang liwanag sa gitna ng malaking kadiliman ng mundo.
  2. Ang salitang “SOLSTICE” ay mula sa wikang Latin ng pinagsamang mga kataga na “SOL” (araw o sun) at “SISTERE” (tigil o hinto, stop o stand still gaya ng “to desist/resist” sa Ingles) na kung saan pansamantalang tumitigil o humihinto ang mundo at tumututok sa araw kaya pinaka-maliwanag din ang araw na iyon. Ayon sa PAGASA, naganap ang summer solstice ng 2025 sa bansa noong Sabado, ika-21 ng Hunyo bandang alas-10:42 ng umaga;magaganap ang winter solstice naman sa ika-21 ng Disyembre, 2025 ganap na alas-11:03 ng gabi na siyang pinakamahaba at madilim na araw naman.
  3. Yung awit ni Haji ay “summer solstice” sa Pilipinas na kung saan ating nararanasan ang tag-ulan sa tag-araw, hindi ba? Sa awit ni Haji, nagtataka siya bakit huminto ang kanilang pagmamahalan na tila lumalabo na kanilang samahan katulad ng malakas na ulan sa gitna ng sikat ng araw.
Larawan kuha ng may-akda sa St. Paul Spirituality Center, La Trinidad, Benguet, 06 Enero 2025.

Ang ganda ng larawan, hindi ba?

Subalit, hindi ba ganyan din kadalasan ugnayan natin sa Diyos, parang malabo na di maintindihan? Alalaong-baga, itinakda ng Diyos na natural na tumigil (sistere) pansamanatala ang mundo sa harap ng araw (sol) upang magkaroon ng SOLSTICE upang pahabain at paliwanagin ang araw minsan kada Hunyo at dagdagan ang dilim ng gabi minsan kapag Disyembre upang mabalanse ang init at lamig sa daigdig. Kapag walang solstice, maaring masunog at matusta siguro ang mundo! Kaya mahalaga ang solstice na siya ring panawagan ng Diyos sa ating lahat ngayon.

Dumating si Juan Bautista upang magkaroon ng sosltice kung baga upang tumigil at magisis ng mga kasalanan at magsuri ng sarili upang magbalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagkilala at pagmamalasakit sa kapwa.

Ito rin ang kailangan natin sa buhay ngayon, ang pagtigil at pananahimik. Tingnang paanong pinatahimik ng anghel si Zacarias na ama ni Juan Bautista. Katulad niya tayong mga tao ngayon. Puro tayo mema – memasabi lang. Puro kuda ika ng mga bata. Lahat iniisip natin maski problema ng Diyos, problema ng mga kung sinu-sino.

Napansin ko sa aking pagiging chaplain dito sa unibersidad, maraming mga bata ngayon ang “over-thinker” pero hindi na man “critical-thinker”.

Senyales ng kawalan ng pagtitiwala maging ng pananampalatay ang pagiging overthinker – lahat kasi inaalala at kinatatakutan. Madalas mga overthinker ay manipulator at control freak din. Wala kasing tiwala katulad ni Zacarias na ang lakas ng loob hamunin ang angel sa tanong niya kung paano niya matitiyak na totoo ang mabuting balita sa kanya ng pagkakaroon ng anak gayong baog at matanda na si Elizabeth na kanyang may-bahay?

Sa kabilang dako naman, pagmasdan ang kusang pananahimik o pagtigil (sistere) ni Elizabeth sa loob ng kanilang tahanan ng anim na buwan nang siya ay magdalantao kay Juan Bautista. Puno siya ng tiwala at pananampalatay sa Diyos katulad ng kanyang pinsang si Maria na pagkaraan ng anim na buwan ay babalitaan din ng anghel ng pagsilang niya sa Kristo.

Katulad din niya si Jeremias na tinawag at hinirang ng Diyos sa unang pagbasa upang maging kanyang propeta. Bagaman ipinakikita ng tagpo ng unang pagbasa ang pagkakahalintulad ng misyon nina Jeremias at Juan Bautista bilang tagapagsalita ng Diyos, ipinakikita rin sa atin ang attitude niya na tumigil at tumalima sa atas ng Diyos.

Larawan kuha ng may-akda, Cabo de Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales, 14 Mayo 2025.

Sa kuwento ng pagsilang ni Juan Bautista, ipinakikita sa atin kung paanong ang Diyos ay pumapasok sa ating panahon at buhay upang isagawa ang kanyang pagliligtas. Subalit malinaw din sa kuwentong ito ang pakikipag-isa ng tao tulad nina Zacarias at Elizabeth maging ni Jeremias upang maganap plano ng Diyos kay Jesu-Kristo.

Ito ang misyon na ipinagpapatuloy ng Simbahan gaya ng pagninilay at paliwanag ni San Pedro sa ikalawang pagbasa. Kung titingnan natin, madalas parang malabo ang Diyos, parang tag-ulan sa tag-araw na tinatawag tayo sa misyon kay Kristo gayong kay rumi natin sa kasalanan, kay daming kapintasan. Madalas pa nga ay tumatanggi tayo o naghahamon gaya ni Zacarias.

Subalit isang bagay ang malinaw: hindi titigil ang Diyos hanggat hindi tayo napapatigil din upang makinig at sumunod sa kanya. Sa araw na ito, hiling sa ating ng Sacred Heart ay magkaroon ng solstice – huminto at tumigil pansamantala at itutok ating tuon at sarili sa alab ng apoy ng pag-ibig ni Jesus sa atin.

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

*And ideya ng SOLSTICE ay aking hinalaw mula sa pagninilay naman sa mga panahon ni Sr. Renee Yann, RSM sa kanyang blog na aking sinusundan; napakaganda ng kanyang mga lathalain at bakas ang kanyang kabanalan at karunungan. Tingnan sa link na ito: http://lavishmercy.wordpress.com

Leave a comment