Nasaan na mga liham ng ating mga samahan at pagkakaibigan na ngayo'y napalitan ng maramihang balanang kaisipan at mga larawan pati katatawanan?
Walang umiiral na ugnayan bagkus mga palitan at pasahan na lamang ng sari-saring nararanasan at nararamdaman; mabuti kung iyong masasakyan maski mga kababawan.
Iba pa rin ang karanasang mararamdaman na higit mapagyayaman ng sino mang sumusulat at tumatanggap ng liham mula kay Mister Postman.
Maraming kabutihan at mga kagandahan ginagawa nating usapan sa pamamagitan ng internet kagaya ng e-mail, messenger at viber na sadya namang super ang bilis.
Ngunit kailanman hindi kayang palitan ng mga makabagong pagsusulatan ating kinagawiang mga liham na laging kinasasabikan, inaabangan.
Hindi agad binubuksan mga kamay pinupunasan at baka marumihan mamantsahan tinanggap na liham mula sa kanino man na turing ay isang kaibigan.
Itong pagsusulat maging pagtanggap ng liham maituturing nating ritwal ng ating pagkakaibigan: walang minamadali bawat sandali kinakandili pilit pinanatili sana'y kapiling kang lagi.
Nakakahinayang itong kaugalian ng pagliham napalitan, pati ating pagkakaibigan, mga ugnayan tila nakalimutan; balikan mga lumang liham nasaan hindi ba't nakatago, iniingatan upang basahin, sariwain, palalimin ating samahan?