Ang Simbahan at ang EDSA ’86

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Pebrero 2025
Larawan mula sa wikipedia.org.

Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng Simbahang Katolika sa tagumpay ng People Power 1986 na sinasagisag ng National Shrine of Mary, Queen of Peace mismo sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan pinigilan ng mga madre, pari, seminarista at layko ang mga sundalong sasalakay sana noon sa mga “rebeldeng” nasa Kampo Crame.

Sa gitna ng maraming pagbabago sa pag-usbong ng maraming matatayog na gusali, nananatiling paalala ang dambanang ito ng katotohanang wala tayong magagawa sa buhay natin kung nakahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus kasama ang kanyang Ina na si Maria (Juan 15:5).

Nguni’t ipinahihiwatig din ng simbahang ito ang malaking bugtong sa ating panahon ngayon, kung ano na ang nangyari sa diwa ng EDSA 1986 na tila sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nalilimutan ng marami? Tingnang kung paano sa ngayon ang EDSA ang tanda ng lahat ng magulo at mali sa ating bayan, taliwas sa dating ningning at karangalan nito. Higit sa lahat, kay laking kabalintunaan ng ating kasalukuyan na ang mga pinatalsik ng EDSA noon ay hindi lang basta nakabalik ngayon kungdi sila pang muli ang namumuno, muling nananahan mismo sa palasyo ng Malacanang!

Larawan ni Jaime Cardinal Sin sa Villa San Miguel, 23 Pebrero 1986, kuha ni Alex Bowi/Getty Images.

Anyare? Kung paanong naging mahalaga ang papel ng Simbahang Katolika noon sa tagumpay ng People Power 1986, pagkalipas ng halos apat na dekada ay masasabi ring malaki ang kinalaman ng mga pari at obispo sa pagkupas at pananamlay ng diwa ng EDSA sa ngayon.

At taliwas sa larawan ng EDSA Shrine ang ating makikita sa ngayon ay ang pagkalango ng maraming mga obispo at pari sa kapangyarihan ng pulitika mula noong Pebrero 1986.

Wala nang nakasunod sa yapak ng karunungan at kabutihan ng yumaong Cardinal Sin na masasabi nating hindi namulitika at lalong hindi pulitiko noong 1986. Isang tunay na pastol ng kanyang mga kawan, inihatid ni Cardinal Sin tayo noon sa mayamang pastulan at malinis na batisan ika nga. Kung hindi sa kanyang panawagan sa Radyo Veritas noong gabi ng Pebrero 21, 1986, napulbos na marahil ang Kampo Aguinaldo at Krame, hindi na naging Pangulo si Tabako at umigsi buhay ng alamat na si Enrile.

Maraming pari at obispo iba nakita sa pakikibaka noon ni Cardinal Sin. Nakaligtaan nilang tularan ang buhay-panalangin (prayer life) ni Cardinal Sin na siyang bukal ng kanyang kabanalan o, kung di kayo papayag ay espiritualidad. Sa kabila ng maraming kontrobersiya sa kanyang mga sinasabi noon, isang mababanaagan palagi sa kanya ang malinaw na tanda ng buhay na pananalangin. Mayroon siyang prayer life kaya mayroon din siyang kababaang-loob at malasakit sa maliliit.

Maliban sa ilang natitira pang katulad ni Cardinal Sin, maraming obispo at pari ngayon ang sampay-bakod o amuyong sa mga pulitiko at mayayaman. Marami sa kanila mga TH na social climber nagkukunwaring “social activist” na puro burgis ang kasama pati asta at salita.

Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.

Kung noong EDSA ay tanda ng kanilang paglilingkod at kawang-gawa ang kanilang mga sutana na sumasagisag sa kanilang kaisahan sa Panginoong Jesu-Kristo, maraming mga obispo at pari ngayon dinurungisan kanilang habito na naging pasaporte palapit sa mga mayayaman at makapangyarihan.

Nakakalungkot ang maraming obispo at pari na nagsisiksikan sa pagmimisa para sa ilang mayayaman habang napakaraming maliliit na ni hindi mabasbasan kanilang mga yumao, ni hindi madalaw para dasalan mga may sakit. Minsang magkawang-gawa, naka-Facebook naman!

Ang pinakanakakasuka sa lahat na tiyak taliwas sa diwa ng EDSA 1986 ay ang mga obispo at pari na sunud-sunuran sa mga mayayaman at makapangyarihan. Nawala na ang kredibilidad ng mga kaparian na taglay noon ni Cardinal Sin dahil alam na alam ng mga pulitiko at mayayaman ang kahinaan ng mga obispo at pari – kuwarta, kuwalta, salapi at pera. Kitang-kita ito sa mga kasalan at lamayan. Maski sa tolda, magmimisa mga obispo at maraming pari para sa anibersaryo ng gasolinahan, sisindihan mga Christmas lights ng kanilang tindahan, magtutulak ng wheelchair ng milyunaryong lumpo, at iiwanan mga parokya maski Linggo para makimisa sa libing ng yumaong donya o don. Istambayan ay Starbucks, tanghalian sa lahat ng eat-all-you-can at bakasyon sa abroad, first class pa sa eroplano sagot ng mayayaman at pulitiko. Nasaan diwa ng EDSA? Wala! Nilamon at tinabunan ng buhol buhol na trapik ang EDSA!

Noon sa EDSA 1986, humingi ng tulong sa mayayaman para sa mga kawal at mga tao pero ngayon, hindi na nahihiya mga obispo at pari ipasagot sa governor at mayor kanilang mga party at outing. Hindi lang donasyon sa mga pagawain sa parokya hinihingi nila kungdi mga sariling pagawain sa bahay at sasakyan.

Nakakahiya. Nakakapanlumo.

Larawan ni Linglong Ortiz, 23 Pebrero 1986.

Kung paanong ang mga pari at obispo ang naging malaking bahagi ng tagumpay ng EDSA People Power noong Pebrero 1986, sila ngayon ang isang malaking dahilan sa pagkawasak ng diwa nito. Hindi na madama ng mga maliliit kanilang mga pastol na nanginginain sa mga handaan, iniwanan mga maralita sa kanilang kariton.

Nawa makita muli naming mga pari at obispo ang malaking estatwa ni Maria, ang Reyna ng Kapayapaan doon sa bubong ng simbahan sa EDSA at matanto rin paanong nanatili si Maria malapit sa Anak niyang si Jesus at sa mga tulad niyang anawim, mga maliliit. Hindi sa panig ng mga mayayaman at makapangyarihan.

Pansinin na habang tumatagal ang EDSA, tila nawawala na pagkakaisa natin sa Diyos kay Kristo kasama ang kanyang Ina na si Maria na dapat sana ay pangunahan ng mga obispo at pari. Iyon ang diwa ng EDSA noon na hindi ko makita ngayon. Pansin din ba ninyo?

Leave a comment