Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Sampung araw bago sumapit ang Valentine's sa akin ay lumapit isang dalagita nahihiyang nagtanong bagama't ibig niyang mabatid kung "makakahanap po ba ako ng lalaking magmamahal sa akin ng tunay at tapat?"
Ako'y nanahimik, ngumiti at tumingin sa dalagitang nahihiyang nakatungo ang ulo sa kanyang tanong at nang ako'y magsimulang mangusap, mukha niya ay bumusilak sa tuwa sa bagong kaalaman sa pag-ibig na matiyaga niyang sinasaliksik.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.
Ito ang wika ko sa dalagita: "Ang pag-ibig," ay hindi hinahanap parang gamit nakakamit dahil ang pag-ibig ay kusang dumarating kaya iyong matiyagang hintayin ikaw ang kanyang hahanapin; tangi mong gampanin buksang palagi iyong puso at damdamin dahil itong pag-ibig ay dumarating sa mga tao at pagkakataong hindi inaasahan natin; banayad at mayumi hindi magaspang pag-uugali magugulat ka na lamang ika’y kanyang natagpuan palagi na siyang laman ng puso at isipan."
"Pakaingatan din naman", wika ko sa dalagita "itong pag-ibig ay higit pa sa damdamin na dapat payabungin tulad ng mga pananim, linangin upang lumalim hanggang maging isang pasya na laging pipiliin ano man ang sapitin at hantungan."
Ang pag-ibig ay parating dumarating ngunit kadalasan hindi natin pansin kung minsan tinatanggihan, inaayawan dahil ang ibig ay kumabig; darating at mananatili itong pag-ibig sa simula na ating limutin lahat ng para sa sarili natin.
Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.