Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2019
Tula na aking hinalaw sa “The Portal of the Mystery of Hope” ng makatang Pranses na si Charles Peguy (pe-gi). Bagamat hindi siya debotong Katoliko, nang maglaon malaki ang naging impluwensiya sa kanya ng Katolisismo hanggang sa siya ay mamatay noong 1914 sa Villeroy, France.
Sa tatlong pangunahing birtud nating taglay mula sa Kanyang mapagpalang kamay sinabi ng Diyos: "Pag-Asa ang aking pinaka-paborito" sapagkat ito lamang aniya ang "nakasosorpresa" sa kanya.
Paliwanag ng Diyos, hindi siya nasosorpresa sa Pananampalataya dahil sa kanyang kaningningang taglay aba'y bulag at manhid lamang ang sa Kanya'y hindi magkamalay!
Hindi rin Siya aniya nasosorpresa sa Pag-ibig sapagkat maliban na lamang kung sing-tigas ng bato ang puso ng tao at hindi pa sila magmamahalan sila na aniya pinaka-aba at kaawa-awa sa lahat ng kanyang nilalang.
Ngunit itong Pag-Asa ay kakaiba Diyos ay laging nasosorpresa dito nakikita kapangyarihan ng kanyang grasya para mga tao ay umasa pa kahit wala nang nakikita!
Alalahanin sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma: "ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na?"
Kakaiba sa pagiging positibo ang Pag-Asa dahil nakabatay ito sa mga nakikitang palatandaan o mga senyales upang mahulaan at matanawan tinatantiyang kalalabasan ng isang inaasam.
Optimistic ang tao na umaasa gaganda panahon o iigi sitwasyon batay sa mga indikasyon na kanyang nakikita; ngunit ang taong umaasa batid niya mas lalala pa mga bagay at sitwasyon, mas malamang hindi na iigi pa.
Ito ang kaibahan at kaibayuhan nitong Pag-Asa na kahit talo na at wala nang nakikita kumpiyansa sa Diyos ay di nawawala.
Sa ating panahon ng social media kung saan ang lahat ay nakikita at ipinakikita, kitang-kita pa rin ang katotohanang mga dakilang bagay sa buhay ay mula sa mga hindi nakikita.
Iyan ang nakasosorpresa sa Pag-Asa, kahit wala ka nang nakikita kitang-kita Kita pa rin Panginoon namin kaya aking hiling ako'y lagi mong sorpresahin!