Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-8 ng Abril 2019
Mula sa Google.
Madalas nating akalain Pananahimik ay kawalan ng imik Tinitikom yaring mga bibig Di pinapansin mga naririnig.
Ang tunay na pananahimik ay pakikinig Sa gitna ng katahimikang pilit dinaraig Ibuka ang bibig dahil baka kumabig ang dibdib Manaig iniisip sa loob ng munting daigdig.
Larawan kuha ni G. Howie G. Severino ng GMA-7 News sa Taal, Batangas, Nobyembre 2018.
Taliwas na madalas na kaisipan Katahimikan ay hindi kawalan kungdi kaganapan Mundo'y hindi iniiwan bagkus tinutunguhan Niyayakap at niyayapakan upang lubos na maranasan.
Sa panahong atin ngayong ginagalawan Puro ingay at salitaan, walang unawaan Hindi mapigilan talastasan na wala namang kaliwanagan Puro kadiliman, walang naiintindihan dahil walang katahimikan.
Tanging sa katahimikan mapapakinggan Ibinubulong at kinukuyom ng ating kalooban; Gayon din naman sa katahimikan matutukalasan Kahulugan ng sinasaysay ng sino mang pinakikiharapan.
Kung ibig ninumang Diyos ay makaniig at mapakinggan Kanyang mga Salita kailanma'y hindi maiintidihan Kung ang Kanyang katahimikan ay di natin kayang sakyan Dahil ang Diyos sa Kanyang kaibuturan ay pawang kahulugan at kaganapan.
Ang talong Shifen sa Taiwan. Larawan kuha ng may-akda, Enero 2019.
Sikaping makaibigan ang katahimikan Bagama't hindi madali, ito ay maaring pagsumakitan Dahil dito lamang matatagpuan mahahalaga at walang kabuluhan Pati na mga bagay na pansamantala at pangmagpakailanman.
Sa katahimakan ating nabibistay Mga bagay na lantay at walang saysay Buhay ay nahihimay, nakikita ang tunay Kapag tayo ay naghinay-hinay sa daloy nitong buhay.
Ating pagkatao ang siyang dinadalisay Takbo ng buhay nagiging matiwasay Dahil sa katahimikan buo ang ating pagtitiwala Kasabay ang pananampalatayang walang kapantay.
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News sa Batanes, Agosto 2018.
Good noon Fr. Nick, I had no idea how POETIC YOU AREπππ
LikeLike
Salamuch.
LikeLike