Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-29 ng Hulyo 2019
Minsan sa aking pananalangin Sa Panginoon ako'y dumaing Ngunit ang sumagi sa akin Yaring tagpo nang kanyang sabihin:
"Marta, Marta naliligalig ka At abalang-abala sa maraming bagay Ngunit iisa lamang ang talagang mahalaga."
Kaya naman naglaro sa aking isipan Paano mangatwiran si Marta kung tayo sinabihan At marahil ganito kanyang tinuran: "Ako pa ba ngayon ang naliligalig Gayong batid ninyo Panginoon Pandarambong at kasakiman ng karamihan Pagkagahaman sa kayamanan ng ilan Habang kaming maliliit ang labis nahihirapan?"
At waring sumagi sa akin wika ng Panginoon, "Marta, Marta iisa lang ang mahalaga: Sa akin ay manalig ka sapagkat sinabi ko na, Mapapalad ang mga aba at dukha Na walang inaasahan kungdi ang Diyos."
Napahupa aking kalooban samandali Ngunit muli nag-alimpuyo aking galit at ngitngit Aking naisip isa pang hirit ni Marta Nang sa kanya'y nasambit: "Ako pa ba ngayon Panginoon ang nababahala At tila hindi mo alintana mga ginagawa ng masasama Na parang sila pa yata ang pinagpapala Pinapalakpakan, hinahangaan ng karamihan?"
At yaring sumagi muli ang wika ng Panginoon, "Marta, Marta isa lang ang kailangan kaya matuwa ka Kung dahil sa akin ika'y inaalimura, inuusig Pinagwiwikaan ng mga kasinungalingan: walang natatago Na di malalantad, walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag."
Sa iyo ginigiliw kong kaibigan Nabibigatan sa maraming pinapasan Nahihirapan sa mga pinagdaraanan Laging tandaan si Kristo lamang ating kailangan.
Katulad ni Santa Martang uliran Tanging si Hesus ang asahan at abangan Ipagpatuloy gawang kabutihan Iyong pangarap tiyak makakamtan!