Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hunyo 2020
Ang banal na Bundok ng Sinai sa Ehipto kung saan nakipagtagpo at usap ang Diyos kay Moises. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.
Mula kamusmusan hanggang kabataan
maging sa katandaan, palagi kong pinag-iisipan ano kaya pakiramdam at karanasan maakyat ang kabundukan at mula
doon durungawin nasa ibabang mga lansangan at kapatagan o kaya naman
mula sa gayong kataasan kung mayroong kaibahan kung ako'y tumingala sa kalangitan.
Hindi
nagtagal aking
naranasang maakyat ilang
kabundukan at doon ko natutunan
pangunahing aral at katotohanan na ang bundok
ay buhay, isang paglalakbay mga daana'y di tiyak, puno ng mga
dawag at panganib, hindi lahat ay paahon minsa'y palusong kaya mahalaga
sa bawat pagkakataon, tuon ay matunton nililingon na taluktok sa dako pa roon.
Iwaksi
pagmamadali
gaya ng ating buhay, damhin
paglalakbay sa bundok, tingnan kalikasan
pakinggan sari-saring tunog at huni sa kapaligiran
iyong mararanasan kaluguran at kabutihan, hindi kahirapan;
iwasan o lampasan at iwanan mga hindi kagandahan, panatilihan
saan man ika'y puno ng kagalakan at kaganapan, sa buhay madalas nating malimutan.
Huwag
kalilimutan tanging
mahalaga lamang ang dalhin
ano mang hindi kailangan ay iwanan
upang huwag mabigatan, mapagaan at mapaluwag
di lamang katawan kungdi pati kalooban dahil ang malaking
katotohanan, itong bundok ay larawan ng Diyos na sa ati'y umaakit
sa kanya tayo ay lumapit upang kariktan niya at kabanalan atin ding makamit.
Ang
hiwaga ng
kabundukan katulad
nitong atin buhay matatagpuan
sa ating kakayanang iwanan ang lahat,
Diyos ay pagkatiwalaan na Siya ring nagbigay
sa atin ng bugtong Niyang Anak nag-alay ng buhay sa krus
upang mabuksan pintuan ng kalangitan na ating tunay na tahanan
madalas nating tinitingnan sa kaulapan halos kalapit ng mataas na kabundukan.
Ang mga bantog na Swiss Alps sa Switzerland. Kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual, 2019.