Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, ika-27 ng Mayo 2019
Larawan mula sa Google.
Ipagpaumanhin kahit ako'y hindi naman mahinhin Bakit tila baga tayo ay nahuhumaling sa mga usapin At paksang karimarimarim kung saa'y Kalaswaan nagiging isang katatawanan?
Hindi lamang minsan kungdi kadalasan Ito na nga yata katauhan ng mama sa Malakanyang Na kung hindi kasinungalingan o kalokohan Kasalahulaan at kalaswaan laging binibitiwan.
Kailanman ay hindi katatawanan Gawing biro lamang o paksa sa usapan Na wala namang katuturan Panghahalay sa kababaihan.
Larawan mula sa Google.
Simula't sapul palagi na lamang Kababaihan tampulan ng mga panlalait at sisihan Na tila baga walang kasalanan Mga kalalakihan sakdal sa kalinisan at kahusayan.
Madalas hindi nalalaman ng kalalakihan Hinugot ang babae sa kanyang tadyang Hindi lamang upang siya ay ingatan at pangalagaan Kungdi dahil kapantay sa dangal at katauhan.
Sa lahat ng paglapastangan sa kababaihan Panghahalay ang kasukdulan Dahil niyuyurakan sinapupunan Na siyang pinanggalingan ng sangkatauhan.
Larawan mula sa Google.
Napakinggan mo na ba Daing na hindi maisigaw o maibulalas Ng isang hinalay, lalo na yaong nag-alay ng buhay Upang mamasukan sa ibang bansa?
Nakita mo na ba mga mata na hindi makatingin Ulo ay nakatungo dahil sa bangungot na hindi magising Luha hindi mapahirin sa bigat at sakit ng damdamin Ng isang babaeng hinalay o puri'y nadungisan?
Aynakupo...! Nag-aalimpuyong galit kasabay Ang pait at sakit sa tiyan at dibdib Na halos ika'y mabuwal at maduwal Sa gayong sinapit na dama pa rin ang sakit.
Ang pinakamalupit kapag babae ay hinalay Ay iyong mapagtanto na isa itong impakto Nagkukubli sa inapi na maaring babaeng iyong itinatangi: Sariling ina o asawa, kapatid o anak.
Kapag kalaswaan ay nagiging isang katatawanan Dangal ng katauhan di lamang ng kababaihan Ang hindi na pinahahalagahan hanggang maubos ang halakhakan Dahil mga tao'y magsasakmalan na parang mga hayop na lamang.
Estatwa ni Maria nang dalawin niya si Elizabeth sa kaburulan ng Judea; mula sa kanilang sinapupunan sumilang ating kaligtasang hatid ni Hesus na inihanda ni Juan Bautista. Dalawang kababaihan kumakatawan sa kadakilaan at karangalan ng mga babae sa ating buhay: ina, asawa, kapatid, anak, at kaibigan. Larawan ng may-akda, Abril 2017.