Ang problema sa mabait…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 10 Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2019.
Ang problema sa mabait -
hindi iyong daga at mga bubwit - 
kungdi mga tao nating pinipilit
ituring na mabubuti
pinupuring lagi
dahil lahat sa kanila ay maaari:
lahat pinapayagan, pinalalampas
kahit malayo sa katuwiran.
Laging tandaan malaking kaibhan
ng mabuti sa mabait
dahil mas malamang ang mabait
hindi makatarungan
hindi patas tumingin,
kung tumimbang
palaging kulang.
Ang problema sa "mabait"
ayaw makapanakit
damdami't isipan
 kaya hinahayaan
mga kalabisan,
sinasabing pagbigyan
mga panlalamang
 nakakalimutan
 ang katarungan;
ibig nila sila'y kagiliwan
walang imik sa mga kamalian
di alintana
kanilang tinatapakan
dangal at paninindigan
ng mga makatuwiran.
Ang problema sa mabait
sa simula lamang kaakit-akit
paglaon napapanis, nabubulok
sinasabing "nasisiraan ng bait" -
bait ay pansamantala
likha ng ating isip
minsa'y mapanlinlang
sakim at sarili ang ipinipilit;
kaibayo nito ang kabutihan
na bumubukal mula sa kalooban
kung saan nanahan
ang Diyos na tanging mabuti:
mapagpatawad, mapagbigay
hindi humahanay sa kasalanan 
at kasamaan dahil Siya ang kabanalan.

*Tingnan din naunang tula, “Magkaiba ang Mabait at Mabuti”, https://lordmychef.com/2019/07/20/magkaiba-ang-mabait-at-mabuti/

Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2020.

Magkaiba ang Mabait at Mabuti

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 20 Hulyo 2019
Mula sa Google.
Noong ako'y bata pa
Aking pinagtataka
Bakit "mabait" ang tawag ni Ina
Sa mga daga?
Ngayong ako'y matanda na
Aking napagtanto ganyan din mga tao
Tinuturing nating mababait
Parang bubwit kahit maliit ay buwisit.
Mabait daw ang tahimik at walang imik
Mga salitang sinasambit suwabe at walang sabit
Ngunit kung makapanlait
Malalasap pait ng kanilang pag-iisip.
Bulang-gugo kanilang mga kamay sa pagdamay
Hindi nakikipag-away kaya ating palagay
Sila'y makakasabay at laging aalalay
Ngunit sa paninindigan sila'y sablay.
Iyan ang malaking kaibahan ng mabuting tao:
May paninindigan kaya laging nakikipaglaban
Para sa katotohanan, katarungan, at kabutihan
Magalit ka man o sino pa man.
Sigurado sa sarili ang taong mabuti
Hindi nagpapadala sa mga sabi-sabi
May busilak kanyang puso at kalooban
Kung saan nananahan katarungan at pagmamahal.
Ang bait ng tao naroon sa kanyang isipan
Ngunit hindi sapat kung talino lamang ating sasandigan
Sapagkat maraming katotohanan
Na tanging puso lamang ang nakatatalos.
Si Hesus na tanging Mabuti ang nagsabi
Mapapalad ang mayroong malinis na puso
At makikita nila ang Diyos
Dahil silang mabubuti ang handang mapako sa krus.
Photo by Pixabay on Pexels.com